Nagpapatse ang kabiyak
ng maleta ngayong gabi
tulad ng kanyang pagpapatse
sa mga panahong nawala sa amin.
Sa makalawa ay ang aking
pag-uwi sa malayo,
ang kataga ay sa bunso
nang iwan ay kasing-edad
ng bagong pangako ng babaeng
pinunong iniluklok sa basbas
ng sambayanang pakikipagtunggali
laban sa mga bayani ng pnatasya,
sa pelikula man o sa panloloko
sa ating siphayo.
Gamit ang mighty bond,
pinapatsehan niya rin
ang mga mahahabang panahon
ng aming pagliban
sa tungkulin sa pagngiti,
kaming mga magulang
na kinakailangan dumayo
upang buhayin ang pangarap
sa pagdudugtong ng buhay
sa pamamagitan ng dolyar
ng mga gabi ng dalamhati.
Ay, kayhirap mangibang-bayan
upang maghanap ng pamasak
sa mga butas ng pag-aalinlangan
dito man sa atin na ang kahirapan
ay isang dula
doon man sa Amerika
na ang paghihirap ay balintuna.
Samantala, pagmamasdan
ko ang kabiyak sa kanyang
mapagmahal na pagbubuo
sa maletang winasak
ng palagiang pag-alis
sa pagsuyo.
A. S. Agcaoili
Mayo 11, 2006
Marikina
2 comments:
Salamat na pinapapatse mo sa akin ang maleta mo.
Gagawin ko yun kahit ilang beses.
Lab u!
sige, salamat din sa epoxy o mighty bond at sa pag-asa na makakarating ang maleta sa paroroonan. at nakarating namam kahit pagdating sa LAX ay bumigay na naman ng todo sa pagbalibag sa eroplano at sa mga eropuertong dinaanan. dinispatsa ko na ang maleta pero halukipkip ang mga alaala, pagmamahal, pagkalinga, pag-asa, pangarap, dasal--dasal na sana, sana, sana.
Post a Comment