(Kay Ruth Mabanglo, makata, at Teri Ramos, linggwist, kapwa manlalakbay sa wika)
Hindi iyon paanyaya ng imperyalista.
Maliwanag ang mga parilalang binitiwan
ng makata sa isang hapag kainang
binasbasan ng magandang kalooban
at bahag-hari at tropikal na araw
sa puso ng mga mananalinghaga.
Ambon din ito ng simoy
sa mga berdeng bundok
na bumabalot sa pakiramdan
habang minamasdan
ang maagap na liwanag
sa isang buwan na magdamag,
singhaba ng paglagi sa pook
ng mga panaginip
na matagal nang binabalangkas
sa salita at ulirat.
Sa Manoa iyon naganap,
sa kabanatang ito
ng aking paglalakbay
sa mga taludtod
sa mga talinghaga.
Ang kainan ay sa maykaya:
banyagang ngalan ng atang
sa mga nangabubuhay
subalit walang buhay
sa paglisan sa bayan
ng kaluluwang naliligaw.
Ang pagkain ay sa mga bathalang
kakuntsaba ng kapangyarihan
ng dolyar at dalamhati:
kami na kung kumayod ng mga tunog
upang isulat sa puson ng mga panibugho
ay mga alipin
mga bagamundo
mga estranghero
sa heograpiya ng pasakit.
Sa nananahang puso
ng mga nawawalang pangarap
para sa sarili
sa bayan
sa kalaguyo ng isip
kami ay magbibilang ng mga halakhak
sa pagbabalik sa kinabukasang
parating pa lamang sa aming mga palad.
Paulit-ulit akong nagpasalamat
sa paanyaya ng mga kasama,
mga alagad ng wika
ng bayang dinuhagi
ng nagkandaligaw-ligaw
na pamagat ng tulang ayaw paangkin
sa salamangka
ng ngayong tanghaling-tapat.
A Solver Agcaoili
UH Manoa, Honolulu, HI
Setyembre 20, 2006
(Kinatha sa isip sa Ristorante Paisano, malapit sa UH Faculty Housing, Manoa)
6 comments:
Aha!
Nakikipag-date ka sa ibang babae at dalawa pa sila!
Joke-joke-joke!
Come on, sweetie. They are our Tagalog advocates over here--and professors of the program.
anyayahan ka ba naman ng imperyalista sa titik at panitik...
apay a kasla defensiveka, mang ariel? ahahaha!
roy:
naglaingkan, apay nga ammom?
masapul ti defensa tapno no di maisar-ong datao, di ngamin?
To Ariel & Roy,
Nakakatuwa at nakakatawa naman itong usapang ito. Parang naririnig ko yung sabay-sabay nating tawanan kahit magkakalayo tayo.
Ituloy lang natin!
oo nga, sanhi ng sampunpon na kontradiksyon sa buhay ng isang makatang tulad ko, tulad ni roy, at tulad ng marami pang iba.
tawanan na lang talaga!
Post a Comment