Bukas na Liham kay Joey Baquiran, 2

(Ibinukas ko ang liham kong ito kay Joey Baquiran, press officer ng WIKA, ang grupong nagsampa ng petition for certiorari/TRO sa Korte Suprema laban kay Presidente Gloria Arroyo at Sek. Lesli Lapus ng Departamento ng Edukasyon, Meron na akong naunang bukas na liham kay Joey. Sapagkat wala akong pahintulot na ilathala ang sulat niya sa akin, ang aking tugon sa kanya ang aking inilalathala dito.)



Bukas na Liham kay Joey Baquiran, press officer ng Wika

Aloha Joey,

Ngayon pa man ay gusto kong magpasalamat.

Talagang mabigat ang ganitong usapin at tila may punyal sa dibdib.

Sabi nga: mahal natin lahat ang bansang ito subalit kilalanin din natin na ang lengguahe ay balay ng kaluluwa.

Natatakot ako sa pagkakait na magaganap sa pagsasaula sa balay ng mga marami sa atin.

Maraming bansa ngayon ang nagsisisi sa kanilang 'isang bansa-isang diwa-isang pambansang wika' na polisiya (nauulinigan ko 
rito ang Bagong Lipunan na experimento ng isa pang nagsalaula sa ating lahat!)--na ngayon ay nakikita na isang malawak na kamalian. Nagsasaayos sila ngayon. Ganyan di ba ang gagawin natin pagkatapos ng 70ng taon pa mula ngayon?

Nananaig ang wika--at ang sorpresa nito--kapag binubuksan talaga natin ang usapan/talakayan/kumbersasyon.

Noong nasa UP 
ako, ganito na ang aking posisyon pero ang tawag sa akin ay reaksyonaryo.

Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng ganoong bansag--at mapanakop ito, mapaniil, nang-iiwan.

Di ba walang iwanan sa 
pagbubuo ng tunay na bansa para sa lahat?

Ang tunay na kumbersasyon ay yaong may simetri--pantay ang kinatutungtungan ng mga nag-uusap.

Sa kalasalukuyang 
kalakaran, Joey, ay walang ganitong simetri.

Kayrami nating kababayan ang 'nale-left behind'--(hinihiram ko ang isang pulp na serye ng mga walang kuwentang libro sa 
Amerika at pulp din na pag-iisip sa edukasyon dito sa ngayon).

Patutugatog din ba ang iba pang lingua franca?

Hanggang kailan lagi-laging patunayan ng mga Ilokano atbp. na mayroon silang maiaambag sa pagbubuo ng tunay na 'Filipino' 
na hindi lamang token ang pagtrato sa balay ng kanilang kaluluwa?

Dami kong tanong.

Pero gumaan na ng konti ang pakiramdam sa pagtanggap sa iyong tugon.

Saludo ako kay Bomen. Bukas ang isip sa mga tagong istruktura ng panlipunang kawalan ng katarungan sa larangan ng wika at kultura.

Dalangin ko na hindi lamang reaksiyonaryo ang tingin sa akin--sa amin--sa ganitong pagkilos na aming isinasagawa sa ngalan din ng mga 3ng taong gulang na mga anak sa Kailokuan at Kabisayaan at Kamindanawan.

Lobotomisado ang mga 3ng taong gulang naming mga anak, at doble pa: sa Ingles at sa Tagalog.

Isama mo na ang kasaulaan ng mga boxingerong gustong maging konggresista at mga aktor na puro akting ang gagawin sa senado.

Masaklap, Joey.

Pero masarap mangarap at mangusap.

Mahalo--agyamanak,

Ariel

Hon, HI, May 2/07

2 comments:

Luna said...

Hi. Naisipan kong mag-iwan ng komento dito, yaman din lang na napag-iisip rin ako sa kondisyon ng ating wika. Nakakatigatig ang mga iniiwang implikasyon ng sinabi mo. Bumabalik sa eternal na dilemma kung bakit nagpapatuloy sa pagsusulat sa wikang hindi pinahahalagahan ng mismong komunidad na pinangagalingan. Nakatali ang pagbabago'ng yan sa pagbabago rin ng pagtingin sa panitikan -- pahalagahan ang iba pang mga panitikan sa wikang Filipino. Nakataya ang mahuhusay na pagsasalin dito. Pero tila hindi lang 'yun ang nais mong mangyari. Dahil kung lobotomisado na rin mismo ang intelektwal sa wikang "kinagisnan" ng kanyang mga nuno, ay sa'ng vantage point siya magsisimula? Kahit gusto kong magbasa ng mga akdang Iloko sa orihinal, hindi ko magawa. Ang panahon para sa pagsusulat ay humihigop na ng mas maraming enerhiya. Sana makapagpost ka rin ng reply dito. Ingat! Luna

Ariel said...

luna, maraming salamat. sasagutin ko ang iyong katanungan na siya ring aking tanong sa walang katapusang pagmumuni-muni ko sa ating kultural na kondisyon. kailangan maigpawan ang lohika na ibinibigay ng pagiging kumbinyente at komportable. kailangang-kailangan ito sa pagbubuo ng isang bansa tunay na naghahangad ng kalayaan para sa marami.