(Kay Nasudi Francine, ang bunsong iniwan sa bayan upang hanapin sa dayo ang panahon at pera para makapagsulat ng malayang-malaya.)
Nagsimula sa e-mail ng kanyang ina.
Nagsimula rin sa aking naging reaksyon nang mabasa ko ang nakakatuwang e-mail.
Ang sabi ng kanyang ina tungkol sa narinig mula sa bunso ay nakasentro sa kanyang pagmumuni-muni sa mga bagay-bagay na nagaganap sa sariling tahanan at nitong narinig mula sa bunso ay dala ng pagkagulantang pagkatapos magising ng wala sa panahon.
At lahat ng ito ay tungkol sa 'panata ng makabayang payong'.
Ito ang mga eksena:
Ang bunso ay tila tumutula, tila may kinakausap, subalit higit na mainam kung sabihing bumibigkas ng isang ideyang kayhirap arukin ng isang apat na taong gulang na ang mundo ay imiikot pa sa mga kulay ng krayola; sa damit at ipit ng Barbie, sa paglalagalag ni Dora, ang manikang kinagigiliwan na tila bumasag ng pagiging 'puting lahi' ng bansang Estados Unidos, kung puwedeng tingnan ang aykon ng kulturang popular sa ganitong paraan; sa pagsulat ng pangalan sa may guhit na papel na hindi na lampas-lampasan; ang panonood ng anime at/o cartoon; ang pagsasayaw ng pa-isplit na akala mo ay ballerina sa isang entabladong punumpuno ng 'paying audience'; at ang pagsasabi ng 'Papa, nami-miss mo na ba ako?' tuwing tumatawag ako sa telepono.
Higit sa lahat, itong bunso ay kakambal niya si Dora, si Dora na laging nasa tabi niya kahit anong ginagawa.
Si Dora na ginagawang dakilang alalay, guro, estudyante, kasama sa panonood ng telebisyon, kasama sa pagkain; si Dora na nagkakasakit kung kaya ay nagiging pasyente ng nagduduktor-dukturang bunso na ngayon ay nagpapabili sa akin ng istetoskowp; si Dora na kabuuan ng kanyang pagbatid sa mundo bilang isang malaking laro.
Sapagkat si Dora ay isang pasyandong batang babae, at laging naghahanap ng kaalaman, ng kabatiran, ng kapantasan sa wikang Ingles at sa wikang Kastila.
Sapagkat maituturing na Ingles ang Amerika at hindi Kastila di tulad ng Timong Amerika at Mexico, ang pagsasalita ni Dora ng Kastila ay mapagbasag na gawain at nangwawarak ng katahimikan ng kaisipan.
Sapagkat si Dora ay may angkin talino sa pagsasawika ng saloobin.
Nakakaluntang ang promesa ng mga sorpresa mula kay Dora.
Mapangwarak din sa nilulumot na isip ang kanyang wika at isip at kamalayan.
Tulad ng pagwawarak ng bunso sa mga bagay-bagay na pang-araw-araw.
Isang hapon ay buong puso niyang binibigkas ang Panatang Makabayan ng Pilipinas, ang panatang ikinakabesang parang loro ng mga bata pagkatapos ng Lupang Hinirang.
Sa kanyang sariling paraan, na kung tutuusin, ay tila hindi konektado sa panunumpa sa watawat ng bayang pinagkapanganakan, meron isang nakakagimbal na naganap.
Ang sabi ng bunso ay ito: "Susunduin ako ng payong ng aking mga magulang..."
Hindi ko alam kung ano pa ang pinagtambling-tambling ng kanyang kamusmusan subalit sa aking isip, malinaw ang konsepto sa kanyang parilala: ang pagmamahal ng kanyang mga magulang, ang proteksyong ibinibigay ng payong laban sa mga elemento ng kalikasan, ang aksyon ng pagsundo sa kung nasaan ang bunso.
Ang siste ay ito: Hindi na ito panunumpa sa watawat kundi paglalahad ng nasa puso gaano man ito tumatakas sa mala-musmos na pagbatid sa mundo at sa mga ugnayan ng tao.
Ibig kong pagtawanan ang mga pangyayari--subalit kung tutuusin ay hindi rin talaga nakakatawa.
At para sa isang amang lumayo tulad ko, lumayo upang makipagsugal sa dayo sa pag-aakalang magkakaroon ako ng pagkakataong magsulat ng walang sagabal sanhi ng usapin tungkol sa pang-araw-araw na alalahanin, ang alaalang iniiwan ng bunso sa akin, kahit sa e-mail lamang ng kanyang ina, ay sapat na upang maibsan ang lungkot ng mga araw na dumaraan na hindi kapiling ang nagsabi ng: "Susunduin ako ng payong ng aking mga magulang..."
A. S. Agcaoili
Torrance, CA
Hulyo 8, 2006
3 comments:
Iba-iba nga rin ang naramdaman ko nung marinig ko siyang nagsasabi ng "susunduin ako ng payong ng aking mga magulang." Nagtaka at nagulat kasi nga e bigla lang akong nagising. Natawa rin at natuwa.
Ang nauna nga lang na reaction e ang i-correct siya.
Ngayon, habang ikinukuwento ko sa mga co-teachers ko ang insidenteng iyon e nararamdaman ko na proud ako sa anak ko. Apat na taon pa lang siya pero niri-recite na niya yung Panata kahit hindi pa yung tama. At dahil pumapasok sa isip niya ang mga bagay na ganun kahit wala siya sa school.
Tama ka. Isang bagay yan na hindi ko rin nagawa, o di ko kayang gawin nung ganung edad ako. Ibig sabihin, abanse ang isip, malikot ang hiraya, mahusay ang kakayahan ng imahinasyon. Isang saludo para sa bunso.
Correct!
At hindi rin ganyan ang mga kapatid nung sila ay ganyang edad din, di ba?
Post a Comment