A Solver Agcaoili
Unibersidad ng Hawaii sa Manoa
Honolulu, HI
(2ng Gantimpala, 2006 Gawad sa Sanaysay, Komisyon ng Wikang Filipino, Republika ng Filipinas)
MAGPAHANGGA ngayon—maraming taon mula nang hirangin ang Filipino bilang wikang pambansa—ay nakabuntot pa rin na parang madilim na anino ang isang uri ng kalituhan sa maraming mamamayang Filipino tungkol sa kung ano nga ba ang hugis at mukha at anyo ng wikang pambansa. Kakambal ng ganitong uri ng pagkalito ang mapanggahum na kapangyarihan ng wika ng sentro ng komersiyo, midya, administrasyong pampulitika, at akademya. Ang resulta ng ganitong kaayusan ay ang patuloy na pagkakait sa nakararaming mamayan sa kanilang demokratikong karapatan sa wika at kultura—pagkakait, kumbaga, sa mga batayang karapatang pantao. Sapagkat karugtong ng karapatan na mabuhay ng sagana at walang pangamba sa sariling bayan ang batayang karapatan na sipatin at unawain ng mundo ayon lente ng wikang itinatadhana o kinagigiliwan ng puso at kaluluwa ng taong sumisipat o umuunawa sa mundo. Minsan, ang historikal na aksidente ng kapanganakan ay nagiging basehan ng ganitong lente at marami sa mga pamayanan sa Filipinas na malayo sa sentro ng kapangyarihan at administrasyon ng kultura ang may ganitong kalagayan. Pambansa man o pampamayanan ang wika, alin man sa mga ito ay kapwa nagbibigay hugis at anyo ng mundo—ng daigdig sa labas at loob ng tao. Ibig sabihin, isinasalin ang mundo—at ganun din ang substansyal na karanasang pantao—sa kategorya at kakayahan ng wika na gawin pamilyar ang dambuhalang mundong materyul at mundo ng karanasan. Ang ganitong relasyon ay nagpapakita ng mahigpit na ugnayan ng wika at mundo: ang mga mundo ay binubuo ng wika, at ang mga wika ay naglilikha ng mga mundo.
Lito ang maraming Filipino sa kasalukuyang hugis at topograpiya ng Filipino bilang wikang pambansa sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling nakakulong ang artikulasyon at elaborasyon nito sa mga mga lumuting prinsipyo ng kabansaan, ng identidad, ng demokrasya, at ng panlipunang katarungan.
Isinusulong ng sanaysay na ito, kung gayon, ang isang argumento: na hangga’t hindi tinutugunan ng Filipino bilang wikang pambansa ang mga usapin tungkol sa pluralidad at dibersidad ng mga wika, kultura, at kabihasnan ng mga Filipino saan man sila naroroon ay mananatiling watak-watakin ang disinsana’y nag-uugnay-ugnay na mga wika at kultura at diwa ng Filipinas—at bilang resulta ay patuloy ang pagkawatak-watak ng mga Filipino. Ang pagkawatak-watak na ito ay nagbubunga ng mapansariling pagsasarili. Sa ganitong kalagayan, hinding-hindi kailan man mapagtatagumpayan ang mithiin sa pambansang kasarinlan.
Isinusulong ng ganitong argumento tungkol sa wikang pambansa ang kahalagahan—at ang kalagahang ito ay hindi puwedeng mababale-wala sa diskurso ng pagiging pambansa ng wikang Filipino—ang tatlong salik na tumutugon sa hamon ng kaisipan na “ang wikang pambansa ay binubuo ng mga wika sa Filipinas.” Ang mga salik na ito, sa aking tingin, ay mga conditio sine qua non ng pagiging wikang pambansa ng Filipino ayon sa isinasaad ng saligang batas: (1) bansa at kabansaan; (2) mapagpalayang demokrasya; at (3) panlipunang katarungan.
Ang ganitong tesis ay isang pagsisiwalat ng isang ideyal, bisyon, pangarap, at pangyayari sa pagnanais na, mula ngayon, ang Filipino bilang wikang pambansa ay hindi na wika ng iilan. Na hindi na ito wika ng makapangyarihang radyo at telebisyon at pahayagan at ilang pang mga industriya ng kaalaman at kulturang popular na pagmamay-ari ng mga nasa sentro ng kalakalan at kapangyarihang politikal. Na hindi na ito wika ng iilang taong nakapag-aral sa mga lumuting baybayin ng mga lumuting probisyon ng mga lumutin nang pagtatangkang isabatas ang hugis, anyo, at mukha ng wikang pambansa.
Ipinapaalala ng ganitong tesis na ang proyekto at programang nakatuon sa pagbubuo ng isang tunay na “Filipino bilang wikang pambansa” ay hindi-hindi kailan man tumatanggap ng panggitnang daan. Ano mang uri ng pagbabago at pagsasakatuparan ng mga kahingian ng mapagpalaya, sapagkat panlahat, na pagbabago ay hindi tumatanggap ng mga kompromiso at negosasyon at akomodasyon mula sa mga puwersang laban sa tunay na kalayaan at kasarinlan.
Lahat ng uri ng pagbabago kasama ang pagbabago sa depinisyon ng Filipino bilang wikang pambansa ay hindi maaaring magsimula sa wala, sa zero—samakatwid, humihingi ang bawat pagbabago ng radikal na pagtingin sa mga wika at kultura sa Filipinas. Ang radikal na pagtingin na ito ay may kinalaman sa definitibong pagkilala sa lahat ng mga wika at kultura ng bansa, pagkilalang totoo, pagkilalang walang labis, pagkilalang walang kulang, pagkilalang nagpapahalaga sapagkat nagbibigay ng puwang at espasyo para sa lahat.
Sa pagsasaproyekto at pagsasaprograma ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa—at sa tunay na Filipino bilang wikang pambansa—mahalaga rito ang pag-uusig sa kalabisan, sa oportunismo, sa kasalanan, at sa kabalintunaan ng kasaysayan. Mahalagang balikan ang nakaraan at suriin ang sistemasidong pagsasanaturalisado ng isa o ilang wika ng sentro bilang wikang pambansa. Sa pagsusuring ganito, ihahayag ang mali upang maitama ito at mabigyan ng kaukulang tugon ang katanungan tungkol sa inhustisyang ipinataw—at patuloy na ipinapataw—sa nakararaming mamamayan.
Sa panibagong artikulasyon at elaborasyon ng Filipino bilang wikang pambansa—ng tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa—magpapanibago ang pilosopiya ng wikang gagamitin at sa pagpapanibago ng pilosopikal na basehan, tiyak na may masasagasaan.
Ang bagong pilosopikal na basehan ay humihingi rin ng pagsasakripisyo mula sa mga institusyon, indibidwal, at komunidad ng mga mamayang mulat at malay upang maisakatuparan ang pagsasabansang tunay ng Filipino bilang wikang pambansa.
Walang panggitnang daan sa pagpapalitaw sa Filipino bilang wikang pambansa. Ang panggitnang daan ay instrumento lamang ng panibagong manipulasyon upang maisulong ang mga tagong adhikain ng mga kalaban sa kalayaan at kasarinlan, mga tagong adhikain na mithiing nananatiling nananahan sa puso at kaluluwa ng nakararaming mamamayan sa kabila ng katusuhan ng naghaharing uri.
Tutugunan ng tunay na Filipino bilang wikang pambansa—at ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa—ang mga tanong tungkol sa pagsasapalsipika ng diwa ng mga mamamayan ayon sa makitid at mapang-angking parametro ng mga makapangyarihang pawang mga awtor at pasimuno at aktor ng di na mabilang na kuwento ng kawalan ng katarungan. Gayon din na ibubunyang ng tunay na Filipino bilang wikang pambansa—at ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa—ang kabalintunaang inilalakong totoo, tama, at ligal. Ang kabalintunaang ito ay ito: isang uri ng “Filipino bilang wikang pambansa” na, una, hindi naman “Filipino”, at pangalawa, hindi naman “wikang pambansa.”
Ang sa una ay ang pagpapanatili ng gramatika ng manipulasyon sa wikang pambansa—isang gramatika ng manipulasyon na sintagal na ng kuntsabahan sa pagitan ng mga elit sa ekonomiya at ng politika kasama ang kanilang mga dayuhang panginoon. Lihis ito sa reyalidad ng dibersidad ng mga diwa at isip mula sa mga napakaraming linggwistik at kultural na pamayanan sa bansa. Ang gramatika ng manipulasyong ito ay nananatili ring balarila ng pananakop sa kaisipan ng mga hindi taga-sentro ng kapangyarihan.
Ang pangalawa ay ang tuloy-tuloy na pagtanggap bilang tama at naayon na ang karanasang kultural at linggwistik ng isang pamayanan ay siya rin karanasang kultural at linggwistik ng lahat ng mga pamayanan. Maliban sa mapanlahat at mapanakop ang ganitong pag-iisip, isinasantabi nito ang pag-iral ng iba pang mga pamayanan, ng iba pang mga diwa, ng iba pang mga isip, at ng iba pang mga wika, tunog, alaala, gunita, at sistema ng pagpapakahulugan. Sa isang bansang tahasang multikultural at multilinggwistik, ang ganitong uri ng pilosopiya ng wika ay walang saysay, hindi dapat binibigyan ng saysay, ang saysay—kung meron—ay winawalang saysay.
Ang kabalintunaang naganap—at patuloy na nagaganap—sa kasaysayan ay isang uri ng maskaradong kabalintunaan na ipapalaganap at ipinapalawig bilang katotohanan ng mapagharing kasaysayan ng mga elit ng wika, kultura, kapangyarihan, at kaalaman na kahit kailan ay hindi ibinilang ang kontribusyon at pagsasapraktika ng masang nag-iisip at mulat at malay—ang uri ng masang tunay na tagapagtago ng pangarap para sa bansang awtentikong nagsusulong ng mga ideya tungkol sa pagkamit ng isang malayang bansa at kabansaan.
Bansa at Kabansaan
Kakambal ng wikang pambansa ang usapin tungkol sa bansa at sa kabansaan.
Kailan man, ang bansa ay hindi isang tapos na usapin, hindi isang artifak ng kasaysayan o ng mga relasyong politikal ng mga grupo ng mga tao na, sa kaso ng Filipinas, ay kadalasan ay ang kwalifikasyon sa paghahari ay ang kahusayang makipagkurratsahan sa mga nanghuhuthot na dahuyan, mga mangangalakal na ignorante sa etikal na responsibilidad ng puhunan, mga banyagang among imperyalista na ang tanging ambisyon ay sakupin ang mundo at angkinin ang sansinukob sa pamamagitan ng kanilang mga ideya tungkol sa kanilang demokrasya, panlipunang katarungang sila ang unang benefisyari, at kabansaang umiikot sa kanilang imahinasyong politikal na sila ang sentro ng mundo, na ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay sa kanila dapat iikot tulad ng pag-ikot ng mga planeta sa araw.
Ang bansa at kabansaan bilang proyekto at programa ay nililikha--obrang di matatapus-tapos sapagkat walang katapusan, laging isinasagawa, isinasakatuparan. Organik, buhay, humihingi ng buhay, gustong mabuhay, ang bansa at kabansaan ay umiiral sa imahinasyon ng mga mamamayang mulat at malay sa mga bisyon at misyon at adhikain ng nakararami sa kalayaan at kaunlaran para sa lahat.
Ang bansa bilang isang imahinasyong politikal ay tulad din ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang paralelismo ng dalawa ay hindi isang aksidente kundi nanggagaling ang usapin at diskurso ng wikang pambansa sa ideya mismo ng pagiging isang bansa. Ang kabansaan ay suma ng lahat ng mga nosyon sa pagiging bansa kasama ang wikang malaya sapagkat nagpapalaya, makabansa, pambansa.
Mayroong isang dinamismo sa ganitong relasyon ng bansa at ng wikang pambansa sapagkat inuugat ang nosyon at konseptuwalisasyon ng wikang pambansa sa proyekto at programang politikal ng isang grupo ng taong naglalayong makabuo ng isang pamayanang nagsisilbing tahanan mismo ng kanilang mga pangarap, panaginip, adhikain, damdamin, saloobin, nakem, buot.
Ibig sabahin, ang ganitong pamayanan ay may kakayahan magbigay ng taguan at kublian ng anito ng mga ninunong anito rin ng ngayon at kinabukasan, ng espiritu ng pakikidangadang sa ngalan ng kalayaan at kasarinlan, at ng kaluluwa ng lahat ng nais at pagsinta para sa sarili at sa iba. Sa madaling sabi, merong daynamik ang diskurso ng Filipino bilang wikang pambansa sapagkat nakabatay ito sa daynamik mismo ng diskurso ng bansa, at samakatwid, ng kabansaan.
Sa higit na praktikal na pagtataya, kung ang reyalidad ng pagiging isang bansa ay ang mayamang reyalidad ng pagiging marami at pagiging iba’t-iba ng wika, kabihasnan, at kultura ng mga komunidad na bumubuo nito, hindi kung gayon angkop na iisa o iilan lamang ang mananaig na expresyon ng mga bagay na maituturing na pambansa tulad ng wika. O dili kaya ang kultura na itinatakda lamang ng sentro ng administrasyong pampulitika tulad ng pagkokonsiyerto ng mga musikerong nakaamerikana at pagbabaley ng mga baylerinang ang tanging alam na sayaw at galaw ng paa ay nagmumula sa mga kosmopolitang dambuhalang siyudad sa Kanluran. Tulad ng mga musikerong ang alam ay si Mozart at si Bach, ang mga baylerina ay nasa ganoon ding hugis at anyo ng kamangmangan: hindi kailan man nila alam o inalam ang arikenken ng mga taga-Hilaga o singkil ng Kamindanawan, tulad ng di pag-alam ng mga musikero ng kutibeng ng mga Ilokano o ng plawtang kawayan ng mga Kalinga o Yapayao.
Ang ganitong konseptuwalisayon ng demonstrasyon at pagsasapraktika ng kultura na tumatanggap sa mga istandard ng iba at banyaga subalit walang kakayahang pahalagahan ang sariling mga expresyong pangkultura o dili kaya ang pagpapanatiling pikit-mata sa mga sinaunang at/o katutubong expresyon ng diwa ng ibang mamamayan ng bansa ay isang sutil na gawain.
Sutil, sapagkat walang katinuan.
Walang katinuan sapagkat hindi kumikilala ng ibang uri ng kaalaman, kapantasan, kabutihan, kagandahan.
Kakawing, kung gayon, ng usapin tungkol sa Filipino bilang isang wikang pambansa—ang tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa—ang samu’t-saring usapin tungkol sa kayamanang alay ng mga wika sa bansa, mga kultura sa iba’t ibang pamayanan, mga diwain sa mga pagsasapraktika ng mga kahingian sa pang-araw-araw na buhay.
Magpahangga ngayon, nananatiling Tagalog at maka-Tagalog ang balangkas ng ”‘tunay na Filipino” bilang “tunay na wikang pambansa.”
Ang ganitong kaayusan ay kontra-produktibo sapagkat ipinipiit nito ang kaisipang higit at lampas-lampas sa kaisipang taglay ng isang maliit lamang na bahagi ng bansa at kabansaan. Ang ganitong direksyon ng pagsasakonseptuwalisa ng wikang pambansa at ng bansang malaya na pinapamagitanan ng Tagalog at maka-Tagalog na diwa ay nagbubunga ng walang katapusang isteytment tungkol sa pagiging Tagalog ng wikang pambansa at ng kulturang pambansa.
Sa paglalahad sa usaping ito tungkol sa “pagiging Tagalog ng Pilipino” at ng “pagiging Tagalog ng Filipino”—at ang ekweysyon nitong “pagiging Filipino ng Tagalog”—ay isang dungis ng adhikaing mapagpalaya sapagkat nagpapalaya. Tuwi-tuwina ay inuungkat ito ng ilan sa mga may tinig sa pampublikong saklaw ng aksyon. Hindi maitatatwa ang maliliit na katotohanang taglay ng ganitong isteytment. Nagkasala at patuloy na nagkakasala ang mga tagapagtaguyod ng ganitong pag-iisip, mga tagapagtaguyod na nilalambungan ng mga isip ng isang uri ng kompleks na ang ngalan ay walang-pangalan sapagkat ayaw nilang aminin. Mulat ang mga ahente ng ganitong kalakaran at kaayusang mapaniil sa kahingiang etika ng pag-aamin: ang pagpapangalan ng panlipunang sakit na dumadapo sa maraming mamamayang hindi mulat at malay sa kahingian ng bansa at kabansaan, ng linggwistik na demokrasya, at ng panlipunang katarungan.
Kapag nirakisa ang mga instrumento at aparato ng kaalamang pambansa na minemedyeyt, halimbawa, ng ikinakalakal, itinataguyod, at ipinapalaganap na “Filipino bilang wikang pambansa”, naroon ang mga sintomas ng kawalang katarungan—at ang mga sintomas na ito ay nagpapakita ng isang malala sapagkat mapangsaklaw na sakit panlipunan na itinatago sa pamamagitan ng sistematisadong pagbablakmeyl sa mga kritiko ng ganitong kaayusan at kalakaran.
Madalas ang reaksyunaryong depensa upang blafin at bansutin ang mapanlikhang kontraryong isip na ganito. Pansinin, halimbawa, ang mga modelo ng kaalamang isinasaksak sa isip ng mga kabataan mula sa murang gulang hanggang sa ang gulang ay di na kayang mag-isip ng malaya sapagkat ang isip ay kinolonya na ng mga lumuting pilosopiya tungkol sa wikang pambansa, sa pambansang literatura, at sa pambasang kultura.
Mayroong lihim at tusong pananakot sa mga instrumento at aparatong ito ng kaalaman at sa mga salik at sangkap sa produksyon at reproduksyon nito. Ang mga tinataguriang panitikang Filipino, halimbawa, ay madalas hindi mga “panitikang Filipino” kundi panitikan ng isang sentro ng kontrol, administrasyon, produksyon, at reproduksyon ng kaalaman. Ipinapakabesa ang mga piyesang ito hanggang sa ang mag-aaral ng kabihasnang Filipino ay masilo sa lihim at tusong sistema ng pagkontrol sa naghaharing wikang ipinapalabas na wikang pambansa subalit wika lang naman—at, in extensu, panitikan lang naman ng isang rehiyon na nagkataon ay sentro ng kapangyarihan.
Ang ganitong aksidente ng heograpiya sa pagiging bansa ay nagiging basehan at sanhi ng isang heograpiya ng sakit at pasakit, ng patuloy na kolonisasyon sa isang paraang banayad at di-halatain, at ng tuloy-tuloy na pagdomina ng ilang grupo ng mga kababayang Filipino laban sa ibang mga kababayang wala sa sentro, mga kababayang nagkakasya sa gilid sapagkat itinutulak sa mga gilid-gilid ng lipunan.
Ang mga gawaing ganito ay nangangailangan ng masinsinang pagbubunyag, paglalantad, at pagtatanggal ng maskara.
Nangangailangan ito ng diretsahang pagpapangalanan sa mga ahente ng bagong kolonisasyon sa isip at kamalayan; nangangailangan ng paghuhusga sa mga gawaing nagiging simula ng bagong kalupitan at kalabisan at kaapihan, mga pangyayari at reyalidad na walang lugar sa isang lipunang may paggalang at pagpapahalaga sa sarili sapagkat sumusunod sa mga batayang prinsipyo ng pagsasakatuparan ng buhay panlipunan.
Sapagkat gawaing malupit ang pagtatakda ng iisang uri ng katotohanan, identidad, kairalan, kaisipan, at kamalayan kung ang tunay na tototo ay ang pag-iral ng daan-daang wika at kultura ng iba’t-ibang Filipino sa iba’t ibang pamayanan.
Sapagkat isang uri ng kalabisan ang pagpapanatili ng dominasyon ng iilan sa higit na marami.
Kahit sabihin pang ang marami ang nagdodomina, hindi pa rin ito katanggap-tanggap na pamantayan sa pagbubuo ng isang mahusay at matiwasay na lipunan. Ang dominasyon ay dominasyon ano man ang uri. Wala itong lugar sa isang bansang nagsisikap magiging totoo sa kanyang sarili.
Sapagkat gawaing mapang-api ang di pagkilala sa iba; sa di pagbibilang sa iba’t-ibang wika, kultura, at kabihasnan ng bansa.
Linggwistik na Demokrasya
Pundamental na karapatan ang lengguahe at ang kulturang taglay nito.
Kasinghalaga ng karapatan sa wika ang karapatang mabuhay na mapayapa, ng walang takot at pangamba, ng may kaunlaran at katiwasayan.
Kung ang demokrasya ay estilo ng buhay sa lipunan, isang estilo ng buhay na humihingi ng pagbubuwag ng kapangyarihang taglay ng iisa o iilang kamay upang maikalat ang kapangyarihan ng pagpapasasya sa nakararami, ang linggwistik na demokrasya ay lohikal na karugtong ng ganito ring ideyal ng sama-samang pagpapasya kung ano ang mainam at mabuti para sa nakararami kung hindi man para sa lahat.
Sa demokrasya, ang kapangyarihan ay wala sa sentro kundi nasa kamay ng mga diputado ng mga kasapi sa lipunan, mga diputadong ang kakayahan ay walang kulang, mga diputadong kayang arukin ang kaluluwa at espiritu ng mga mamamayan, mga diputadong nagsisilbing tinig ng mga walang tinig, nagsisilbing mata ng mga walang mata, nagsisilbing lakas ng mga walang lakas, nagsisilbing kapangyarihan ng mga inagawan ng kapangyarihan, nagsisilbing gabay ng mga nawawala ang landas. Sa buhay pangkultura, ang mga wika ay tila mga diputado sapagkat ang mga wika ay mata, ilong, pang-amoy, panlasa, lakas, tinig, boses, kapangyarihan at pandiwa ng mga may-ari sa mga ito—o ng mga taong pagmamay-ari ng mga wika.
Sa demokrasya, ang instrumento ng pag-iisip ay sang-ayon sa diskurso ng mga mangungusap na pare-pareho ang kinatutungtungan, pare-pareho ang prinsipyong pinanghahawakan na pinagmumulan ng talastasan. Ang tunay na wikang pambansa ay nagbibigay ng ganitong kondisyon at hinahayaan na maganap ng buong-buo ng talastasan ng lahat ng gustong mag-uusap-usap at hindi niya ito kinakategorya kung ang nakikipagtalasan ay Ifugao, Mangyan, katutubo o politikong makapal ang mukha na ang tanging alam na wika ay wika mapangsakop.
Sa demokrasya, nililinaw ng mabuti ang mga batayang prinsipyo na naghuhudyat ng makatarungang pag-uusap, ng palitan ng kuro-kuro, ng kumbersasyon, ng dialogo.
Ibig sabihin, pinapamagitanan ng talastasang demokratiko ng isang wikang pambansa sapagkat sa pamamagitan nito ay nakakapangusap ang nakararami kung di man lahat; pinapamagitanan ng talastasang demokratiko ng isang wikang pambansa sapagkat wala itong bahid ng pananakop sa utak at isip at kalooban, isang wikang pambansa na, sa kubling tahanan nito sa kululuwa ng mga mamamayan, ay malay at mulat ang mga nangungusap.
Ang isa sa mga senyal ng pagiging tunay na pambansa ang isang wika ay ang kakayahan nitong magsilbing tahanan, kublian, at taguan ng kaluluwa at puso ng bawat mamamayan. Hanggang hindi nararating ang binabansagang “wikang pambansa” ang ganitong katangian, mananatili itong estrangherong wika, wika ng pagiging exiling panloob, ng pagiging bagamundo mula sa sariling tahanan ng unang wika hanggang sa mawalay ang landas ng kaluluwa, ng puso, ng identidad, ng pagkatao.
Sa pagsasagawa ng kahingiang pandemokrasya ng pagpapayaman sa Filipino bilang tunay at totoong wikang pambansa, kailangan dito ang walang pag-aatubiling pagkilala sa pangyayaring ang bansa ay binubuo ng mga samu’t saring wika at kultura at ang kapangyarihang taglay ng wikang pambansa—ang kapangyarihan nitong magiging mapang-ugnay sapagkat nag-uugnay—ay nakabase sa pagsasangkap sa pagpapayaman sa wikang pambansa na gamit ang pagkapangyayari ng dibersidad na ito.
Hindi maaari dito ang dulog at lapit ng balasubas na nakaraan—balasubas sapagkat hinayjak nito ang mga utak at isipan ng nakararami at kinidnap nito ang tinig at pangalan ng iba pa.
Hindi maari ang dulog at lapit na nagbabando sa kahusayan ng isang wika laban sa iba at ang pagsasabi na ang ibang wika sa bansa ay walang kakayahang gawing intelektwalisado ang diskursong naglilikha ng kaalaman. Ang ganitong mala-kolonyal na aktitud at disposisyon ng utak ay walang papel sa isang demokratikong talastasan sa kung papaano gawin demokratiko rin ang Filipino bilang tunay na wikang pambansa.
Ang pagpapanatili sa tiraniya at diktadurya ng isa o iilang wika at ang kaakibat na pagmamaskara sa tiraniya at diktaduryang ito sa pamamagitan ng mga teknik at metodo ng kalakal at promosyong pampubliko ay isang mortal na paglabag sa inisaad ng isang demokratiko sapagkat makatarungang buhay panlipunan. Ang mortal na paglabag na ito ay walang karampatang kapatawaran, walang katumbas na pagsisisi na ang katapat ay ang pagpapatawad.
Ang pagsasapilit na pagbansag sa tiranya at diktaduryang ito bilang “pagmamahal panlipunan” at ang pamumulot sa mga pailan-ilang konsepto ng mga Mangyan, ng mga Ilokano, ng mga Igorot, ng mga Kalinga, ng mga Tagbanwa, ng mga Isinay, ng mga Ibanag, ng mga Ivatan, ng mga Sebwano, ng mga Bikolano, ng mga Pangasinense, ng mga Pampango, ng mga Waray, ng mga Tausog, at ng mga Maranaw, halimbawa, at pagsasama sa mga ito sa kasalukuyang leksikon ng wikang Filipino upang mairepresenta ang mga diwa ng mga Mangyan, ng mga Ilokano, ng mga Igorot, ng mga Kalinga, ng mga Tagbanwa, ng mga Isinay, ng mga Ibanag, ng mga Ivatan, ng mga Sebwano, ng mga Bikolano, ng mga Pangasinense, ng mga Pampango, ng mga Waray, ng mga Tausog, at ng mga Maranaw ay isang uri ng kawalan ng pagpapahalaga sa kahingiang pandemokrasya ng wikang pambansa. Ang pakunsuwelo-de-bobong gawaing ganito ay naghuhudyat ng kakitiran ng isip at ng kababawan ng kaalaman sa paglikha ng isang lipunang demokratiko sapagkat kinikilala ang pangarap at nais ng lahat ng mga mamamayan, mga pangarap at nais na ang dulo ay ang pagtatatag ng isang lipunang makatarungan sapagkat demokratiko, at demokratiko sapagkat makatarungan.
Panlipunang Katarungan
Hinihiling ng reyalidad ng dibersidad pangwika at pangkultura ng bansang Filipinas ang puspusang pagkilala sa taglay na yaman ng iba’t ibang wika at kultura sa pagbubuo at pagpapaunlad sa tinagaturiang pambansang wika at kakambal nitong pambansang kultura. Esensyal na bahagi ng kahingian ng panlipunang katarungan ang pagbibigay ng puwang sa inietsapuwerang wika at kultura.
Ang katarungan o kinalinteg—mula sa “tarong” ng Binisaya at “linteg” ng Ilokano—ay susi ng paglikha ng lipunan, ng ano mang lipunan. Ang kontratang panlipunan ay pundamental na tipan ng mga mamamayang ang nais at pangarap ay makabuo ng higit na organisasyon na may kakayahang tiyakin sa bawat mamamayan na ang kanyang karapatan na mabuhay ng matiwasay at masagana ay mabigyan ng paggalang at katuparan.
Sanhi ng mga bagaryos ng panahon at pook—sanhi ng mga di inaasahang puwersa ng kasaysayan—at ng mapanlinlang na mga ahente ng kapangyarihan, naging lihis ng kasunduang panlipunan. Ang resulta ay ang pagkakaroon ng isang lipunan ng mga tuso at pinagtutusuhan, ng mga marurunong at mga minamangmang, ng mga nagtagumpay at ng mga bigo, ng mga naghahari at pinaghaharian. Imbes na ang unang prinsipyo nito—ang pagsaalang-alang sa pagkapantay-pantay sa lahat ng karapatan at tungkulin—ang nanatiling muhon ng lahat ng mga relasyong panlipunan, naging anino na lamang itong unang prinsipyo—at ang pangangaino nito, sa kamaang palad, ay tila naging sa lahat ng mga panahong ng mga dayuhang mananakop hanggang sa panahon ng mga kababayang mananakop sa kasalukuyan. Naging pangit na pangitain ang aktuwal na kalakaran sa lipunan. Naglikha ito ng paghahati-kati at ang malalim na siwang sa pagitan ng mga makapangyarihan at pinaghaharian, sa pagitan ng mayayaman at ng mga naghihikahos, at sa pagitan ng mga may tinig at mga pipi ang nagsilbing pader laban sa pag-iisa at kaisahan ng diwa at isip tungkol sa bansa at kabansaan.
Makikita, halimbawa, ang kongretong larawan nito sa isang lipunang kay liit ang bilang ng napakarami at sobra-sobra ang kayamanan subalit napakakaunting yaman—kung meron man—ang hawak-hawak ng nakararaming mamamayan.
May tawag ng mga mapagpalayang ekonomista sa ganito: ang penomenon ng akses sa mga resorses ng produksyon. Itutulak ng sanaysay na ito ang konseptong ito sapagkat inilalarawan nito ang kawalan ng panlipunang katarungan sa kasalukuyan: ang kawalang ng akses ng nakararaming Filipino sa mga resorses ng lipunan kasama ang mga resorses na may kinalaman sa kultura at kaalaman.
Sa madaling salita: sa paghahati-hati, naging dalawa ang wika, at hindi iisa, at ang wikang pambansa—kung meron man sa reyalidad—ay isang pakunsuwelong probisyon ng batas.
Walang pagkapantay-pantay sa akses sa resorses sa kalinangan: iba ang praktis pangkultura ng mga mangmang at maliliit, mangmang sapagkat minangmang ng mga institusyong pangkaalaman ng di makatarungang lipunan at maliliit sapagkat sadyang binabansot ng mga makapangyarihang at panginoon ng kagalingan at kahusayan sa paniniwala na sa pagbabansot sa isip ng mga ito, mananatili silang tau-tauhan sa lipunang nilikha para sa lahat upang makinabang ang lahat.
