Pagdala ng Hinaing sa Dagat

(Para sa mga supling: Ayi, Camz, Nasudi Anchin, Okt. 31, 2004, sa dalampasigan ng Redondo, LA County, CA, USA)


Huling araw ngayon ng buwan

Sa ibayong dagat ng isip

Tulad ng panghuling araw

Ng paghahabol sa nauupos na init

Ng mga gabi ngayong taglagas.



Malayo ang mga hinaing

Na nananahan sa pagpipiging

Ng mga bituin

At ngayon, sa undas

Ng mga atang

Para sa mga yumao,

Iisipin ang kabit-kabit

Na pangako ng mga alon,

Buhangin, dalampasigan,

Tubig-alat, at pakikipabaka.



Kagabi ay kausap

Ang mga supling, karugtong

Ng mga pangarap, kakambal

Ng mga araw-araw na bilin.



Nagsermon sa panganay

At idinikta na ang nayon

Ay nasa lunsod din,

Siyang panganay ng mga tunggali,

Siyang unang sulat ng di mabilang

Na pagbabakasakali.



Sa dalagang anak ay

Ang pananabik sa halakhak,

Tulad ng pananabik

Sa pagyayabang ng bunso,

Tatlong anak na tatahi

Rin ng mga wagayway

Para sa bayan, sa tao,

Sa nawawalang uniberso

Ng mga ninanakaw na totoo.



Iisipin ang lahat ng iniwan,

Mga kasama sa paglalayag,

Mga kasama sa panagimpan,

Silang humihingi

Ng saklolo sa daluyong

Ng mga ligaw na himig.



At sa paggising, hahalik sa pisngi

Ng natutulog na langit,

At makikita muli

Ang buhay na larawan sa panaginip:



Helera ng mga sugatang kabataang

Nanghihingi ng pagsasakripisyo,

Tinatanggap ang alay sa pagsuko,

Pagsuyo sa mauulit na rebelyon

Ng mga duguang pangako.



Dadalhin ko ngayon sa dagat

Ang lahat ng mga hinaing,

Isasama ko sa alon sa Redondo

Ng muling pakikipagsiping

Sa huling halumigmig ng dilim

Sa alat at tabang ng mga salita,

Sa hampas at dampi

Ng mabangis na hangin,

Sa tagaktak ng pawis sa noo,

Sa paghahabol ng hininga,

Sa pagnamnam ng siphayo.



Malayo man ang mga alaala,

Malapit din ang darang,

Nitong tagatagni

Ng lahat ng maagang pakiramdam.



Dadalhin ko ngayon

Ang aking hinaing sa dagat,

Ipapatianod sa tubig

Na di nagsasawa sa paggagalak.

No comments: