Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Gabi ng kabilugan ng buwan noon nang unang dumating sa aking buhay si Bannuar, sabi ni Alma Agdaquep. May lungkot sa kanyang tinig. Sa malayo ang kanyang tingin.
Sabi sa akin ni Ina Wayawaya, ako daw ang magiging bagong Wayawaya, kapalit ng kanyang anak na si Wayawaya.
Ikaw ang nangawalang aking supling, sabi sa akin nang dalhin ako ni Fidel sa kanilang tahanan sa gabing iyon ng kabilugan ng buwan.
Tinutugis na kami noon ng mga kaaway, mga Kastilang simbangis ng mga hayop sa gubat.
Kasama ng mga Kastila ang mga kailiang bayaran, sila na nagpapagamit sa salapi at ano pang uri ng kabayaran ng pagtataksil sa amin.
Nagbuwis ang aking ama ng buhay sa isang digmaan sa ili.
Nagsimula ang digmaan sa mga ipinagbawal sa amin.
Katumbas ng mga ipinagbabawal ang pagbabawal sa amin na kami ay mabuhay.
Ipinagbawal ang aming pagtatanim sa aming mga sakahan ng tabako sa paraang amin nang ginagawa ng matagal.
Ipinagbawal ang aming pagtawag sa mga espiritu ng mga hangin at gubat at kalikasan at araw at buwan at lupa.
Ipinagbawal ang aming pagbibigay ng pasasalamat sa poon ng mga piging at pakikinabang kapag kami ay dumighay at sambitin naming ng buong puso ang “Degdegam, degdegaman, apo ti kanenmi iti patinayon nga aldaw.”
Ipinagbawal ang aming pagmumuni-muni sa aming mga panaginip at sa paghahanap ng mga kahulugan mula sa senyas sa gabi at araw, sa pagtulog at sa paggising.
Sinukat ang aming isip.
Sinukat ang aming mga salita.
Sinukat ang aming pagkatao.
Sinukat ang aming kaalaman.
Lahat-lahat tungkol sa amin ay dinaan sa kanilang panukat.
Ang aming pagkilos at paggalaw ay sang-ayon sa pamantayan ng mga prayle.
Ang aming paraan ng pagdarasal ay sang-ayon sa katekismo ng mga prayle.
Ang aming pagnanasa ay sang-ayon sa malinis na hangarin ng pagpaparami ng lahi at hindi ayon sa kahingian ng pakikiisa ng nagmamahal sa minamahal.
Ang aming paglaya ay sang-ayon sa definisyon ng mga mananakop, mga manlulupig, mga may kakayahang makipag-usap sa panginoong nakaluklok hindi sa langit kundi sa pulpita kundi man sa presidensiya.
Kaya isang araw, sabi ng aking ama, Tama na, tama na, sobra na.
Kaya isang araw, sabi ng aking manong, Tama na, tama na, sobra na.
Kaya isang araw sabi ng aking uliteg, Tama na, tama na, sobra na.
Kaya isang araw, sabi ko, Bannuar, Bannurar, dumating ka.
Panahon noon ng gawat, panahon ng taggutom.
Dumating si Bannuar isang gabi ng kabilugan ng buwan at dala-dala ang isang kuribot ng bayong palay.
Magbabayo tayo, sabi sa akin.
Ang tagal mong dumating, sabi ko kanya.
Tinitigan lamang ako ni Bannuar. Na si Fidel—na naging si Bannuar.
Ipinanganak sa sirok-ti-latok at hiniling ng kanyang espiritu ang pangalang Bannuar.
Iniwasan ko ang mga guardia civil, sabi sa akin. Iniabot niya ang isang bayo sa akin. Naramdaman ko ang gaspang ng kanyang mga palad. Magaspang tulad ng mga palad ng mga magbubukid at nangangahoy sa gubat.
Kahit sa labanan, iniisip kita.
Bannuar ka, magtigil ka, saway ko sa kanya.
Nakaupo siya sa isang pungdol malapit sa bayuang nililinisan ko.
Mas mabangis ngayon ang mga kaaway, Alma.
Maraming namatay sa Ora, sabi ko sa kanya.
Maraming namatay sa Vintar.
Marami ring namatay sa Dingras.
Nakita ko na ang kamatayan, sabi niya. Lumapit siya sa akin at ngumiti ang kalangitan.
Naamoy ko ang kanyang magkakahalong amoy: ang tuyot na lupang aming sakahan, ang tuyot na mga dahon at sanga sa mga gubat sa Didaya na kanilang pinagkukutaan, ang usok ng mga temtem sa mga gabing wala ang buwan at ang kanilang kasama sa mga kaparangan ay ang mga pangarap tungkol sa kalayaan at katiwasayan ng buhay.
May mga bagong kaaway, sabi niya. Mga puti rin tulad ng dati subalit iba ang wika. Siya ring pangako ng pang-aabuso sa atin.
Tinitigan ko si Fidel, ang aking si Bannuar. Doon sa kanyang mga mata, doon, doon nakatago ang mga walang pangalang takot para sa sarili, para sa bayan.
Nahahati na ang mga gerilya.
Hati-hati na tayo, dati pa, paalala ko sa kanya.
Malala ngayon—at diyan tayo pinapatay. Sa paghahahati-hati natin tayo nanghihina. Diyan din tayo nawawalan ng tiwala sa ating kakayahan. Diyan tayo nawawalan ng tiwala sa sarili.
Lumapit sa akin si Bannuar, ang aking si Bannuar.
Nakakatakot mamatay, Alma, sabi niya sa akin. May garalgal sa kanyang tinig. May pangamba sa kanyang paraan ng pagpuputol-putol ng mga salita.
Ginagap ni Bannuar ang aking mga palad at sa sandaling iyon, naging ako si Wayawaya, kapalit ng nangawalang Wayawaya ayon kay Ina Wayawaya.
Sumagi sa aking isip si Ina Wayawaya at nakita ko siya sa mga parang na diniligan ng mga dugo ng mga sundalo ng mga taumbayan, galon-galong dugo ng pakikidigma, galon-galong dugo ng paghahanap ng katubusan.
Nag-aatang na ngayon si Ina Wayawaya sa isang malabay na puno ng balite.
Doon nawala ni Fidel ang kaluluwa—o doon siya iniwan ng kanyang kaluluwa. Naglakbay sa malayo, naghanap ng mga kahulugang mahirap matagpuan sa pusod ng mga gabing madilim, sa pisngi ng langit na kasinglumbay ng mga biyuda ng rebolusyon.
Umaykan, umaykan, sabi ni Ina Wayawaya. Halika na, halika na, halika na.
Kaluluwa ni Fidel, sabi niya sa tinig na nakikiusap, kaluluwa ni Fidel. Huwag kang magtatampo, huwag kang aalis, huwag kang lalayo. Magbalik ka, kaluluwa ni Fidel.
Lumuhod si Ina Wayawaya.
Inayos ang atang sa isang nakausling ugat ng balite. Nag-orasyon ang Ina Wayawaya, ang orasyon ng apong kiting-kiting.
Ginagap ni Bannuar ang aking palad at umalis sa akin ang hiraya ng maraming buhay na mga pangarap.
Magbabayo na tayo ng bigas, sabi sa akin. Hahabulin natin ang liwanag ng bilog na buwan. Saka tayo magsasaing. Saka tayo kakain, pagsasaluhan ang pakinabang na dulot sa atin ng mga ugaw.
Wala na akong narinig kundi ang pagsasabi ni Bannuar ng kanyang pagmamahal sa akin habang nagtatahip ako ng kanyang binayong palay.
No comments:
Post a Comment