Nagsusulat ka pala sa Filipino,
sabi sa akin ni Ka Dante.
Akala ko sa Ingles ka lang
nakakabuo ng mga talinghaga
ng ating siphayo,
tayong mga nilalang
sa pangguguyo ng ating
mga senador, mga mayor
ng lahat ng uri ng hueteng,
lahat ng uri ng pandarambong.
Nagsusulat pa ako sa Ilokano, sabi ko,
ang wika ng lahat na mga niloko
noong panahon ng Hapon,
noong panahon ng Bagong Lipunan
ng mga gayon at gayon ding patibong,
ng mga alias, ng mga golpe-de-gulat,
ng mga nananakot ng armalyat
ng mga nananakot ng karsel sa Campo Juan
at sa lahat ng mga kampo militar
ng ating mga pangamba.
Isinusulat ko ang ating kalagayan,
ang ating nagnanaknak na sugat,
ng ating nagnananang sugatan isip
tungkol sa kung sino nga ba tayo
sa ating mga naging presidente,
sa ating mga naging diputado,
sa ating mga naging mambabatas,
sa ating mga rebelde ring pumatay
sa ating pangarap.
Hindi ko alam ang linyadong tula,
Ka Dante. Pero alam ko ang lalim
ng lumbay ng ating bayan. At iyon
ang aking isinusulat sa alin mang
wikang nakakahuli sa ating hirayang
naglalayag, lumalampas sa mga bukid
ng ating mga sugatang magsasaka,
lumalampas sa mga palakaya
ng ating mga sugatang mangingisda,
lumalampas sa mga espasyo ng pakikibaka
ng ating mga sugatang manggagawa
sa mga pabrika, sa mga mall,
sa mga gusaling bantayog ng galing
ng mga sutil na hari ng masa.
A. S. Agcaoili
Carson, CA
Mayo 29, 2005
No comments:
Post a Comment