Ang Mga Alaala ng mga Bulaklak sa Bintana

Parang
alaala ng mga bulaklak
sa bintana
ang eksena ngayon.

Kakathain
ito ng makata
sa mga puwang
ng mga kremang blinds
habang ang araw
sa Southlands
ay naghihimagsik
sa kanyang darang.

Kakatagpuin
ng init ang lamig
sa mga dahon
parang sa isang
seremonya
ng pagtatagpo
ng mga isip.

Ilalagay ng makata
ang mga halamang
di nagbubulaklak
sa pasamano
ng mga gunita
at doon,
hayaan ang araw
na dampihan
ang mga dahon,
ihayag
ang pangungulila
sa mga tagtuyot
sa iling iniwan.

Tatanggapin
ng halaman
ang mga rayang
nagyayabang sa kanilang
liwanag
parang sa naratibo
ng naglalakbay.

A. S. Agcaoili
Marso 21, 2005

No comments: