Linggo ng mga Palaspas

Maliliit lamang
na Jerusasalem
ang sa atin,
tayong mga bisita
sa mga ili
at bansang di atin
sa buhay
at mundong
binuburo
ng mga bombang
itinatanim
sa mga templo
ng panalangin
tulad ng bagong
pangambang
dumarating sa atin
sa pamamagitan
ng mga pahayagang
naglalaman
ng ligaw na paggiliw.

Itong linggong
ito ng mga palaspas
ay magdiriwang
ang mga nangaligaw
na dahon.

Berde
sa kanilang pangako,
buhay
sa kanilang
pananagumpay
na lampasan
ang mga alikabok
gawing itong putik
na pandugtong
sa ating mga nangingig
na laman
sa ating nagugutom
na isip
nagbabagamundong
nakikiayon sa ritwal
ng pagkasira at pagkabulok
ng lahat
ng palalong poder.

Ideklara
ang karaniwang tao
ang pagbabalik
sa nangasirang
siklo ng paggaling
at tayong lahat
ay tutugtog
ng tambuli
ng maraming panginoon
ng tambol
ng maraming panginoon
ng gitara
ng maraming panginoon
at tayong lahat
ay mangagsayaw
ng malaking sayaw
ang ating mga indak
ay sa lasing na hangin
ang ating mga hiyaw
ay sa nagnanasang daluyong
ang ating mga galak
ay sa ipo-ipong
umuubos ng ating
pasaning kakambal
ng ating pagdaing
simula pa
ng mga simula
ng mga libong lungkot
at paisa-isang saya
ng mga kaban-kabang kabiguan
at tsamba-tsambang tagumpay
sa mga tuyong bukid man
o sa mga nagngangawang siyudad
sa mga makikipot na kalyehon
o sa mga daang binabagtas
sa mga gubat ng pag-aaklas
upang ipaglaban
ang linggo ng mga palaspas
ang araw ng mga dahon
ang oras ng mga paggaling
mula sa mga sugat
ng mga namumulubing
pangkailihang pahimakas.

A. S. Agcaoili
Marso 20, 2005

No comments: