Patutsada sa Kalayaan

Patudsada sa kalayaan
ang tawag sa lambingan natin
tayong dalawang
magsing-irog ng bayan
na nagpapatayan din
tulad ng mga wika nating
ating ginagamit upang
kitlin ang tinig ng bawat isa.

Katulad tayo
ng magkakambal
na anino
o masamang pangitain
o bungang-araw
na paulit-ulit
ang pagkakambal:
tumutubo sa kung saan
di dapat tumubo
at mangangati kung wala
sa panahon
tulad nang mahimbing
na mahimbing
ang tulog at kailangang kamutin
ang lahat ng mga anghel
na nagsasayaw sa mga bunga
ng araw at gabing
nagtatarakan tayo ng kutsilyo,
ikaw sa dibdib, doon sa puso,
ako sa puso, doon sa dibdib.

Nakakatuwa ngang pangyayari ito:
tayo sa iisang hangarin sana,
magkaugnay ang mga layon
sa pagpalaganap kung sino tayo
sa lupang wala tayong pagkasino.

Pero nasa iyo
ang makatang mandarambong
at ang intelektuwal
na kung mandarambong
ng galing ay talamak pa
sa buwan sa pag-angkin
sa ating mga damdamin.

Magkakambal silang sakim
sa lahat ng salita ng kasakiman
at nangangarap
na kitlin ang lahat
pati na ang ating hinaing.

Sayang ang makata ng bayan,
pumasok sa utak ang yabang
at hinayaan doon na maghari
ang engkanto ng kapalaran
at kasinungalingan ng salitang
kanya nang kinamkam.

Sayang din ang intelektuwal.
Sa utak ng iba siya nananahan,
sinasakop ang husay ng iba,
ginagawang kalakal ng kanyang
mga mapagharing kamay.


A Solver Agcaoili
U of Hawaii at Manoa
Oct 27, 2006/tinapos, Okt 29/06

5 comments:

Lei said...

Aha! (uli) Sinong kalambingan mo?

Ariel said...

Nakakainis ito--pero sa email ko sasabihin, wag dito at public access ito.

Lei said...

Alam mo namang binibiro lang kita. Gumagawa lang ako ng pruweba na nagbabasa ako ng blog mo. Lagi mo kasing sinasabi na hindi namin binabasa ang mga gawa mo.

Ariel said...

thanks, dear. thanks, thanks.

Lei said...

Ah, don't mention it. What are sweethearts for?