Dorobo Ang Diputado Simula Noon

Sabi ng kabiyak, mabuti pang di alam
ang lahat-lahat tulad ng kung sino
ang pinuno ng mga bundat at/o dorobo
sa mga lansangang nanganganak
ng malas o masamang pangitain
ng mga bituing bayaran o saksi
ng kapalaluan.

Mangingidnap ang mga dorobo,
silang mga diputado ng ating panimdin
o panaghoy sa pulungan ng mga pagtangis.
Hahablutin at hahablutin
ang ating ngalan
ang ating mga tula
ang ating mga kuwento
at araw-araw ay ipapain ang ating mga hinaing
sa mga manunubos, tunay man o hindi.
Sinong magulang, halimbawa,
ang di iiyak sa madugas na laro
ng mga maamong ngiti
panakip sa pagtanggi
pagtanggi sa pagtatakip
sa iniluluwal na takot ng mga umaga at gabi
sa siyudad man o sa mga bayan-bayanan
sa lunsod man ng ating mga pangarap
o sa bodega ng ating sumusukong lakas.

Papaano magbalikwas umulagway tumanggi
humindi magsabi ng totoong tapat
sapagkat tapat na totoo sa pinunong
halal ng mga salitang payak
na noon ay ganun na
na ngayon ay ganun pa rin
na sa bukas ay iaanak
ng ganun ding salitang payak
mangangako ng katapusan ng mga palalo
magsasabi na magsasabi ng tunay
mangangarap kasama tayo na ang bayan
di na isasanla sa mga pag-aalinlangan
sa pagdadalawang-isip
sa pagbabaka-baka
ng mga santong ayaw maghasik ng lagim?

Samantala, habang nagbibilang tayo
ng mga mapanganib na palatak,
tatandaan natin ang mga buntong-hininga
ng mga bunso
ng mga paslit na nag-uundas
ng mga inagaw na halakhak.

Sabi ng kabiyak, di na kailangang alamin
ang pagiging dorobo ng kidnaper
na diputado natin.
Alam na ng mga ligaw
na hangin ang balangkas
ng paghahasik ng lagim.
Alam na ang kuntsabahan
ng mga magigiting na nagsasanla
ng kinikidnap na panalangin.

A. S. Agcaoili
Peb. 25, 2005

5 comments:

ariel said...

hey, bakit ayaw ma-post ito. help, camz!

ie said...

conio ka itay:
"sa siyudad man or sa mga bayan-bayan"

okey ang resonance ng sound. =)

rva said...

hi, ayie!

vivid na vivid pa sa aking memory (naks) yung dalawang batang makukuletz noon sa marikina heights during our icri days with your popsy dearest!

just reading your so seriously malalim contemplations and camile's super duper chuvaness angas and angst of a blog, hehe!

mang ariel, itattan i'm wondering no anianto ngata met ti pagbalinan dagiti dua nga inaunak a lalaki met ken babai!

ariel said...

dear roy:
but of course. di na ako pinapatawad ng aking mga anak, akala mo. at sa tagalog/filipino (ano ba talaga?!) ko sinusulat ito para mabasa ng mga anak ko. at si camille, nagtutula na rin. welcome to the world of the poor and impoverished writers, sabi ko nga sa kanila.

ibig sabihin, humanda ka--kayo ni jane--kina sadiri. darating din ang kanilang panahon ng paniningil sa iyo--o pamumulaklak ng kanilang imahinasyon. sabi ni khalil gibran, dumaan lang sa atin ang mga anak--di kailan man natin sila pagmamay-ari. whaaa!

pakisabi kay jane, she should come and join the 2006 conference. st paul funds the trip, under certain circumsntances. faculty development, research, speaking engagement. ipanko isuna iti maysa a papel: ilokano women writers on writing, together with linda, aida, and possibly one from UPLB.

ariel said...

dear ayi--
salamat, paminsan-minsan ay nagiging konyo ako. whaaa!
that was a misspelling, ano ka!
alam mo na, kelangan isulat ang mga emosyong hubad habang mainit na mainit ang dibdib. aderwayz, makakalimutan.