Isang pag-aamin ito kay Linda Lingbaoan,
ang babaeng makata ng mga babaeng
nagja-japayukisan. Inaakusahan niya
ano na makata ng kalungkutan subalit
nakalimutan naman na siya rin makata
ng ganun ding kalungkutan.
Mahirap gumiling sa harap ng mga bayuhan,
sa kumpas ng mga mata lumuluwa
sa kalibugan. Siyang kanyang tema sa tula
sa Filipinang nangibang-bayan,
naghanap ng lapad
umalis sa pabayang bayan
lumayo sa mga pangako
ng lahat ng mga pinuno
ng ating mga plano sa kaunlaran.
Inaakusahan ako ni Linda Lingbaoan
na makata ako ng kalungkutan
pero siya rin ay malungkot
sa kanyang pagdidili-dili
sa ating pagdidildil ng asin
sa mahabang panahon ng pagkandili
sa atin ng mga maton ng baguong,
silang mga nagkakait sa atin
ng pangarap sa pinakbet
ng pangarap sa pagdighay
ng pangarap sa pagpipiging
na kasama ang mga anito
na kasama ang ating alaala
ng buhay na matiwasay
sa dulang man o sa pagtulog
sa hagakhak ng mga anak at
sa kuwento ng mga ninuno
tungkol sa ating tagumpay.
Malulungkot ang aking mga tula,
makatang Linda Lingbaoan.
Sinlungkot din sila ng iyong
mga tula tungkol
sa mga binibining
nagkakalakal ng katawan,
mga binata na nagkakalakal
ng isipan, mga taumbayan
na ang bayan ay dayuhan.
Malulungkot ang aking mga tula,
makatang Linda Lingbaoan.
Dito sa kalungkutang ito
ay ang ligaya ng isip
na maghangad ng simbuti
ng matapat na araw,
ang ningning ay tulad
sa ating buhay na panaginip,
ang pangako ay tulad
ng buhay na ilog sa Abra,
bumabagtas sa mga buntok
upang upang umuwi sa dagat
at doon, doon sa lungkot
ng paglalakbay,
doon lilinaw ang lahat
ng dilim ng panimdim,
lahat ng burak ng mga hinaing,
at sa basbas ng mga ulang
ating, ulan ng ating mga langit,
mawawari ang patotoo
ng lahat ng mga lungkot
na atin ng inangkin.
A. S. Agcaoili
TWIP, Carson, CA
May 29, 2005
No comments:
Post a Comment