Anong oras ka uuwi?
tanong ng bunso.
Ang pagitan namin
ay mga gusgusing pangarap
at milya-milyang dagat
at nakaliban na mag-amang harutan.
Gabi nung tuwawag ako
sa iniwang bahay,
gabi ng pangungulila
sa pangungulit ng bunso
sa kanyang paghahanap ng yakap
sa kanyang pagpapakandong
kahit sabihing maghapong
nahapo ang kalamnan
sa mga alalahanin
sa umaga ng pagkalam ng sikmura
sa mga salitang nakakadighay
sa tanghali ng pag-iinat-inat
upang ilarawan ng mga bisig
ang dulo ng mga lakas
sa paglayo, mga balon
ng mga hinagpis sa pag-iisip
ng mga paraaan na malipad
ang distansiya ng meron at kawalan
sa pagiging amang nandarayuhan
sa pagiging anak na iniiwan
sa pagiging magulang ng lahat
ng nakagagaling sa sugat sa dibdib.
Anong oras ka uuwi? tanong ng bunso.
Napapatunganga ako sa ganung tanong.
Isang punyal itong tumatarak
sa aking sentido habang binibigkas
ang nagkukunwaring galak.
Anong oras nga ba uuwi
ang isang exilo sa kanyang bunsong
naghahanap ng libong halik
pagkagising sa kanyang musmos
na panaginip?
Iisipin ko ang tanong
at iisipin ko ang bayang iniwan.
Ang bayan ay siya ring bunso
na nagtatanong,
Anong oras ka uuwi, exilo ng lahat
ng mga pakikipagtunggali
sa bayan man o sa ibang bayan
sa gawa man o sa salita
sa laro ng mga larawan ng ginhawa o
sa hagupit ng kahirapan?
Ngingitian ko ang bunso
sa awditibo, umaasa
sa kanyang mainit na pagsuyo.
Iisipin ko ang bayan,
umaasa na magsisimula na
ang di na nandadarayuhang kalayaan.
A. S. Agcaoili
Carson, CA
Dis 21, 2005
No comments:
Post a Comment