AT ANG TAO AY WIKA, AT ANG WIKA AY TAO
Et verbum caro factum est. At ang wika ay nagsakatawang tao.
Ket ti tao nagbalin a sao. – Santa Biblia
0. Henesis ng Pagninilay-nilay
Kailangan ng pagtatakdang: na ang tao ay wika at ang wika ay tao.
Ang asersyon sa kahalagahan ng wika ay hindi lamang pagkilala sa realidad kundi pag-amin sa ontikong relasyon ng tao sa kanyang wika, isang relasyong magkatanikala, di kailan man magkahiwalay, di makapaghihiwalay: walang taong walang wika, at walang wikang walang tao. Walang conditio sine qua non ng ganitong pagtatakda, walang nasa gitna, walang paguurong-sulong sa utak. Kung gayon, ceteris paribus, wika ang tao, at tao ang wika.
Sa duluhan ng mga pagbabaka-baka, sa duluhan ng mga pag-aatubili, sa bawat kanto at panulukan ng mga pagbabaka-bakasali sa relasyon ng tao sa kanyang wika, at ng wika sa tao, isang bagay ang malinaw: na ang tao, sa kanyang pagiging historikal na nilalang, sa kanyang pagiging bahagi ng isang takdang panahon at pook, ay, tulad ng Verbum—na siya ring ‘Logos’, na siya ring ‘Salita’, na siya ring ‘Sao’-- ‘nagsakawatang tao’.
At ang wikang nagsakatawang tao ay pumagitna sa kasaysayang pantao.
At sa pagpapamagitan ng wika sa kasaysayang pantao ay nagsilbi ito—at patuloy na nagsisilbi—bilang saksi sa pagbubukadkad ng mga partikular na kasaysayan sa kani-kanilang kahulugan at katotohanan.
Dahil dito, mahalaga ang wika—mahalaga lahat ng mga wika—at ang kahalagahang iyan ng mga wika ay nakaugat sa pangyayari na ang mga wika ay bahagi ng buod at ubod ng identidad.
Kung gayon, mahalaga ang mga wika sapagkat kung wala ang mga wika—kung walang ‘magsasakatawang tao’ sa ating pagbatid sa mundo—hindi posible ang kabatiran sa ano mang anyo nito: kabatiran sa sarili, kabatiran sa iba, kabatiran sa mundo, at higit sa lahat, kabatiran sa kabatiran.
Mahalaga ring linawin na ang kabatiran sa kabatiran—at ang reflexibong kapangyarihang taglay ng wikang pantao—ay ‘palagian-nang’ pinapamagitanan ng wika. Wala nang iba pang pinakamainama na tagapamagitan sa kabila ng kanyang taglay na likas na kalabuan. Bahagi ng kanyang ironiya ay ang kakayahan din nitong gawin malinaw ang napagtanto nitong malabo.
Mahalaga ang wika, kung gayon, sapagkat, ito ang balay ng kaluluwa ng tao, ang balay ng pamayanan pangkultura. Ipagkakait ang balay ng kaluluwa sa tao, ang tao ay magpakalabuy-laboy, magiging bagamundo. Ipagkakait ang balay ng pamayanan, ang buong pamayanan ay madidiskaril, mawawala, magwawala, mangangawala.
Pero madaling sabihin ang mga ito; kayhirap hanapan ng puwang sa disrientadong buhay ng tao.
Mas madaling mawala, magwala, mangawala.
1. Mga Masalimuot sa Usapin sa Paglusaw sa Kahalagahan ng Wika
Hindi ganito kalinaw ang relasyong ng wika sa tao, at ng tao sa wika. Sa kasamaang palad, mangilan-ngilan lamang ng mga wika ang may pribilehiyo sa pagpapahalaga, pagpapaunlad, at pagpapayabong. Mangilan-ngilan ay may prestihiyo a sanhi ng posisyon sa intelektual, akademik, a kultural na buhay ng higit na malaking komunidad. Ilan sa mga ito ang internasyunal na wika ng komersyo at diplomasya. Ilan din dito, sa kasalukuyan, ang tila fetisyistikong pagbibigay ng pagpapahalaga sa mga wikang pambansa sa ngalan ng sentristang idea ng ‘nasyon’ at ‘nasyonalismo’, at sa ngalan ng politikal na agenda sa ‘pambansang kaisahan’, ‘pambansang pag-unlad’, pambansang simbolo’, ‘pambansang diwa’, at ‘pambansang pagkakakilanlan’.
Nangangailangan, kung gayon, ng ibayong pagsusuri sa mga pangyayari na nagdudulot ng paglusaw sa ganitong di matatawaran at mahigpit na ugnayan ng tao at ng kanyang wika.
May mga pangyayari mismo sa kasaysayan pantao na nagsilbing motor ng paglabo sa ating kabatiran sa mga wika—at paglusaw sa katotohanang di maaring talikdan ng tao ang kanyang wika.
Ang ilan sa mga salik ng paglusaw na ito ay: (a) ang pagpapakalat ng kaisipan siyentismo at rasionalismo; (b) ang pagbubuo ng nasyon-estado, at lahat ng mga kaakibat na kaasipan at praktika kaugnay nito; (c) ang pagwawasiwas ng kapangyarihan ng kapitalismo, nasa estado man ang kapital o nasa kamay ng mga mangangalakal; at (d) ang walang riyendang pagsupil ng globalisasyon sa mga karapatang pangkultura, kung kaya ay karapatang pangkamalayan, ng mga indihenoso at etnokultural na mga grupo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang resulta ng mga salik na ito ay ang pagbabandila nga iilang lengguahe, ang pagdadakila sa mga makapangyarihang wika sapagkat instrumento ng mga ito ng imperio kakabit nila, at ang pagbibigay ng armada at puersang pandagat sa mga pambansang wika na, sa kasaysayan, ay naging sanhi rin sa pagsupil sa mga karapatang pantao—mga karapatang pangwika at pangkultura—na pinuprotektahan ng saligang batas ng maraming nasyon-estado at ng mga internasyunal na tratado at tipan.
2. Siyentismo at Rasyunalismo Bilang Panlusaw sa Salik
Ang pamana ng medyibal na kaisipan na nagsimula sa masalimuot na usapin kung ano ang ‘siensiya’ at kung ano ang ‘siyentifiko’ ay dulot ng mapanagumapay na aktitud pangkaisipan at pangkamalayan sa ‘rason’ na nagbunsod sa isang pilosopikal na posisyon na maari nating tawagin na ‘rasyunalismo’. Ang aktitud na ito ay reaksyon sa pangingibabaw ng ‘fide’—ng pananampalataya—bilang balangkas ng pang-unawa sa tao, sa kanyang lipunan, sa kanyang mundo at higit sa lahat, sa kanyang relasyon sa kanyang Manlilikha.
Malaking bahagi ng ganitong intelektuwal—at sa huli ay politikal, na posisyon (a) sa pananagumpay ng Kristiyanismo mula sa persekusion at opresion pinagdaanan nito sa naunang yugto ng kasaysayan sa kanluran, (b) sa pagkakaroon ng absolutistang kapangyarihang taglay ng simbahang Katoliko, ng Santo Papa, at nga mga ‘hari’ at ‘prinsipe’ ng naturang simbahan—kapangyarihang nagtatakda kung ano ang tama at mali, kung ano ang naaayon sa ‘turo’ ng pananampalataya, at (c) sa kung ano ang matatanggap na ‘rasyunal’ na kabatiran, isang kabatirang binalangkas mula sa liwanag ng pananampalataya, at ng ‘grasyang banal’ na kakabit nito.
Sa kasaysayan ng mga idea sa kanluran, punum-puno ang ganitong episodo: nga mga dramang sosyal na ang mga aktor ay ang mga nagtataguyod ng absolutistang kapangyarihan at mga segunda klaseng aktor na ang tanging kapangyarihan ay ang kapangyarihan ng bagong kabatiran na nabubuksan sa pamamagitan ng kanilang ibang pagbalangkas kung ano ang ‘siensiya’ at kung ano ang ‘rasyunal’ na instrumento nito. Ang episodo ng pagsupil sa rebolusyong pangsiensiya—at kung gayong, pangkosmolohia din sapagkat binalewala ang naunang balangkas ng kaalamang pangmundo—na sinimulan ni Copernicus at itinuloy ni Galileo—ay isang malinaw na halimbawa ng ganito: kapag hindi angkop ang ‘bagong’ kabatiran sa hulmahan ng unibersal, dogmatiko, at dogmatisadong kaalaman, hindi ito siyentifiko dahil hindi rasyunal, at hindi rasyunal dahil hindi siyentifiko.
Ang isomorfismong pag-iisip na ganito—na tautolohikal din—ang nanaig sa mahabang panahon hanggang sa manaig ang ibang uri ng siyentismo at rasyunalismo sa labas ng hulmahang fideismo, ng hulmahan ng pananampalataya. Masasabi na sa haba ng panahon ng ganitong mapagbansot at nambabansot na pagbabalangkas sa kaalamang pantao—umiral ang kakaibang paglaganap din ng wika ng imperio, na siya ring wika ng Simbahang Katoliko, ang wikang Latin. Mapapansin na kakambal ng mga kaalamang pangkanluran at kapangyarihang taglay ng siyentismo at rasyunalismo at fideismo ng Simbahang Katoliko ang wikang nakapangyayari sapagkat makapangyarihan: ang Latin.
Sa ganitong pagtataya, makikita na ang partikular na wika ay hindi isang neutral na instrumento ng pagbukadkad ng kasaysayan. Bagkus, ito ay isang instrumentong binabaluktot at hinuhulma at pinapasunod ayon sa layon ng may poder—ayon sa mithiin ng may mga balaking mangdomina at managumapay laban sa iba.
Walang wikang walang muwang kung gayon—at sa lahat ng panahon, ay taglay nito ang komplexidad at kumplikasyon ng kairalan, ng pag-iral, ng pagsasaysay, at ng kasaysayan.
May dugo at isinakripisyong buhay sa maraming wika lalo ng nga wika ng makapangyarihan. Sa pagbabasbas ng Simbahang Katoliko sa imperyalistang Espanya at Portugal sa kanilang layong manakop ay ang pagbabasbas gamit ang wika ng kasagraduhan at kabanalan—na nagwaging wika ng imperio —at ang dokumento ng opresyong naganap sa kasaysayan ng pagsakop sa mga di-sibilisado at di-binayagang lupain ay nasusulat sa wika ng imperyalista at kolonialistang panginoon.
Wika ang nagwarak sa maraming kaisipan—at wika rin ang nagbigay puwang sa pagkakatuto na ang pangyayaring ganito ay hindi naaayon sa kahingian ng katarungan sa ano mang anggulo, sa alin mang paraan ng pagsipat. Ang tanong ay ito: sino ang gumagamit sa wika at sa anong layon ito ginagamit? Para kanino ba ang mapagpalayang basbas at angkin ng wika ng tao?
Mahabang kalbaryo ang pinagdaanan ng mga kolonisado at nasakop na mga komunidad—na karamihan ay lehitimong mga ‘bansa/banwa/pagilian’ sa pagpapakahulugan nitong pangkultura.
Marami sa proseso mismo ng pagsakop ang opisial na pagkakait sa mga nasakop ng kanilang wika at kultura—ang pinakatiyak na paraan upang makakaseguro ang manakop sa kanyang pagsakop, hindi lamang sa literal na lupain ng mga sinakop kundi ang mas delikado—at mas masaklap pa rito: ang pagsakop sa kaisipan at kamalayan ng mga sinakop sa pamamagitan ng pagsira sa pagpapahalaga sa kanilang wika bilang puntodebista nila sa kanilang sarili at sa mundo, hanggang sa bandang huli ay di na kayang pag-ibahin ang sinakop ang kanyang aping kalagayan at ang mapang-aping paraan ng kanyang mananakop, at sa wika ng pagsakop, ay naroroon na lamang ang makapangyarihan politika ng lengguahe ng mapagpanggap na pagmamahal na lengguahe ng mananakop. Testigo ang napakaraming kasaysayan ng pagsakop ng ganito—hanggang sa ang wikang katutubo ng mga sinakop ay maibabaon sa limot, kukutyain, mawawalan ng pagpapahalaga, mamaliitin, at lahat ng mga ito ay nangyayari sapagkat ang wika ng sinakop ay hindi na nagsisilbing tagapamagitan sa mundo—sa pagsipat sa kung ano ang totoo at mahalaga kundi sors ng kahihiyan.
Mananaig at magtatagumpay ang imperio.
Mananaig at magtatagumpay ang kolonisador.
At ang maliliit na butil ng imperio ay maipupunla sa sinapupunan ng mga nagbibinhing kaisipan.
At ang kolonisador ay magsasakatawang-katutubo at natibo.
At sa bandang huli: walang kuwenta ang sariling wika.
3. Ang Maliit na Imperio at Neokolonial na Panginoon sa Nasyon-Estado
Sabihin natin na isang pag-unlad mismo ang pagbubuo ng nasyon-estado, na isang pag-unlad din sa kasaysayan ng kanlurang kaisipan.
Sa simula ay walang nasyon; sa simula ay walang estado.
Sa simula ay mga pamayanang nagsasarili, nagsasalita ng kanilang sariling wika, at nangabubuhay ayon sa rekisito at exihensia ng pag-iral sa pang-araw-araw.
Sa simula ay ang sistemang pangkaalamang taglay ng mga wika ng mga pamayanang pre-nasyon at pre-estado—sistemang pangkabatiran na sintesis ng matalas na pag-iisip at masinop na pagtatagpi-tagpi ng mga magkakaugnay na mga bagay-bagay na nagpapapayaman sa pagkakaintindi sa buhay pansarili at buhay komunal.
Kung kaya: wala pa ang nasyon-estado sa hinagap—wala pa ito sa hiraya—ay naroroon na ang mga indihenosong pamayanan na kabilang sa mga ito ang may maunlad na istrukturang panlipunan.
Ang paglikha at imbensyon ng nasyon-estado simula sa karanasang Europeo ay isang artifisyal na karanasan na bunga ng politikal na rekisito ng pagbabago ng mga politikal, ekonomik, at kultural na relasyon sa lugar na iyon ng mundo.
Subalit sa kabila ng pagtatatag ng estado—at ang tagumpay na nakamit sa gawaing ito—nariyan ang signos ng opresyon, ang mantsa ng dugo, at ang naratibo ng karahasan. Isang halimbawa rito ay ang daan-taong pagpapanatili sa ‘pambansang’ simbolo ng Francia—ang Franses. Sa tala ng kasaysayan ng Francia na hindi alam ng nakararaming tao ay ang mapait at mapaklang pangyayari na sa pagtatatag ng pambansang wikang Franses ay isang Corsican, at kung gayon ay di Frances, ang may pakana, upang mapagtakpan ang kanyang hindi pagiging Frances at maitampok ang kanyang pagiging emperador. Sa ngalan ng nasyon-estado na Francia, ipapalaganap niya ang baluktuting nosyon ng Frances bilang ‘pambansang wika’ at sa kabilang dako ay mailagay sa alanganin, sa bingit-ng-kamatayan, at sa gilid-gilid kung hindi man pagkutya, ang lampas pitumpo pang lengguahe ng Francia.
Sa karanasan ng pagtatatag ng nasyon-estado ng Espanya mula sa kanyang karanasan bilang imperyo, na noong ika-16 na dantaon ay walang kapantay maliban sa Portugal, ipinilit ang isang uri ng wika, ang Espanyol, na maging isang ‘pambansang’ wika. Sa pagsasakatuparan ng ganitong adhikain, ang iba pang malalaking wika—mga lingua franca sa iba pang bahagi ng Espanya tulad ng Catalan, Andalusia, at Basque—ay nailagay sa peligro. Walang pribilehiyo at entituladong ibinibigay sa iba pang wika maliban sa Espanyol—at tulad sa Filipinas, mayroong palihim na pagbabalewala sa iba pang mga wika maliban kung ito ay Ingles o Tagalog. Ang layon sa pagtatatag ng ‘pambansang wika’ ay dalisay—malinis sa malinis, sapagkat kailangan ding maitatag ang ‘nasyon’, kailangan ding mabuo ang ‘nasyonalismo’, at kailangan din ang komunikasyon.
Subalit maling-mali ang kaparaanan sapagkat upang maipatupad ang mga naturang layon ay himihingi naman ito ng kamatayan—o kung hindi man, ay pag-uurong imbes na pagsusulong.
At ang pag-uurong na ito ay may kakambal na kataksilan: ang paglimot sa sariling wika, ang pagsipat dito bilang di mahalagang salik ng pagkatao at pagkasino, at ang kawalan ng importansiya nito sa buhay ng mamamayan.
Sa frente, kung gayon, ng pagsasagawa ng kabansaan, ang kahingiang ‘pambansang’ wika sa katotohanang multilingual ang nasyon-estado ay nangangailangan ng asintadong pagtitimbang-timbang sa epekto nito sa mamamayan.
Ang pagbibigay ng citizenship sa isang wika ay di gawaing makatarungan kung ang duluhan nito ay ang pag-eetsapwera sa iba pang mga wika ng multilingual na nasyon-estado. Ang di kritikal at di mapagkalingang pagpapasya tungkol sa palagiang pangunguna ng nasyon-estado sa lahat ng mga karapatang pantao kasama ang batayang karapatan sa sariling wika at sariling kultura ay nangangailangan ng ibayong pagsusuri, at ng kritikal na pagtataya sang-ayon sa rekisito ng demokrasya at hustisya.
Totoo ngang importante ang imahinasyon sa nasyon-estado—sa imahinasyon ay ang unang ontolohikal na realidad ng isang dakilang pangarap sa kabansaan. Subalit hindi kinakailangang iisa lamang ang wika ng nasyon-estado sa hirayang polikal; ang imahinasyon ng nasyon-estado na nauuwi lamang sa iisang wika ay di natutugunan ang hamon ng multilingualismo at multikulturalismo. Kung gayon, obligasyon pangdemokrasya at panghustisya—at kung gayon ay obligasyong moral—ng nasyon-estado ang pagkilala sa iba pang wika ng kanyang nasasakupan kung ibig nitong maging tapat sa tipan sa kabansaan. Hindi maaari na ang pagpipipribilehiyo ay sa iisa or iilang wika lamang kahit nagpasya na ang isang nasyon-estado na magiging isa siyang nasyon-estado at nangangailangan ito ng wikang pambansa. Ang tipan sa demokrasya, ang tipan sa hustisya, at ang tipan sa pagkilala sa karapatang pantao ay mga parametrong di maitatatwa ng kontratang panlipunan, tulad ng pagbibigay sa mga mamamayan ng karapatang pag-aaklas—ng pagbabalikwas—kung ang kanilang karapatan at kung ang kahingian ng hustisya at demokrasya ay hindi isinaalang-alang. Ang kalkulus ng politikal na interest ng nasyon-estado para sa iisang wika lamang upang maisakatuparan ang ‘pambansang’ komunikasyon at ‘pambansang’ diskurso ay isang ilusyon lamang kung hindi ito nakabatay sa mga batayang karapatan ng mga virtual na signatori sa panlipunang kontrata—ang pinakahuling taumbayan na may sariling wikang kaiba sa wika ng sentro.
Sa paglaganap ng politikal na konsepto ng nasyon-estado mula sa kanyang mga ugat noong ika-16 na dantaon hanggang sa magiging piho ito noong ika-18 dantaon sa pagtatag ng nasyon-estado ng Inglatera, ng Alemanya, ng Espanya, at ng Francia—pawang mga halimbawa ng malagahum na pagsasapraktika ng ‘pambansang’ wika—nangibabaw ang estado at nawala ang nasyon, o sa ibang salita, nangawala ang mga nasyon sa mga bagong tatag na nasyon-estado. Nanaig ang estado at tuluyang pinipi ang mga tinig ng ibang mamamayang ‘ginawang iba’ sanhi ng bagong politikal na realidad. Isa lamang ang maaaring piliin ng mga mamamayang ganito: sumunod alinsunod sa kahingian ng linguistikong inhustisiya o dili kaya ay tuluyan nang mabura sa politikal na mapa ng bagitong nasyon-estado. Sa madaling salita, ang Corsican na tulad ni Napoleon Bonaparte ay kinakailangan mag-akto bilang mamamayan ng Francia, at kahingian ng kanyang pagsasadula ng kanyang pagiging mamamayan ang kanyang pagsasalita ng Frances at hindi Corsican, na isang dialekto ng Italiano.
Sa pagsasadula ng pagiging mamamayan ng maraming citizen sa nasyon-estado, paulit-ulit ang pagpapanggap tulad ng matagumpay na pagpapanggap ni Napoleon. Hanggang sa ngayon, ang mga maliliit na Napoleon ay nasa siwang ng ating mga politikal na buhay, sa Filipinas man o sa ibang bayan.
4. Ang Pagwasiwas ng Kapangyarihan ng Kapital at ang Dominasion ng Ibang Wika sa Ibang Wika
Tulad ng kapangyarihang kakabit ng pananakop sa mga pisikal na lupain at mga di-kitang lupain ng kaisipan at mga mundong taglay ng kamalayan ng mga mamamayang sinakop, at pagsulong ng modo ng produksyon sa ekonomiya mula sa pyudal na paraan patungo sa kapitalismo na sinindihan ng industrialisasyon ng mga maunlad na mga bansa simula noong ika-19 na dantaon, ang kapangyarihan ng puhunan na nasa kamay ng iilang kapitalistang elit ay kakambal ng mga wikang kanila.
Madaling makita ito—at sa kontemporaryong panahon, ang pinakaultimong halimbawa nito ay ang patuloy na pamamayagpag ng mga wika ng mga kasangkot sa G-7 o ng Grupong 7: Aleman sa Alemanya, Ingles sa Britanya, Niponggo sa Hapon, Ingles sa Estados Unidos, Ingles at Frances sa Canada, Frances sa Francia, at Italiano sa Italia. Dito, hindi dami ng nagsasalita ang sukatan ng kapangyarihang taglay ng mga wika sa G-7 kundi ang kapangyarihan ng kanilang industrialisadong ekonomiya. Sa pito, litaw ang pangingibabaw ng Ingles sa kapangyarihan nito sa tatlong bansa—at ito ang nagsisilbing parametro kung bakit sa ngayon, ang buong mundo ay tila nagkukumahog na matuto sa Ingles. Ang mantra ng edukasyon sa lengguahe, magpahangga ngayon, ay ang pagiging bihasa sa alin man sa mga wika sa G-7 lalo na sa Ingles. Sa mga bansang kolonisado ang sistema ng edukasyon at kamalayan, nagsisilbi pang sukatan ng kakayahan ng pagiging bihasa sa Ingles.
Una na rito ang Filipinas, na magpahangga ngayon ay lito pa sa kanyang angking bendisyon—ang kanyang kayamanan sa dibersidad ng kanyang mga wika.
Lito ang Filipinas kung papaano niya gagamitin ang yamang ito—kung papaano niya gagawing puhunan ang bendisyong kanyang-kanya. Imbes na tingnan ito bilang basbas ng buhay, tinitingnan ng Filipinas ang dibersidad ng kanyang mga wika bilang liability.
Pareho ang landas na tinatahak ng puhunan at wika: kung sino ang may puhuhan, siya ang may kapangyarihang magtakda kung ano ang wikang iiral.
Sapagkat ang puhunan sa Filipinas ay nasa kamay ng kapitalistang elit, o ng uring transnasyunal na namumuhunan na madalas ay nagsasalita ng Ingles, lohikal lamang, sa lahat ng mga illohikalidad ng di makatarungang lipunan, na ang itatakda—at iwawasiwas na wika ng nakapangyayari at wika ng ekonomiya—ay Ingles.
Ang pagsulpot ng mga call center—ang lahat ng uri ng offshore services mula sa mga bansang nagsasalita ng Ingles—ang pinakakongretong prueba ng ganitong pagpapalagay. Ang pagsasanay sa mga narses at therapist hindi lamang sa kakayahang medikal at paramedikal kundi sa wikang Ingles ay dagdag na patotoo ng pagkakambal ng puhunan at wika. Hangga’t ang Filipinas ay walang kakayahan mamuhunan, hindi kailan man mangyayari ang pagpapalagap ng mga wika sa bansang ito maliban kung mayroon pagbabago sa mga aktitud ng mga kasangkot sa kultural na buhay ng bansa. Sabihin mang mahalaga lahat ng mga wika—at walang wika ang walang puwang sa ating mga pamayanan—kung sa araw-araw na pagsasapraktika ay binabaha tayo ng mga simbolo taliwas sa kung ano ang nararapat, matitinag ang isip hanggang sa darating ang panghihina at susuko sa kapangyarihan ng makapangyarihang wika. Ang ganitong realistikong pagsipat sa wika at ang ugnayan nito sa puhunan ay nang-uuntog sa atin—at nagpapaalaala sa mapaklang nagaganap sa realidad. Subalit kailangan bansagan ang ganitong signos, pangalanan kahit mapait at masaklap, at mula dito ay maghanap ng kaukulang tugon sa mga tanong.
O remedyo sa inhustisya sa wika.
5. Ang Walang Pakundangan Paninira ng Globalisasyon sa Partikularidad ng Pagkatao
Ang wika natin, ang wika ng bayan, ang wikang Filipino, ang wika ng mundo—lahat ng mga ito ay mahalaga.
Walang eetsapwerahin, walang inietsapwera.
Subalit sa kapangyarihang taglay ng globalisyon at ang mapangwarak nitong bunga sa mga pamayanan sa iba’t ibang panig ng mundo, makikita natin ang kabalintunaan, hindi pangungusap tungkol sa kahalagahan ng mga wika kundi ang mapanirang dulo ng globalisadong utak.
Kung ang globalisasyon bilang proseso ay extension ng irasyunal na lohika ng mga nasyon-estadong industrialisado at makapangyarihan, kinakailangan nating aminin na sa labanang pangkultura, ngayon pa lamang, ay kailangan na nating magbalikwas at umalagwa. Ang kairalan ng mga maliliit na wika ay nakasalalay na lamang sa sentimyento ng mga ispiker—o ng mga linguist na mawawalan ng erya ng pagpapakadalubhasaan. Sa globalisadong modo ng produksyong ekonomik, kapag kumurap ang makapangyarihang bansa, kukurap din ang mga maliliit; kapag humatsing ang Estados Unidos,hahatsing ang lahat; at kapag magkakamot ng Hapon, magkakamot ang lahat kahit wala nama kakamutin. Ang reflex na reaksyon na ganito ay sanhi ng kaisahan ng isip sa kagandahang loob ng globalisasyon, at sino mang kokontra ay walang puwang sa globalisadong kalakaran ng buhay.
Ang problema sa globalisayon ay kung papaano nito bibigyan ng espasyo ang walang kapangyarihan wika—at walang kapangyarihan sapagkat wala itong puwang sa ekonomikong balangkas ng kanyang pamayanan.
Ang problema sa globalisasyon ay kung papaano nito bibigyang puwang ang dibersidad na tunay na realidad sa buong mundo—at sa Filipinas din.
Ang problema sa globalisasyon ay kung papaano nito iakma ang kahingian ng global na wika sa wika ng mga nasyon-estado, at sa mga wika sa loob ng mga nasyon-estado, tulad ng problemang taglay ng wikang pambansa ng isang nasyon-estado.
Ang problema sa globalisasyon ay kung papaano pagtatagpuin ang katotohanan na lahat ng mga wika ay mahalaga sa kabila ng pagiging mahalaga rin ng wika ng mundo at ng wika ng bansa.
Ang problema sa globalisasyon ay kung papaano igagalang ang mga wikang pampamayanan samantalang tinuturuan din ang mga mamamayan sa mga pamayanang kultural ng birtud ng kanilang pagsapi sa higit na malaking pamayanan.
Tulad ng mga naunang tensyon sa kasaysayan ng mga wika ng tao, nananatiling malaking tanong ang kahalagahan ng wika at ang pagsasapraktika sa pagbibigay pagpapahalaga sa mga wikang ito.
Hindi sapat ang retorikang ampaw—ang kailangan ay ang retorikang may kakayahang magsagawa ng pagpapatotoo sa pagpapahalaga, hindi lamang sa mga takdang panahon ng buwan ng mga wika kundi higit sa lahat sa pang-araw-araw na buhay ng mga pamayanang tagapag-ingat ng mga wika.
Ang pagdakila sa global na wika at ang pagsasapedestal sa wikang pambansa ay kinakailangan suriin—at ang pagsusuri ay kinakailangan magmumula sa isang realisasyon na ang wika ay tao, at ang tao ay wika—at kahit kailan ay di maaaring paghiwalayin ang mga ito.
Tulad ng hindi maaring paghihiwalay ng taong Aleman sa kanyang wikang Aleman.
Tulad ng hindi maaring paghihiwalay ng taong Amerikano sa kanyang Ingles.
Tulad ng hindi maaring paghihiwalay ng taong Filipino sa kanyang wikang pambansa—at higit lalo sa wika ng kanyang pamayanang kultural.
Ang kairalan ng tao ay historikal—at linguistik. Lahat ng kairalan pantao ay pinapapamagitanan ng wika. Sa wika ang henesis ng kairalan at pagkasino, sa wika din ang apokalipsis.
Napagtatanto ang kairalang iyan sa pamamagitan ng mga kategorya ng kanyang historikal na karanasan, mga kategorya ng kanyang panahon, ng kanyang pook, ng kanyang pagkasino.
Ang hamon sa globalisasyon—at sa globalisadong pag-iisip—ay kung papaano nito luluwagan ang makitid nitongturnilyo ng pang-unawa na lampas sa kanyang mga makipot na pader.
6. Pangwakas: Kung Bakit Di Maitatatwa ang Kahalagahan ng Mga Wika
Ang mga pilosopo ng wika—at lahat ng nagmumuni-muni tungkol sa wika mula panahon ng antigo magpahangga ngayon--ay sama-sama sa pagtanggap ng batayang dalumat sa wika bilang balay ng pagkatao, bilang tahanan ng espiritu. Sa pananahan ng kaluluwa ng tao at ng mga komunidad sa wika, naroon na nananahan din ang katiwasayan ng isip, ang kapayapaan ng puso. Dito sa tahanang ito ay ang mga familyar at mga muhon na makakatulong sa pagmamapa sa karanasang mahalaga—at mahalaga sapagkat sinasalamin ang pagkasino, ang mga naisi, ang mga pangarapin sa mabuting buhay, sa kaaya-ayang buhay hindi lamang para sa sarili kundi sa lahat na nananahan sa wika na nagbibigay ng durungawan upang masipat ang realidad sa paraang punumpuno ng pagsusuri at pangako, pag-analisa at pag-asa, at pag-ako at pagbalikwas upang muli at muli ay mangarap ng mabuti at matiwasay na buhay.
Lahat ng mga ito ay nagagawa natin dahil sa wika: pinapamagitan nito ang distansiya ng ating mga layon at ang ating danas.
Mahalaga ang lahat ng ating mga wika: binubuksan ng mga ito ang saradong pagsipat sa mundo at karanasan sa isang siklo ng walang katapusang pagsasara at pagbubukas.
-30-
Mga Referens
Anderson, B. (1991) Imagined Communities: Reflections on the Origins and
Spread of Nationalism. Verso.
Danesi, M. and P. Perron (1999) Analyzing Cultures. Indiana U Press.
Gellner, E. (2006) Nations and Nationalism. Blackwell.
Mongia, P., ed. (1996) Contemporary Postcolonial Theory. Arnold.
Petracca, M. and M. Sorapure (1998) Common Culture. Prentice-Hall.
Pertierra, R. and E. F. Ugarte, eds. (1994) Cultures and Texts: Representations
of Philippine Society. U of the Philippines Press.
Ranciere, J. (2003). Ed. and intro by A. Parker. The Philosopher and His Poor.
Duke UP.
Said, E. (1993) Culture and Imperialism. Alfed A. Knopt.
Salazar, Z. (1996) “Ukol sa wika at kulturang Pilipino,” sa P. Constantino at M.
Atienza, eds. Wika at Lipunan. U of the Philippines Press.
Shor, I. and P. Freire (1987) A Pedagogy for Liberation. Bergin and Garvey.
Silverman, H., ed. (1990) Postmodernism Philosophy and the Arts. Routledge.
Smith, L. T. (2006) Decolonizing Methodologies: Research and Indigenous
Peoples, U of Otago Press.
Tinio, R. (1990) A Matter of Language: Where English Fails. U of the
Philippines Press.
Willis, P. (1990) Common Culture. Westview Press.
No comments:
Post a Comment