(Para kay Nasudi Anchin)
Nagtatampo
ang mga gunita
sa panahon
ng tagsibol
ng ating paglayo.
Ikaw din, bunso,
ay nagtatampo
sa paggawa
ng alaalang
ating lahat
habang ang ate
ay sagana
sa panggigising
sa iyong
puso
ng mga damdaming
estranghero
sa pagsuyo.
Sige,
uuwi ako
sa malayo, sabi mo
at ang mga talang
tumatanod
sa ating iiwang tahanan
ay nangusap,
kumampi
sa mga gintong bunga
ng niyog
ng itinanim
ng ating pangakong
magbabalik
sa mga bisig
ng batang araw
sa ating
lupang hinirang
na di naman
na yata
humihirang
sa ating
panaginip sa ulan
sa pagtatanim
ng mga butil
sa bukiring
nakaantabay
sa mga dasal
sa pag-aani.
Nangingiti
lamang
ang tirik na araw
sa Linggong ito
sa Torrance
ng iyong pagliban,
ikaw at ang iyong
pananakot
ng pagsusumbong
sa akin.
Sasabihin mo raw
sa ateng
ang angkang pinagmulan
ay sa mga hanging
dumadampi sa ating
mga pisnging
giniginaw
ng mga tubig-tabang
sa Kailokuhan--
o ng gunita
sa panahong
nagbubuklod-buklod
ang ating mga isip
sa pagbubuo
ng mga kastilyo
na lampas
sa mga buhanginan.
Dito sa Torrance,
sa baybaying
dumederetso
rin sa atin kaisipan
sa tubig
sa heograpiya
ng mga pag-asang hinihiram
natin sa
naglalanding
mga dalampasigan
sa atin
ikikintal ko sa isip
ang iyong panatang
yayakap ka sa akin
ng mahigpit na mahigpit
habang kausap
ang mga anghel
sa iyong pagtulog
na mahimbing,
dito man sa lupang
humirang na sa akin
o
diyan man sa atin
sa lupang minsan
ay humirang din
sa ating hinaing.
Siya, bunso,
itapon ang tampo
sa ligaw na hangin,
ipatianod
sa mga daluyong
sa dibdib
at huwag nang umalis
sa malayo tulad
ng nakagawian
nang sambitin.
A.S. Agcaoili
April 10, 2005