Panganay ng mga Araw

1.
Sa mga anak ang tulang ito
at sa kabiyak din.
Hinihingi na ng pagkakataon
ang pag-uusap
ng makata sa makata:
ang panganay
sa kanyang pagiging banyaga
sa parehong wika ng magulang,
ang pangalawa
sa kanyang
walang katapusang
panghuhuli ng mga katagang angkop
sa pagliban ng ama sa mga paskong nagdaan.

2.
Unang araw ngayon ng taon
at sa puyat na mga oras
ng madaling araw, narito ako sa dilim,
inaapuhap ang damdamin sa harap
ng mga araw na darating:
mga kapangakan ng tatlong supling, halimbawa
o pagtanggap ng pakete sa Los Angeles,
damit na patotoo ng dinisenyo ng hirayang
mapanlikha kahit ang ama ay sa malayo napapagawi
sa mga sulok ng mga gabi at pangamba
na ang tanging kailangan
ay ang paghahain ng kape

o pagpayag ng isang hitit ng Marbolorong pula
sa panganay. Hinahabol ko ang talinghaga,
ang palusot, at ang aking sagot ay malutong
na murang pagmamahal din:
Aa, tangamang sigarilyong siyang dahilan
ng pagkakanser sa utak
o sa isip.

Kasama ang aking ngiti
ang pakikipagkuntsabahan
at ang madulaing pagbigkas
ng mga salita na hindi naman
pinaniniwalaan ang ibig sabihin.

Ang mga makata ay mga salarin,
nagkakaintindihan sa takip-silim
ng mga alalahanin sa pagtula
at sa pagsasaberbo ng gunita
sa mga parating na damdaming
uukilkil sa kaluluwa ng tula
o sa katapusan g mga kuwentong
nakasilid sa mga nakakandadong baul
upang sa harap ng blangkong pahina
ay makakatha ng mga alaala
o ng mga bahaghari ng mga pangakong
kasingkulay ng pagmamahal
ang taglay na pintig ay siya ring tibok
ng pusong nagyayabang
sa umaga ng mga darang
sa gabi ng pag-aalo
sa nagdedeliryong kawalan.

3.
Rakisahin ang aking mga tula
sabi ko, at sa dulo ng mga ito
ay hahanapin ang susi
ng iyong pasasalamat sa akin,
ang kabayaran sa milyong utang
na araw, pag-aaruga sa mga metaporang
aking inagaw sa pagpapalaya sa iyo
sa pagpayag na makisigaw ng "Ibagsak! Ibagsak!"
o ng "Patalsikin si Gloria! Patalsikin si Gloria!"
o sa mga linggong nangawala ka
sa eksena ng pangamba ng ina
nang solong magpasyang sa Aurora makiisa
at doon, sa mga nasalantang panaginip
ng mga pook, mga inanod na mga pangarap,
doon ka lilikha ng tula sa pagbangon
pagkatapos ng pananalanta
ng bagyo sa inaangkin nating panahon.

4.
Sa pangalawa ay ang tula sa disenyo
ng kanyang mga ngalit, naghuhumiyaw
na parang bumubulanghit na pusa o tigre
o mga tsonggong ayaw na makita.
Retrato, sabi niya, mga larawan
ang mga iyon ng aking nais
na makawala sa mga salita
sa mga rehas ng mga tunog
upang sa piping hiraya ng araw
sa piping hiraya ng ngiting walang katulad
doon, doon ako lilikha ng mga halakhak.
Ibig kung maging potograpo
ng mga taludtod, ang kanyang pangwakas.

5.
Sa bunso ay ang mumunting panaginip,
katumbas ng mga taon na
ang tinig lang sa telepono
ang siya ring aking pag-uwi, sambit niya
ang libong sanang dagok sa dibdib,
sandaang saksak ng salitang balisong din:
Sana nandito si papa para makita niya
ang mga paputok, ang magandang pagsasabituin
ng mga ilaw, at ang pagbusilak ng mga pulbura
upang hamunin ang walang talang langit
at mula sa pusod ng mga sinindihang paputok
ay ang mukha ng nakangiting buwan
na mukha rin ng unang umagang parating.
Singhal ang aking isasagot,
at nitong tula sa aking isip.

6.
Sabi ko sa kabiyak:
mangyayari ang panganganak
ng mga panganay na araw.
Ang tagapagsilang ng mga panaginip
ay siya ring tagapagsilang ng ginto sa palad.
May pangako ang bagong taon,
ang pangako ng lahat ng natutubos na layon.

7.
Tatapusin ko ang tula, papamagatan.
Sa tuktok ng bundok
ay ang nagliliwanag na katanghaliang-tapat.


A Solver Agcaoili
Waikiki, HI
Enero 1/06

No comments: