Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Setyembre 21
Inang,
Muli naming aangkinin ang kalye ngayon araw ng anibersaryo ng batas militar.
Kasama kami ng mga libo-libong nananatiling nakakaalala sa ating kasaysayang madilim at balintuna hindi dahil madilim at balintuna ang kasaysayan kundi ang mga aktor ng puwersa ng buhay nating lahat ay tuloy-tuloy ang pangingidnap sa ating utak at kamalayan.
Ang buong akala nila ay tayong lahat ay mangmang.
Ngayon ay nasa Welcome Rotunda kami. Dito namin sisimulang isulong ang aming ipinaglalaban na siya ring ipinaglalaban ng mga nauna pa sa amin. Mga tibak na kumikilos sa ngalan ng mga nakararaming mamamayang inaalipusta at inaalipin sa paraan ng awa ng mga maykaya at naghaharing uri.
Madalas ko kayong naalala, kayo ng Itay.
Ngayon-ngayon ko lang napagtanto ang iyong mga sakripisyo.
Noong una, hindi ko maintindihan kung bakit ang mga taong katulad ninyo ay maglalaan ng sarili para sa iba.
Sa madaling sabi, madalas akong nag-iisip tungkol sa inyo at nakokornihan ako sa inyong mga testimonya sa pakikibaka.
Mga tanga, sabi sa akin ng isang kakilala nang maikuwento ko sa kanya ang ating kapalaran—at kinahinatnan ng ating pamilya.
Pinugutan ng ulo ang Itay, iprinusisyon ang kanyang katawan sa nayong kanyang pinaglingkuran.
Ikaw naman ay nangungulila sa mga halakhak ng inyong pinagsaluhan.
Alam ko, alam ko.
Mga alaala na lang ang mga ito.
Mga anino sa isip.
Hindi ko maitindihan ang mga magulang mo, sabi sa akin. At hindi ko rin maintindihan ang marami pang tibak na katulad nila.
Ibang pag-iisip, sabi ko sa kanya. Ibang pananaw. Umaga noon, at kami ay nagmamartsa sa malawak na sunken garden ng unibersidad. Sa eksenang iyon, libo kaming mga kabataan na kinakailangang matuto sa teknolohiya at metodolohiya ng pakikipaggera.
Bahagi ng aming pag-aaral ang walang kuwentang pagmamartsa-martsa sa lubog na hardin na iyon.
Ganoon din kayo noon, kayo ni Itay. At tulad ito ng pinagdaanan ng mga kalalakihan sa atin.
Ngayon ay kasama na ang mga babae sa pagtuturo ng pagkakamit ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipaggera.
Hindi kaya isang sabwatan, ito? naiisip ko minsan.
Sabwatan ng mga mangmang at ganid at manganalakal ng baril at dinamita at lahat ng maaaring magamit sa pagpatay sa kapwa.
Sabwatan ng mga makapangyarihan at ng mga mahina.
Sabwatan ng mga dispalinghado ang isip.
Malawakang sabwatan ng mga paaralan at mga puwersa ng pamamahala.
Itong walang katapusang pagsaludo sa mga opisyal upang matutunan namin ang ibig sabihin ng paggalang at pagsunod.
Itong walang katapusang paggapang sa putikan upang makapagtago sa bala ng kalaban.
Itong linggo-linggong pagsabi ng, “Sir, yes, sir!”
Naalala ko tuloy ang mga kalalakihan sa Ilokos na ibinala ng Ilokanong pangulo sa kanyang pakikipaggera sa mga rebelde sa Kamindanawan.
Ilan sa kanila ang umuwing bangkay, Inang?
Ilan ang naging kapalit ay Yamaha o Suzuki na simula ng mga traysikel sa bayan at unti-unting pumatay sa ating tahimik na buhay sa kanayunan?
Pero mabalik tayo sa inyo ni Itay.
Saan kayo nagtago, saan kayo nag-operasyon, kumilos, nagkipamuhay?
Maraming puwang, Inang.
Maraming puwang ang gusto ko sanang mapunuan.
Malayo na ang mga taon, buwan, araw.
Lumipad ang mga ito sa ating mga pagitan at sa langit pumunta, doon sa kaibuturan ng ating mga tagong pangarap para sa isa’t isa.
Mga pangarap na makakatapos sana ako at hindi mananatili sa lansangan.
Mga pangarap na tatalikdan ko ang hatak ng mga lugar o pook na kinakailangan ang puspusang pagkilos sapagkat kinakailangang samahan ang mga tao sa kanilang pakikipaglaban sa kanilang batayang karapatan.
Mga pangarap na sa Ayala Avenue ako makakapagtrabo, doon sa sentro ng mga negosyo, ng puhunan, ng panlalamang sa karamihan.
Puwede na sana ang pagiging staff ng call center na usong-uso ngayon at tila doon umiikot ang hangarin ng mga kabataan.
Taga-sagot lang naman ng mga tanong ng mga kliyente.
Sabihing taga-masahe ng kanilang sugatang pagkatao sanhi ng palpak na serbisyo ng mga kapitalistang nanamantala sa kapwa.
Sabihin residenteng sikologo ng mga mangangalakal upang maharap ang galit ng mga kustomer.
At dahil wala nang bawnderi ang kpital ngayon, Inang, higit ngayon na kailangan ang marunong mag-ingles, magsalita ayon sa paraan ng pagbigkas nila sa Boston, New York, o Los Angeles.
Ganito na tayo ngayon.
Ganito na ang ating kalagayan: mga maliliit na baryo na lamang tayo ng mga multinasyunal na kapital at kalakal.
Magmamartsa kami ngayon at susugurin namin ang poder sa palasyo ng pangulo ng kailihan.
Magmamartsa kami ngayon at maniningil sa pangulo sa kanyang maraming pagkakautang.
Tulad nitong bagong buwis na pahirap sa mga maliliit na mamamayan.
Bawat kibot ay meron na ngayong katumbas na buwis.
Dumighay ka, ikaw ay magbubuwis.
Maipanganak ka, ikaw ay mabubuwis.
Bibinyagan ka, ikaw ay mabubuwis.
Mag-aral ka, ikaw ay mabubuwis.
Maglibog ka, ikaw ay magbubuwis.
Magpakasal ka, ikaw ay magbubuwis.
Mag-aanak ka, ikaw ay magbubuwis.
Magkasakit ka, ikaw ay magbubuwis.
Mamamatay ka, ikaw ay magbubuwis.
Ito na lang ang paraan ng pangingikil sa atin ng pamahalaan.
Higpitan ang sinturon ng bayan. Higpitan pa lalo.
Sakalin sa leeg kung kinakailangan.
Minamana namin ang ganitong mga kuwento, Inang.
Kuwento ng pagkadugi.
Kuwento ng panlalamang.
Kuwento ng paulit-ulit na pagkasadlak sa putikan.
At dumadami na kami ngayon.
Isa-isa nang dumarating ang mga kabataan.
Narito kami sa isang sagradong lugar na ginawang sagrado sa pamamagitan ng pawis at sakripisyo at kumitment ng mga nakikipaglaban.
Saksi ang Rotunda sa maraming paikot-ikot na kaganapan sa ating bayan.
Nitong paulit-ulit na panlalapastangan sa atin.
Nitong paulit-ulit na pagkakait sa ating karapatang mabuhay ng matiwasay.
Iwinawagayway ko ngayon ang bandila ng ating mga sentimyento: Gloria, Gloria, Salot ng bayan! Gloria, Gloria ng walang kaluwalhatian!
Isinasayaw namin ang aming mga hinaing tulad ng panunudyo namin noon kay Pangulong Erap: Erap, Erap, belat! Erap, Erap, salot ng bayan!
Pagkapananghali kami mag-aasembol sa Rotunda.
Hindi ko makita ang Birhen ng Santo Rosaryo, ang patron ng mga Dominicano. Ang mga prayleng ito ang isa ring sanhi ng mga sanhi ng kapalaluan sa atin.
Sa aking kinatatayuan kaharap ng isang bar na nag-aanunsiyo ng “happy hour” at de-presyong kaligayahan, naalala ko kayo ni Itay: Ni hindi kayo nagkaroon ng happy hour.
Nasaan na kaya ang Itay, Inang?
Sa mga ulap sa langit kasama ang mga butil ng mga ulan?
Sa mga karagatan sa atin na buong pagsuyong hinahalik-halikan ang dalampasigan na pumapader sa ating kailihan?
Sa ating usapan ngayan—sa ating alaalan sa latah ng mga nakaraan na ang dulo ay ang kinabukasan?
Ibig magdasal sa Poon ng ating buhay, siyang itinuro sa akin ng ating mga ninuno.
Ang Poon ng hustisya.
Ang Poon ng kapayapaan.
Ang Poon ng ating mga puso.
Ang Poon ng ating kaluluwa.
Tinititigan ko ngayon ang mga letra ng kalungkutan sa mga anunsiyo tungkol sa mga bir na itinutungga rin ng mga tibak kung nagkakasayahan.
Bir ito ng mga kaaway.
Bir din ng aming paghahanap ng katubusan.
Sa inuman minsan nakakalirip ng mga ideya tungkol sa kaligtasan.
Sa inuman din nasasadlak ang kapangyarihan sa kahungkagan.
Sapagkat pagkatapos mong lokohin ang mga mamayan, ang dulo nito ay ang panloloko rin sa sarili.
Sapagkat pagkatapos mong pagnakawan ang kaban ng bayan, ang dulo nito ay ang pagnanakaw mo rin ng iyong sariling dangal.
Sapagkat pagkatapos mong pagsamantalahan ang kailihan, ang dulo nito ay ang pagsasamtala rin sa iyong pagkatao.
Nauwi sa pagiging bangkay ang makapangyarihang pinuno na ang buong akala ay siya na ang tugon sa ating mga katanungan.
Ngayon ay isang walang kapangyarihan exibit ang bangkay, exibit na nagtuturo sa mga panahon na inagaw sa ating mga palad.
Ngayon ay magmamartsa kami at aming isisigaw: Tama na ang panlalamang.
Mamaya darating ang mga dambuhalang imaheng aming susunugin.
Simbolo ito ng pagtatapos ng walang kapararakang panunungkulan ng lahat ng mga opisyal ng pamahalaan—sila na kakambal ng lahat ng mga pangit na pag-iisip at pag-uugali.
Maya-maya ay maglalakad kami patungong palasyo.
Doon, doon sa kabila ng mga barbed wires, doon namin isisigaw ang siya rin jingle na ginamit naming orasyon laban sa kapangyarihan ni Erap: Huling-huli! Huling-Huli! Huling-huli, huling-huli!
Lalarga na kami sa Mendiola.
Mabagal ang aming pag-usad.
Kokordonan namin ang aming mga hanay upang makilala namin ang hindi kapanalig na ang layon ay guluhin ang aming isip o abutan kami ng sandaang pisong kabayaran tulad ng mga ginagawa sa mga bayarang nagrarali.
Hawako ngayon ang megaphone at pakakantahin ko an gaming hanay ng “Huling-huli! Huling-huling!” tulad ng kinakanta namin kay Erap.
Susulatan kita muli sa aking isip.
Nagmamahal,
Bannuar
No comments:
Post a Comment