Malapit na ang matagal mong pag-uwi, sabi ng bunso. Ang gulang ay sa mga manika, mga luto-lutuang walang apoy, at mga kuwento nga pag-asa at pagkaaliw sa mga pantasiya, mga leyenda, at mga kuwentong bayang ang mga tauhan ay nakakakita ng kinabukasan, nakakaalam ng nakaraan, at nakakaintindi ng kasalukuyan.
Nasa kabilang linya ang bunso, sa dulo ng kulang-kulang na walong libong milya ng agwat sa panahon at pook na nasa aming pagitan. Sa aming exilikong buhay, ang panahon ay distansiya rin, tulad ng distansiya ng mga isip at at pagliban sa marami nang taon na wala ako sa kanyang kaarawan maliban sa kanyang unang anibersaryo ng kanyang pagsilang. Ilang buwan pa pagkatapos nito, sa simula ng tag-araw sa bayang sinilangan, tumulak ako sa ibang bayan upang makipagsapalaran. Mula noon ay ang paulit-ulit na pag-awit ng pagbati sa kaarawan sa pamamagitan ng mga piping salita ng birthday card, o, kung nagkataon na merong phone card, ay sa telepono sa mga bilang na minuto na kung pumatak ay tila metro ng manunubang taxi sa Kamaynilaan.
Malapit ka nang umuwi? tanong sa akin. Ang kudlit sa dulo ng pagtatanong ay isang pagkamangha, hindi makapaniwala na makakauwi ako sa taong ito, at tulad ng nakaraang taon, ay makapagtatagal ng kaunti upang muli siyang maisayaw sa mga gabing di makatulog, o makuwentuhan ng tungkol sa pag-exilo ng mga Israelita sa Pagilian ng Poon upang magpakasakit ng maraming taon, at upang sa dulo ng naratibo ng pagpapakasakit ay ang paglaya mula sa kamay ng malupit na Faraon.
Malapit, sabi ko. May tinik sa aking lalamunan, may punyal sa aking dibdib.
No comments:
Post a Comment