WAYAWAYA
Ni Nasudi Bagumbayan
Kabanata 14
Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Gamitin natin ang itim na salamangka, sabi ni Ina Wayawaya kay Ama Puon.
Gabi noon ng kabilugan ng buwan at sa nayong iyong ng mga ninuno, mayroong dilim na bumabalot sa mga balikat ng mga bundok sa may Didaya, doon sa lugar na nagluluwal ng malaking mukha ng liwanag.
Nasa hapag kainan sina Ina Wayawaya.
Kasama si Ama Puon, pinagsasaluhan ang dinengdeng mula sa mga ligaw na talbos ng kangkong sa kaparangan.
Ngumiti ang buwan sa mag-anak.
Dumampot si Ama Puon ng kanin.
Hinayaan ang kanin na makiisa sa kanyang magaspang na palad na nakakakilala ng araro.
Ng kampilan.
Ng pagpupunla ng mga butil na nagbibigay-buhay.
Ng pagkitil ng buhay.
Ang rebolusyon ay hindi isang laro, naisip niya. Isa itong pakikipagsapalaran. Bukas, makalawa, sasabak na naman sila sa isang pakikipagdigmaan laban sa mga sutil na dayuhan.
Tiningnan ni Ama Puon ang nakangiting liwanag.
Tila nanunukli ang buwan ng nakakabuhay na ngiti. May kislap sa pisngi ng langit sanhi ng liwanag ng bilog na buwan.
Samantala, tuloy ang pagtanod ng mga matatayog na bundok sa silangan sa kapatagang iyon na humusga sa pagkatao ni Ama Puon.
Ang kapatagang ito ang siya ring nanukat sa kanyang pagkalalaki. Dito, dito sa kapatagang ito, dito sinimulan ni Ama Puon ang kanyang buhay bilang bana ni Ina Wayawaya.
Dito sa kapatagang ito nagising ang unang damdamin ng kanyang pagiging ama ni Fernando.
Dito sa kapatagang ito sinundan ang kanyang kabataan ng panibagong responsibilidad bilang ama ni Fidel na siyang naging Bannuar, una sa mga Bannuar na sasapi sa siklo ng mga espiritong mananahan sa isip ng lahat ng mga makikipaglaban sa ngalan ng bayan.
Dito sa kapatagang ito magiging malupit ang kapalaran para sa kanya at para kay Ina Wayawaya. Isang araw, sa kapatagang ding ito, sasakmalin ng mga ligaw ng puwersa ng liwanag at dilim si Ina Wayawaya.
Lalamunin ng liwanag sa dilim ang asawa.
Lalamunin ng dilim sa liwanag ang asawa.
Magiging saksi si Ama Puon ng lahat na masaklap na magaganap.
Ang pagsilang, halimbawa, ni Ina Wayawaya ng isang supling na biglang naglaho, nangawala, sinundo ng mga ibon at anghel at dinala sa lugar ng walang lungkot at gutom at hikahos.
Naroon noon si InaWayawaya sa Bagumbayan upang saksihan ang pag-inog ng kasaysayan sa pagpaslang kay Jose Rizal.
Naroon siya, kasama ang mga kaluluwang nainikluhod, nagsusumamo, nakikiusap na sana, sana, harinawa, na si Jose ay tatakas, lalayo, biglang maglaho, ililipad ng mga hanging habagat o hanging amihan at dadalhin sa malayo, doon sa kung saan hindi naaabot ng panibugho.
Ng pagkasuklam.
Ng kalabisan.
Ng inhustisya.
Sa kapatagan din iyon isinilang si Liwliwa, ang bunsong anak na namatay din pagkasilang, tulad ng pagkamatay din ng mga pangarap ng taumbayan.
Naaalala ngayon ni Ama Puon ang kanyang huling rebolusyon.
Sa Didaya din yun, doon sa mga magbabasi.
Malulupit ang mga Kastila doon, malulupit sa mga taumbayan. Isang prayle ang nang-abuso ng anak ng kamag-anak.
Dinukot nila ang prayle, dinala sa Paratong, doon sa libingan ng lahat ng kanilang takot sa mga dayuhan, doon sa pinagkukutahan ng kanilang tapang at kabuuan ng kalooban.
Sinimulan ang ritwal ng pagparusa sa prayle. Nakasuot tsokolateng abito at ang laylayan ay sumasayad sa lupang diniligan ng mga dugo ng mga mandirigmang nasawi sa pakikipaglaban.
Saksi ang Paratong ng maraming labanan simula’t sapul.
Noon pa man, ang Paratong na ang libingan ng lahat ng galit at hinanakit. Dito din isinisilang ang bagong pag-asa para sa mga mandirigma.
Tinalian ni Ama Puon ang mga kamay ng prayle.
Hindi umiimik si Ama Puon, walang salitang katumbas ang kanyang panibugho. Minsan siyang naging sakristan ng mga prayle at alam niya ang hugis at anyo ng kanilang pagmamalabis.
Isang batang mandirigma ang kumuha ng buntot page.
Nagbilang si Ama Puon, sa wika ng dayuhan: Uno!
Isang latay ang dumampi sa likod ng prayle.
Nakapikit lang ang prayle. Walang salitang nagmumula sa kanyang bibig.
Dos!
Bastante, por Dios por santo!
Tres!
Sa balikat na ang tama ng hagupit.
Cuatro!
Muli sa mga balakang.
Nanikluhod ang prayle.
Wala kang habag, sabi ng batang mandirigma. Galit.
Dies! Sigaw ni Ama Puon.
Pinatay mo ang aking mahal. Ang batang mandirigma.
Veinte!
Pinatay mo ang aking anak!
Perdon! Ang prayle.
Veinte uno!
Kinitil mo ang aking pangarap. Wala kang awa. Ang batang mandirigma.
Veinte dos!
Perdon!
Tangina ka! Ang batang mandirigma
Magsisi ka sa iyong mga kasalanan! Isa pang hagupit ang pinakawalan ng batang mandirigma. Sa balikat ang tama ng hagupit.
Nakita ni Ama Puon ang pagbulwak ng dugo sa katawan ng prayle. Alam niya, hindi makukulong ang dugo, bagkus aagos sa mga kabukiran, tutungo sa mga ilog, mga bukal, hanggang sa maihahalo ang mga dugo sa alat ng mga karagatan na pumapalibot sa inang-bayan.
Nakalugay ang kanyang buhok na pinakintab ng langis ng niyog at gugong galing sa mga kagubatan ng mga Igorot.
Gamitin ang itim na salamangka, sabi ni Ina Wayawaya.
Gamitin ang itim na salamangka, sabi ni Ama Puon.
Sa sandili ding iyon, nagtago ang bilog na buwan sa mga ulap at bundok at hangin at kagubatan.
Dumilim ang kapaligiran.
Gamitin ang itim na salamangka, muling sabi ni Ina Wayawaya. Pagkasambit noon ay sinaniban siya ng puwersa ng madilim na kapaligiran. Sa kalayuan, nagsimula na ang pagsipol ng hanging habagat. Lilikha ito ng daluyong sa mga karagatan. Lilikha ng mga maliliit at malalaking ipu-ipo. Lilikha ng pagkawarak sa lahat ng dapat mangasira.
Gamitim ang itim na salamangka, sabi ni Inay Wayawaya. At nagsimula siyang magdallot at magdalidallang.
Nalathala sa Inquirer, V1N14 Set 2005
No comments:
Post a Comment