Nagtatapat ang mga larawan
sa pahayagang dumarating
sa amin dito sa ibang bayan.
Nakatambad sa amin
ang mga magulang at mamamayan
ng Mabini, tangan-tangan
ang di pa tapos mabilang
na ataul ng mga pag-aalinlangan,
pag-aatubili rin sa hantungan
para sa mga batang
dinali ng maruya,
nitong hostiyang pang-awat
sa pagkalam ng sikmura.
Lumaki rin tayo
sa kinukulayang maruya
sa tinudok mula sa diket
sa artem na ginayat na saba o mangga
sa bananakiu na dinilaan ng mga bangaw
sa tinuhog-tuhog na bassisaw
sa ulo ng manok
na ang mga mata'y nakatanod
sa maruming lansangang
tinatalunton natin araw-araw
sa paghahanap
ng ikabubuhay
ng kapalaran
mula sa mga naglilimahid na basura
mula sa mga tira ng ignorante sa gutom
mula sa mga sobra-sobra
ng mga mandarambong
ng espiritu ng mga pagpipiging
na palagiang inaangkin
ng nagdidiyetang alanganin.
Sinuwerte tayo at di inabutan
ng malas na taglay
ng pakikipabsabwatan
ng mga liwayway na nawawala
kung kailangan
ng mga pagsuyong hahanapin
pa sa kangkungan
ng mga dasal na hihiblain pa
mula sa mga awa, pagmamahal,
paninimbang
ng mga isinusumpang
libingan ng mga atang.
Ha! sanhi ng mga sanhi
ang ganitong eksena sa bayan:
ang larawan ng Mabining
nagdadala sa hantungan
ng mga supling
na di man lamang
nakapagpaalam.
A. S. Agcaoili
Marso 13, 2005
No comments:
Post a Comment