Inukay-ukay na Pag-ibig

Ang pag-ibig
sa kailihan
ay sa ukay-ukay
din.

Isang ritwal
ng mga salarin:
mga damit na may putok
mga Tommy Hilfiger
na rasista
laban sa balat
na sinunog ng araw
sa pagbubuhat
ng ginapas na palay
para mapakain
ang mga mangangalakal
ng mga almusal
at paggutom

mga usong nilaos na
ng huling panahon
sa mga wagwagan
ng banyagang
pagsuyo.

Sa mga tindahan
sa mga panulukan
pakahihintayin
ang takdang araw
ng kagampan
ng presyo ng mga pansaplot
sa kahubdan ng isip
natin:
tayong mga minangmang
ng kasaysayan ng pangangalakal
at pagtraidor laban sa atin.

Mahal kung bagong dating
ang mga tira-tirahang
damdamin sa mga damit,
mumurahing kung magtagal
ang ibinabaratilyong
alaala sa mga manggas
at laylayan
at sa mga etiketa
ng mga dating nagmamay-ari
tulad ng pangangamkam
ng dayo sa ating
mga nanahang panaginip
pagkatapos lumayo
sa sansaglit
na paghahanap
sa mga nababahalang
estilo ng pag-ibig.

Inuukay-ukay natin
ang mga silid ng puso
para sa bayan.

Sa sulok-sulok ng ating
karanasan ay mga imahe
ng batuta at walang ngalang
karanasan.

Ang pagtumba sa magbubukid
sa Davao, halimbawa,
nitong kamakailan lang,
sa panahon ng kuaresma
ng mainit-init
na pakikidigma sa tag-araw
sa oras ng pagpatay sa Hesus
ng kaapihan na siya ring
katubusan.

Sa pagsang-ayon
sa laro
ng mga makapangyarihan,
muling itaas
ang pamantayan
ng tubo
ng mga mangangalakal
sa ating pangalan
sa dangal
sa ating
delinkuwenteng buhay.


Aurelio S. Agcaoili
Marikina, Abril 29, 2006


1 comment:

Ariel S. Tabag said...

apong, congrats! naammuak idiay komisyon a maysakayo a finalist iti salip iti daniw. idiay phil columbian ti awarding no agosto 31, alas nuebe-alas dose. fyi laeng tapno itagayanyonto daydiay a kanito, hehe.

asseng