Pangontra sa Batibat

Matagal nang panaginip ito.

Ang padaya sana para sa lahat.

Ang pakinabang sana natin
sa lahat ng mga biyaya
sa mga duguang dantaon
ng nagpapaubayang dagat
ng niraratsadang rebolusyon
sa pinanghihimagas na galak.
Bawat bagong rebolusyon sa EDSA
ay ganito ang pakiramdam.
Bago ang lahat
kahit ang mga pag-asang
sintanda na ng mga amag
sa mga rebultong marmol
na tumatanod sa ating
paglilikha ng bagong bukas.

Pero tulad ng lahat
ng mga panaginip
na hinahablot sa atin,
itinatago
sa kanilang kapangyariham
sa kanilang minamanang pangalan
sa kanilang pangako sa paglilingkod sa bayan
sa kanilang panunumpa sa katapatan
sa kanilang pagtatanggol sa katotohanan
nauuwi ang lahat sa batibat,
nitong bangungot na tiwali
sa himbing ng tulog
sa pamamahinga ng isip
sa pagbibilang ng mga bituin
tuwing dumarating ang takipsilim
at bibilangin natin ang oras
ng pakikipagsiping sa kapayapaan
ng gabing ang likod ay nakadampi
sa higaang kaylayang mangangako
ng malalim na paghilik.

Isang batibat ang kontra
sa ating pagtulog ng mahimbing.

Higante ito sa ating panaginip,
nagnanakaw ng ating lakas at isip.

Subukang ipikit ang mata
ng walang laman ang tiyan
hungkag ang utak tulad ng ampaw
na siya namang kalagayan nating
lahat ngayon--

Subukang buuin sa larawang
maputla pa sa lahat ng mga maputla
na naroroon sa noo--

Subukang aluin ang tulog
habang ang sikmura
ay abala sa pagnanasa
ng pamatid-gutom:
isang subong kaning kahit bahaw o tutong
isang kurot na kahit bilasang galunggong--

ayna, dadalaw at dadalaw ang batibat,
aamuin ang lahat ng selula ng ngalit
sa ating mga bagang
uudyukan ang lahat ng lakas
sa ating mga kamao
bubuyuin ang lahat ng ating alaala
sa paghihimagsik
at sa pamamagitan ng mga milagro
sa pangako ng panunubos
isasawika natin ang pangontra sa batibat
tulad noong dekada ng mga deliryo
ng mga makataong diktador
tulad noong dalawang taon
ng mga poon ng pinilakang ilusyon
tulad ngayong panahon ng mga terorista
sa ating panghihinahon.


A. S. Agcaoili
Marso 31, 2005

No comments: