Gigisingin
ng mga bulaklak
ang tagsibol
tulad ng panggigising
ng mga puting ulap
sa araw
dito sa lupang
umaangkin
na ngayon sa
iyong isip.
Nagyayabang
ang mga halaman
sa kanilang bihis:
ang luntiang dahong
ninakaw
ng mga pataba
sa mga palayan
sa lugar
na tinubuan
na siya ring patabang
pumatay
sa dalag
sa hito
sa bagong tanim na palay
sa dighay sa tanghalian.
Sa mga balikat
ng mga burol
ay nakakapa ang kulay
o ang mga kulay
ang nagtatanod
sa lahat ng mga dumaraan
nagbibilang ng mga ngiti
sa labi
sa isip
sa mga salitang di mabigkas
sanhi ng kagandahang
di masabi kahit kailan
eksenang di mo maisip
kung kailan nangyari
ang ganito
sa mga away sa Adams
sa sitio ng Carasi
sa liblib na paraiso sa Dumalneg
pawang mga lugal ng pusong
nananabik sa ganoon
at ganoon ding gunita
ng pananabik
sa ilog Padsan
na ngayon ay saksi
ng lahat ng uri
ng karahasan
tulad ng pagtutumba
sa bise mayor na nagsasabi lang
naman ng katotohanan
tulad ng katotohanan
ng mga bato na di na nagluluwal
ng dalisay at kinalamreng tubig
dahil higit na mahalaga
ang pakikipagsugal at pagsusugal
sa kinabukasan ng mga kailihan
silang tumatayo sa logro dies
o sa pula
o sa puti
pero ang lahat ng manok
ay sa may-ari
ng lakas
ng kapangyarihan
ng awtoridad
mga minanang katangiang
galing sa wala
tulad ng nakakapasong init
sa mga buhanginan ng lahat
ng mga ilog sa lalawigan
na ngayon ay nakangangang
butas sa mga bundok
tuyot at palagiang tag-araw
at ang mga ar-aro at bukto
ay pawang nangawala na
nagtago na sa ilalim
ng mga nagluluksang ulap
ng mga nagluluksang dating gubat
ng mga nagluluksang dating bundok
ng mga nagluluksang dating ina-a-nakaparsuaan
lahat--pawang mga dati
at ang alaala ay hanggang ganoon na lamang:
ang pagpapalamig sa ilog-ilugan
upang ipatianod ang lahat ng mga bangungot
at muling managinip ng kasaganahan.
Gigisingin
ng mga naglalandiang bulaklak
ang tagsibol
at mangangarap ka
para sa bayang iniwan.
A. S. Agcaoili
o sa sito
No comments:
Post a Comment