Narito ang hating kultura: isa para sa mga may kakayahang ekonomik na bumili ng tiket para panoorin ang ispektakyular na palabas ng “Miss Saigon” na nagbabando ng kadakilaan ng puso ng isang sundalong Amerikano sapagkat sinalba niya ang kanyang anak sa Vietnamese na si Kim sa pamamagitan ng pagdala niya sa anak nila sa Estados Unidos, upang doon sa Amerika ng mga matatapang at mga malalaya, doon ay magkakaroon ang batang lalaki ng pagkakataon na mabuhay na matapang at malaya at ibaon sa limot na ang kalahati ng kanyang pagkatao ay ang dugo ng kanyang inang nagsakripisyo para sa kanya. Naroon sa palabas ang aktuwal na paglapag ng helikopter sa entablado at ang mga maykayang bumili ng tiket ay namangha sa magarbong palabas na nagkubli sa diskurso ng gera, sa pagwasak sa pambansang kasarinlan ng iba, sa paglalako ng isang uri ng demokrasya na ang definisyon ay ayon sa labis-labis na kapangyarihan ng kapital at kalakal at kapangyarihan pangmilitar.
Ang pagmamaskara sa ekskursyon ng ganitong uri ng kultura at kaalaman sa pamamagitan ng ganitong magagarbong palabas ay walang pinag-iba sa tuloy-tuloy na pagsasalamangka ng isang uri ng “Filipino bilang wikang pambansa” na magpahangga ngayon ay di rin nagrerepresenta ng samu’t saring naisin at adhikain ng samu’t saring linggwistik at kultural na pamayanan sa bansa.
Ang paniniwala na narating na ng kasalukuyang wikang Filipino ang yugto ng pagsasabansa ng wika ay isang paniniwalang humihingi ng lantarang pasubali.
Sa kasalukuyan, ang Filipino ay hindi pa tinutugunan ang kahingian ng panlipunang katarungan sapagkat ang tanging katarungang kanyang tinutugunan ay ang makitid at limitadong nosyon ng katarungan ayon sa mga mayhawak ng poder, ng kalakal, ng industriya ng kultura, at ng industriya ng kaalaman.
Nananatiling walang akses ang taumbayan sa sors ng kaalaman na nasa labas ng kanilang pamayanan sanhi ng walang puknat na salamangka ng Ingles at ng Inglisasyon ng mga institusyon at ahensiyang nagtitiyak na ang kaalaman at kapantasang nililikha at pinapalawig sa kasalukuyan ay siya pa ring kaalaman at kapantasan ng status quo—kaalaman at kapantasan na nagtitiyak na ang mga benepisyo ng buhay lipunan ay mananatiling kinokorner ng mga kasapi sa naghahari at mapangharing uri.
Nananatiling walang akses ng nakararaming Filipino sa mga mapagpalayang ideya at ideyal sapagkat nananatiling pipi at bingi ang mga libro tungkol sa kalayaan: pipi at bingi sapagkat banyaga—at banyaga sapagkat karamihan sa mga ito ay sa mga banyagang wika pa rin nasusulat. Ilan kaya, halimbawa sa milyung-milyong ipinagmamalaking nakakapagsalita, nakakaintindi, at nakakapagsulat sa kasalukuyan anyo ng wikang Filipino ang nakabasa na sa mga batayang literatura at iba pang sulatin tungkol sa mga teorya ng mabuting lipunan, ng matiwasay na buhay, ng makatarungang lipunan?
Itinatakda, halimbawa, ng batas ng bansa ang pagsasalin sa Saligang Batas sa mga pangunahing wika ng Filipinas upang magkaroon ng akses ang taumbayan sa mga batayang prinsipyo ng buhay panlipunan, upang maisapuso ang kahingian ng pagtitipan, upang maihanda ang sarili sa tungkulin sa bayan habang hinihingi rin sa bayan ang tungkulin sa mamamayan.
Pero ilang mamamayan ang nakakaalam sa mga probisyon ng Saligang Batas ayon sa sorpresa at pangako at rebelasyon ng kani-kanilang wika?
Papaano mababatid ang puno’t dulo ng kontratang panlipunan kung nananatili itong banyaga sa kaluluwa ng nakararaming mamamayang hikahos, banyaga sa kanilang isip, banyaga sa kanialng diwa, banyaga sa kanilang lenggwahe at ang tanging may akses sa mga ito ay mga nakapag-aral, mga residente ng mga kapitolyo at munisipio at Malakanyang at Konggreso at Senado, at mga propesyunal sa batas na nagpapahiram at/o nagkakalakal ng kaalaman at kahusayan upang ang kasalukuyang kaayusan ay mananatiling nasa kamay ng iilang mayayaman, iilang makapangyarihan, iilang marurunong?
Pagtatapos: Tungo sa Filipinong na Tunay na Wikang Pambansa
Mahigpit na magkakawing-kawing, kung gayon, ang Filipino bialng wikang pambansa at ang salik ng bansa, kabansaan at identidad, ang salik ng linggwistik na demokrasya, at ang salik ng panlipunang katarungan. Sa madaling salita, ang pagsasatotoo at ang pagpapatotoo ng Filipino bilang “tunay na Filipino” at ng wikang pambansa bilang “tunay na wikang pambansa” ay nakabatay sa kakayahan ng wikang Filipino na tugunan ang mga tanong at hamong ng pagiging bansa, ng demokrasya, at ng katarungan.
Napapanahon na upang harapin ng wikang Filipino ang isyu ng dibersidad. Kung noon ay nagkakasya ang Filipino bilang Tagalog/Tagalog bilang Filipino sa akademikong pagmamasahe ng mga institusyon ng mga kaalaman at ng mga walang manhid nitong mga ahenteng nagpapanggap na mga iskolar ng pambansang wika, ngayon na ang panahon upang seryusohin ng Filipino bilang wikang pambansa ang kanyang tungkulin sa buong bansa at hindi lamang sa makitid at makipot na bansa ng mga makapangyarihan sapagkat nasa sentro sila ng administrasyon ng kultural na buhay.
Ang sistematisadong pagtalikod sa pambansang tungkulin na ito sa pamamagitan ng pagwagaygay sa usapin na buo na ang “tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa” ay mauuwi sa, at manganganak lamang ng, isang libo at isang bangungot—napakaraming bangungot na kung tutuusin ay hindi na kayang lampasan pa ng pagal ng diwa ng nakararaming mamamayan.
Ang higit na dapat iwasan nino man na may pagmamahal sa pagbubuo, pagpapayaman, at patuloy na paghubog ng isang tunay na wikang Filipino na tunay na wikang pambansa ay ang pagiging triumpalista—at pagpapakita ng tagumpay, ang pagsasabi na ang usapin tungkol sa wikang pambansa ay tapos nang usapin.
Sapagkat isang obrang-laging-di-tapos ang bansa, ganoon din na obrang di-tapos ang wikang pambansa. Magkasalikop ang dalawa: ang wikang pambansa ang daluyang ng lahat ng mga dakilang konsepto at ideya tungkol sa bansa at sa pamamagitan nito ay nagagawang pagmunian ng bansa ang kanyang mga hakbangin, ang kanyang mga naisakatuparan, ang kanyang mga kabiguan, ang mga kabalintunaang kanyang kinasusuungan sa mga nagdaang panahon at sa panlilinlang ng kasaysayang inangkin ng mga tuso sa kapangyarihan.
Ganoon din na hindi puwedeng ihiwalay ang wikang pambansa sa mga tanong at isyu tungkol sa demokrasya sa isang dahilan: ang wikang pambansa ay isang pambansang resors na walang kapalit at kung gayon ay hindi maaaring pakawalan hanggang sa maglaho ito sa mga mauulop na isipan ng mga nalilitong mga mamamayan.
Ang tokenismong lapit sa pagsusulong at pagpapalawig ng wikang pambansa ay walang saysay sapagkat hindi ito makatarungan. Kinikilala lamang ng tokenismo ang pailan-ilang salita ng maraming mga buhay na wika at kultura ng mga pamayanan sa bansa at isasali, bilang pakunsuwelo, sa “buo ng leksikon ng wikang pambansa”.
Ang ganitong mapang-utong gawain ng mga iskolar at adbokeyt ng wikang pambansa ay isang uri ng indolensiya ng utak, isang katamaran ng isip at nakasandal ito sa lohika ng pagiging kumbinyente ng pagdaragdag sa “wikang pambansang naroon at tapos na” na pinapasubalian ng sanaysay na ito.
Higit sa lahat, ang gawaing “pagdaragdag sa tapos ng leksikon ng wikang pambansa” ay walang kakayahang magsuri sa balangkas ng diwa ng kabansaan, ng gramatika ng pagiging isang bayan, ng sintaktika ng pagiging isang demokratikong lipunan, at ng semantika ng pagiging tunay nga ng Filipino bilang tunay na wikang pambansa.
Ang kakayahan ng Filipino bilang pambansang wika na tugunan ang salik ng pagiging bansa, ang salik ng demokrasya, at ang salik ng katarungan ay tiyak na magiging pangontra sa saping dumadapo sa isip at kamalayan ng maraming Filipino sa ngayon, isang saping nagbibigay ng kalituhan, ng pagkawala ng landas, ng desperasyon sanhi ng kawalan ng kongkretong lenggwahe ng kasalukuyan at kinabukasan.
Kung gayon, kailangan ng tunay na Filipino bilang tunay na wikang pambansa ng sariling pagtutubos sa pamamagitan ng boluntaryo nitong pagbubukas ng kanyang daigdig at mundo sa daigdig at mundo ng iba pang mga wika at kultura ng bansa. Ito lamang—at mangyayari at magaganap ang sariling pagtutubos.
Honolulu, HI
Hulyo 2006
4 comments:
isu kad daytoy ti pinangabakmo, ka ariel?
haydiakek man met!
haydiakem latta, anytime, anywhere. it is all yours.
ala, ituloymo latta ngarud ti agilawlawag, ka ariel... iramanmonto metten ti kaso a Peoples of Ilocandia versus Nang Syon and Nana Sion... yos, agingga ita nga aldaw ket diak pay la ammo ti pakasaritaan ti kasoda...
agtimek koma ngarud met dagiti dadduma tapno namaymayat... santo maadal dagiti umno nga addang dagiti sinabat ken sinaed a nangtitinung-edan
Aloha Jim:
Pagtitinnulongantayo ngarud, kabagis. Sabali a gannuat daytoy.
Padasekto manen.
Post a Comment