Wayawaya-Kabanata 12

Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.



Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.



Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.



Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.



Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.



Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.



Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.






Sasamahan ka ng aking pag-ibig, sabi ni Bannuar kay Esther. Pinapasuko na noon ang militar ang Sinamar.



Si Bannuar ang natagpuang bangkay sa may mag-asawang malabay na puno sa pasukan ng Sinamar. Hinanap nila ang bangkay nang isang gabing nagtago ang buwan sa mga kalangitan, nagtago sa mga bundok, nagtago sa mga kalupitan ng mga sundalo.



Sa Mendiola sa may Kamaynilaan, sinimulan na ng mga estudyante ang pakikiisa sa mga naghihirap at pinahihirapang mamamayan.



Noong taon ding iyon, binomba ang Plaza Miranda, winasak ang oposisyon, pinasuko ang ilang mga mambabatas na may utak sana at nag-iisip para sa bayan.



Nakatakdang magtalumpati ang isang kaliweteng mambabatas sa plaza, sasabihin ang masamang balak ng pangulo para sa kanyang tuloy-tuloy na pagahahari at ibubulgar ang maitim na hangarin para isa-isang ipakulong ang mga kalaban.



Sa mga pader ng mga ili, sa mga poste ng mga gusali, sa mga pahayagan ng mga mag-aaral—sa ano mang lugar na may mapagsusulatan, humihiyaw ang ngalit ng taumbayan.



Dumudugo ang mga pader ng mga salitang naghuhusga sa kalabisan ng rehimen, sa kanyang pakikipagkuntsaba sa mga kapitalista, sa kanyang pakikipagpandanggo sa naghaharing uri.



Sasamahan ka ng aking pag-ibig, sabi ni Ester sa kasintahan. Lumayo kay Bannuar. Ipinukol ang tingin sa mga bundok sa may Didaya, doon sa kambal ng mga malalabay na balite, doon sa mga kabit-kabit na bundok na pinagkutahan ng mga rebelde noong panahon ng Hapon at pinagkukutahan naman ngayon ng mga maghihimagsik.



Nagpakawala si Bannuar ng isang buntong-hininga.



Matinding sakripisyo ang hinihingi sa atin ng panahon. Si Ester ang bumasag sa katahimikang kanina pa naglalayo sa kanila. Tiningnan si Bannuar na nakaupo sa sahig ng kubong iyon na kanilang tagpuan sa paanan ng bundok sa dulo ng Sinamar. Pahingahan ng mga magbubukid ang kubo at dito, dito sa kubong ito muntik nang mapahamak ang mga taga-nayon nang dumagsa ang mga sundalo.



Naroon noon sa Sinamar ang mga kabataang ipinadala ng isang ligal na prente ng kilusan. Sasanayin ang mga kabataan sa buhay ng mga taga-nayon, sa buhay ng mga mahihirap. Ipapakita sa mga kabataan ang ibig sabihin ng pagkilos—ng pakikiisa sa mga mamamayan.



Dito ipinadala si Esther, anak ng gitnang uri, galing sa isang angkang di naman mayaman ngunit may kakayahan pag-aralin ang mga anak sa Maynila.



Sa isang eskuwelahan ng kumbento nag-aaral si Ester.



Anak ng isang opisyal sa armadong puwersa, matagal na itinago ni Ester ang kanyang pakikianib sa lihim na kilusan bago natuklasan ng kanyang ama. Isang araw, hindi na umuwi si Ester sa kanila. Dito, dito sa Sinamar, dito siya nagbalik. Dito niya hinanap ang katubusan sa gitna ng mga panganib.



Si Bannuar ang kasa-kasama niya sa pagkilos.



At ngayon, iiwanan siya ni Bannuar. Iiwanan siya upang sa pagkilos ay magtatagpo ang kanilang mga isip, mga kaluluwa, mga nais, mga pangarap.



Tutuloy kami sa Marag mula sa Diffun, sabi ni Bannuar. Naka-puting t-shirt na may tatak na “Marcos, the pride of the North.” Lumapit si Bannuar kay Ester na ngayon ay nakatalungko sa malapit sa ilang hakbang na hagdanan. Lumikha ng ingay ang sahig na kawayan sa paglapit ni Bannuar kay Esther.



Humarap si Esther. Ngumiti. Ano ba ‘yang t-shirt mo at para kang nangangampanya, ang sabi kay Bannuar.



Ngumisi si Bannuar at nagpakita sa kanyang kaliwang pisngi ang malalim na kallid.

Hayaan mo na yan, sagot ni Bannuar.



Dahil nagdiskurso ka sa kanyang harapan? Dahil pinuri mo ang kanyang kagalingan? Dahil nangako siya ng kadakilaan para sa bayan?



Esther!



Hala, sige, ipagpatuloy mo ang kontradiksyon sa iyong isip at gawa. Malumanay ang tinig ni Ester. May lambing ang tinig na iyon tulad ng lambing ng hangin na nanggagaling sa malawak na kabukiran sa Sinamar na nilikha ng mga nagdappat mula sa mga kaparangan at mga kagubatan.



Pride of the North naman talaga siya, hindi ba? sabi ni Bannuar. May pang-aasar sa kanyang tinig, may landi sa paraang pagbigkas ng “pride of the north.”



Matalino, sabi ni Esther. Ano pa ang idadagdag natin diyan?



Marunong!



Sige, isa-isahin natin ang mga katangian ng pinakamarunong na pinuno ng bayang ito!



Ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga may karapatan! Niyapos ni Bannuar si Ester.



Magtatakipsilim na noon at pagdating ng kalagitnaan ng gabi, maglalakad ang magkasintahan patungong bayan upang doon maghintay ng kanya-kanyang sasakyan.



Bannuar, saway ni Esther nang halikan siya ng kasintahan.



Ako na ito, ang pride of the north! Hinanap ni Bannuar ang labi ng kasintahan.



Mayroon nang maliliit na musika na nililikha ng kulisap sa paligid ng kubong iyon.



Mahal kita, Esther.



Utal ang batang gabi sa ganoong eksena. Tanging ang mga saradong bintana ang nakasaksi sa pagtatagpo ng mga kaluluwang nagmamahal.



Natatakot ako, Bannuar. Kumalas si Esther sa pagkayapos sa kanya ni Bannuar. Pinunasan ang labi sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.



Lahat tayo ay takot, Esther, sabi ni Bannuar. Sino ang hindi natatakot? Sino ang hindi nangangamba sa bukas na walang kasiguruhan?



Pero iba ngayon, Bannuar. Parang may puwersang nagsasabi sa akin na ikaw ay lalayo ng mahabang panahon.



Nagtungo si Esther sa hagdan. Ipinukol ang tingin sa malayong tinatalukbungan na ngayon ng dilim. Umupo sa unang palapag.



Parang hindi ka na babalik sa akin, sabi ni Esther.



Baon ko ang puso mo.



May mga nagbabaon ng puso ng minamahal pero hindi rin nagbabalik.



Esther, hindi lang para sa atin ang pagkilos.



Hindi rin ba maaaring kasama ang mga puso at takot at kaluluwa at pangamba natin sa pagkilos?



Matagal na nating niresolba ang mga bagay na ito.



Hinihiling ko na huwag ka munang pumalaot ng buong-buo sa dagat ng pakikibaka.



Panahon na para magpasya ako, sabi ni Bannuar. Hinanap ni Bannuar ang posporo sa bulsa ng kanyang diaket. Kumuha ng isang Marlborong pula sa kanyang bag. Nagsindi.



Hinarap siya ni Esther. Sa pamamagitan ng liwanag ng di pa napapatay na posporo ay naaninagan niya ang mukha ng kasintahan. May gaspang ang maamong mukhang iyon na mukha ng isang taong sagana sa kahirapan. Sa pagbibilad sa araw. Sa pagtatanim ng palay habang rumaragasa ang ulan. Sa pagbubuhat ng mga sako-sakong bigas na dadalhin sa konohan. Sa pakikipagbuno sa pilapil sa araw at gabi habang nagsisikap ding makatapos sa pag-aaral.



May tikas ang tindig ni Bannuar at iyon ang kanyang unang napansin nang sila ay mag-abrasa sa unang pagkakataon ilang buwan na ang nakararaan.



Magaspang ang mga palad ni Bannuar, gaspang ng mga kalyo na dati rati ay hindi alam ni Esther. Sa Maynila, walang nagbubuhat ng mga sako-sakong bigas maliban sa mga kargador ng tindahan o mga kargador sa pier. Hindi napupunta roon si Esther. Hindi pa siya nakipagdaop-palad sa isang binatang may talino at tikas at sa unang pagkakataon, naisip ni Ester: Iba ang aral na ibinibigay ng nayon.



Ikinagagalak kitang makilala, Ester, sabi noon ni Bannuar sa paraang nayon. Walang yabang sa mga salita, walang bahid ng pagkamakasarili sa paraan ng pagbigkas ng mga kataga. May awtoridad sa tinig na iyon at iyon ang unang napansin ni Ester.



Napakapormal mo naman, Manong Bannuar, sabi ni Ester. Alam na niya noon ang ibig sabihin ng salitang manong sa mga Ilokano.



Dangan kasi’y ngayon lang ako nakasilay ng isang dalagang matalino na ay maganda pa, sabi ni Bannuar na may halong biro. Magaan ang paraan ng kanyang pagbibiro.



Ngumiti si Esther. Lumabas ang kambal niyang kallid. Makakapal ang kanyang kilay na animo’y mag-asawang langit na nag-aarko sa kanyang makinis na noo. Hindi pa nababahiran ng mapagparusang init ng araw ang mga kutis. May kinang at kintab ang kanyang buhok na humahalik sa kanyang balikat.



Hinawakan ni Bannuar ang buhok ni Esther. Inamoy-amoy ito. Nagbulong kay Esther, Magbabalik ako tulad ng dati. Magbabalik ako at iuuwi ko ang tagumpay ng ating pakikipaglaban.





Nalathala sa Weekly Inquirer, V1N12, Set 15-21, 2005, Calif, USA





No comments: