Bukas Na Liham kay Joey Baquiran, 1

Bukas na Liham Kay Joey Baquiran, press officer, ng WIKA.


Aloha Joey,

Salamat sa email at (tugon sa iyong narinig mula kay LQS na ako raw ay magdedemanda).


Mayroong linkage building ang ibang language groups ngayon at walang diretsahang kinalaman sa inyong 
petisyon for certiorari/TRO.


Nakarating na sa aming grupo ang kopya noong isang linggo pa at umiikot na ito sa iba pang mga grupo.


Walang demanda. O wala pa.


Pero merong kritikal na pagbasa sa petisyon ninyo.


Mayroong kasing lehitimong concern ang ibang grupo na tila hindi rin nakikita ang ibang trayumpalistang grupo sa atin. 


Huwag na tayong magpaliguy-ligoy pa: ang problema ay ang pangangailangang pagkilala sa nagaganap na anomalya sa 
pambansang wika at marami pang anomalya kanugnog nito na hindi nararamdaman, hindi nakikita, at hindi kinikilala ng iba, 
tulad halimbawa ng 'anomalya' sa pambansang artista sa literatura.


Sa kadahilanang nanggagaling ako sa iba't ibang wika, lantaran kong nakikita ito--at sasabihin ko na ng tapat sa iyo na hindi 
ito nakikita ng mga taong gumagamit lamang ng lenteng Tagalismo--ang malaking anomalyang ito.


Ilan sa departamento natin (sa UP Filipino at Panitikan ng Filipinas) ang nakakaramdam ng ganito?


70ng taong simula noong ideklara ni Quezon ang ganitong experimentasyon--70ng taong din pinagtataksilan ang ibang 
etnolinggwistikong grupo.


Maaaring ang pagtaktaksil ay hindi sinasadya pero ang bunga ay pagtataksil pa rin.

Ang pagbibigay ng 'citizenship' sa wikang Tagalog at ang lohikal nitong konsekwens na sakupin ang utak at kaluluwa ng 
nakararami ay isang bagay na kinakailangan tingnan ng mabuti, suriin ng mabuti, at sa lente ng tunay na poltikal, kultural, at 
linggwistk na imahinasyon ng kabansaan, bansagan ang masaklap na karanasang ito.

Walang kinalaman ang posisyong ito sa mga tao. Sabi ni LQs sa akin, magkakapatid tayo. Pero kahit sa mga magkakapatid, 
may nanlalamang at may pinanlalamangan kapag hindi malinaw ang mga batayan ng ugnayan at ng mga premises ng pagbubuo/pagkakapatiran.


Merong maling pilosopiya ng wikang naghahari--at ginagamit na hindi nakikita ng mga malalakas ang tinig at may malaking espasyo ng publikong diskurso tungkol sa pambansang wika.


Deka-dekada nang pagkakait ang nagaganap. Ilang dekada pa ba ang hihintayin natin bago natin nalirip man lamang ang 
kinahihinatnan ng pagkakait na ito?

Sasabihin ko na: kahit noong fakulti pa ako, ganito na ang aking isip, ganito na rin ang aking itinuturo. Walang bago sa 
sinasabi ko ngayon.


Iba kasi ang 'feeling good' na paradaym ng mga nagtagumpay na--at ito ang butil ng trahedya na ayaw nating makita, tayong mga nasa akademya na nag-oopereyt sa lenta ng lohika ng pagiging komportable at pagiging kombinyente.


Yung feeling na 'we have arrived' ay isang pakiramdam na maaaring exklusib.


Sapagkat walang kumakalampag sa nagwagi--at ang nagwagi ay naroroon sa estado ng padaya, ng punsion, ng selebrasyon--ang 'feeling good' na ito ay nagbibigay ng status quo na normal ang lahat.


Hindi normal ang lahat, Joey.


Aling departmento ng "Filipino" sa isang marangal na Unibersidad sa atin ang tunay na departamento ng "Filipino"? Ito ay isang pagtatanong--at matagal nang pagtatanong mula sa akin.

Merong posisyon si Dr. Jose Abueva, ang KB. Kinikilala niya mismo ang pagkamatay ng mga wika sa atin, siya na nagtaguyod 
ng P/Filipino (anong ambiguity ito?) sa Unibersidad.


Kailangan talaga ng pag-uusap--ang kum+bersasyon, Joey, dahil mga sarili na rin yata natin ang ating mga kaaway.

Kailangan ng masinsinang paglilinaw sa mga batayan ng kabansaan--at ang politkal na imahinasyon sa ngalan ng integrasyon ng mga wika at kultura para sa tunay na "Filipino". 


Ang lehitimong demanda ng ilang grupo ay ang pagbubukas--at walang patid na pagbubukas--na pambansang kumbersasyon para lahat tayo ay magkakabit-kabit.


Ang masaklap ay ang nangyayaring pag-iiwan sa iba at sa isa't isa sanhi ng trayumpalismo.


Merong Napoleonismo ang kasalukuyang hugis at hitsura ng 'sinasabing pambansang wika' at ang kahilingan ay ang tuwirang pagbabalik sa politika ng pambansang wika na ginamit na ng ilang mga naghahari at mapanupil at mapanakop na ahente sa ngalan ng panlipunang pagbabago pero ang definisyon nito ay kanila lamang.


Hindi pa nagbabago ang aking pagtitiwala at paniniwala sa 'Filipino' ayon sa definisyon ng 1987 Konstitusyon.


Pero hindi ako naniniwala sa 'Filipino' na isinasaksak sa lalamunan ng nakararami ngayon, sapagkat taliwas na taliwas ito sa espiritu ng kolektibong pangarap at nais at imahinasyon natin.


May mga nagwawagi sa ganitong kaayusan at merong napagwawagian. Ito ang kinakailangang bantayan natin--at pag-iiwan sa iba kapag narating na sa tugatog ng tagumpay.


Ako pa rin ang dating fakulti ng Filpino sa ting departamento, pero noon pa man ay ipinaglalaban ko na ang repertoire at hindi yung Tagalismong nananaig sa ngayon.


Kailangang bansagang ang palasak na sakit na ito sapagkat malaganap na ang isomorpismong ganito: ang agad-agarang pagtutumbas ng Tagalog sa P/Filipino.

Kailangan ng pagkaklaro sa mga landas natin--at dito ako nagkakaroon ng pangamba--ang paulit-ulit na pagkakamali at ang pauli-ulit na pagwawasto pagkatapos ng trahedyong kultural at linggwistik.

Maraming salamat sa kopya. Siya ring kopya ang nakarating na sa akin.


Padadalhan kita ng aking komentaryo sa inyong petisyon.

A, kayraming laman ng dibdib. Naiipon at naiipon.


Kailangan sigurong suriin nating ang mga sarili, ang mga posisyon natin, at mga hakbangin. Kalabisan ba ang paghingi ng espasyo para sa kumbersasyon?


Nabansagan na akong reaksiyanaryo noon laban sa ‘Filipino’ bilang wikang pambansa. Palagay ko ay ganyan uli ang tawag sa akin. Reaksiyunaryo. Hindi na bale.


Mahalo,

Ariel

May 2/07, HON, HI

No comments: