Pagsuheto sa Panaginip

Minsan ang panaginip ay labuyong

residente sa gubat ng isip.



Tulad nitong hapon, pinagsabihan ko

ang dalagang anak, niriyendahan

ang pangangatwirang hinuhugot

sa mga gabi at nag-aalinlangang oras.



Sabi ko sa kanya, makiisa

sa mga mutya ng pinilakang tabing,

subalit lumayo sa kanilang bangungot.



Hikbi ang isinagot sa akin, pagmamaktol,

akusasyon ng pagtatali sa kabataan:

"Di mo man lang inalam kung naging

masaya ako. Di mo man lang pinakinggan

ang isang libo at isang halakhak ko

sa disoras na huntahan kasama

ang kilig at palitan ng pantasya

sa mga kastilyo sa buhanginan,

guguho at lalamunin ng alon

na lumalampas sa dalampasigan."



Sagot ko:

"Bilangin mo ang mga minutong

ginugugol ko sa pagtawag sa mga tinig

natin. Nangawala ang mga ito sa paglayo,

nagliwaliw din tulad ng mga abiso,

mga paalala, mga pangako. Ibalik

ang suwerte sa mga salita natin,

ibalik ang panaginip na ating susuhetuin."



"Tulad ng pagsuheto sa labuyong

residente sa ating damdamin?"



"Tulad ng pagsuheto sa labuyong

residente sa ating damdamin."



Aurelio S. Agcaoili

Peb. 11, 2005

No comments: