WAYAWAYA, Kabanata 10

Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.



Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.



Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.



Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.



Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.



Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.



Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.




At sa gitna ng lansangan ng mga galit at ngalit ng taumbayan, sa gitna ng tila walang katapusang pakikibaka, sa unang gabing iyon ng panibagong rebolusyon sa EDSA, naisip ni Bannuar, ang isinilang nang ibaba ang batas militar ni Marcos, ang larawan ng bansa.



Gabi na ng matapos ang kanyang panggabing kurso sa unibersidad sa Diliman, ang unibersidad ng estadong humuhulma ng isip ng mga kabataan.



Iba-ibang pag-iisip, sabi ni Bannuar sa sarili. Ramdam niya ang samyo ng hanging ibinubuga ng mga malalabay na puno ng akasya sa oval. Iba-ibang hitsura ng pakikibaka, iba-ibang larangan ng pakikipagtunggali.



Guro ni Bannuar ang isa sa mga ghost writer ng mga libro sa rebolusyon ng isang nasirang pinuno na ang bangkay ay magpahangga ngayon ay naghihintay pa ng kaukulang libing.



Muntik nang pumayag si Erap Estrada sa ganoong panukalang bigyan ng karampatang pagdakila at karangalan sa pangulo.



Nagalit ang taumbayan—o ang taumbayang gising.



Natututo na ngayon si Bannuar. Hindi lahat ng taumbayan ay mulat—hindi lahat ay gising sa mga mapapaklang katotohanan ng sambayanan.



Tulad ng mahikang nagaganap sa hueteng sa mga bayan-bayan, sa mga nayon na kakambal ng pagdarahop.



Tulad ng mga salamangkang ginagawa ng mga kapanalig ng pangulo tungkol sa mga pangingidnap, sa panghoholdap ng mga bangko, sa paglaganap ng drogo, sa pagkakakalbo sa mga kagubatan.



Tulad ng mga pagbasbas ng akademya sa pangulong Erap Estrada—sa pagbibigay nito ng pagbubunyi sa binitiwang salita: Walang kamamag-anak, walang kai-kaibigan.



Nandoon si Bannuar noon sa parke ng Luneta nang sabihin ng pangulo ang mga katagang iyon.



Nandoon si Bannuar sa Malolos nang bigkasin ng pangulo ng buong drama ang kamukha ring katagang pasakalye ng ganoong mayamang kaisipang isinaksak sa kanyang bibig ng kanyang mga manunulat.



Sabi ng mga kaibigang artista ng entablado na kinakailangan daw isadula ang araw-araw na balita mula sa diyaryo.



Hindi nagbabasa ng diyaryo ang pangulo, sabi nila.



Hindi rin daw nagbabasa ng alin mang dokumento.



Ang kailangan daw ay i-akto ang lahat ng mga nagaganap sa bayan, isadula ito habang humihigop siya ng kape o nag-aalmusal.



Tanghali na kung magising ang pangulo, sabi nila.



Tanghali na rin kami madalas bago namin maisadula ang balita sa bawat araw.



Yan ay kung hindi masama ang gising ng pangulo, sabi nila.



Yan ay kung meron siyang kakayahan umupo at manood sa aming ipapalabas.



Hindi lahat ng araw ay ganoon ang kanyang timplada.



Hindi lahat ng araw ay gustong manood sa amin.



Dangan kasi’y actor.



Dangan kasi’y ang buong akala ay siya ay marunong sa lahat ng mga marurunong.



Ang hirap kuhanan ng atensiyon.



Mahirap palalimin ang isip.



Mahirap ilagay sa bibig ang dapat niyang sabihin kahit naglingkod siya bilang senador, bilang mayor, bilang tagapagtanggol ng mga mahihirap.



Ang tunay na namumuno ay yaong marunong makinig, sabi ng mga kakilala na sa bandang huli ay naging kasama ni Bannuar sa pagkilos.



Hindi marunong makinig ang pangulo, sabi nila.



Wala rin siyang kakayahang makinig.



Hindi rin nakikinig.



Ang buong akala ay ang bansa ay isang pinilakang tabing.



Ang buong akala ay ang taumbayan ay pawang mga extra sa isang eksenang kailangan ng tao sa kanyang pelikula.



Ang buong akala ay ang taumbayan ay kumpol-kumpol ng mga tanga, langkay-langkay ng mga hindi nag-iisip.



Kaya hayun, ang tingin sa mga nagaganap ay mga bahagi ng isang pelikulang siya ang bida.



Siya ang bayani.



Siya ang bayaning pinapahirapan.



Siya ang bayaning magdadala ng pasanin ng sambayanan.



Siya ang bayaning magbabalik ng dangal sa tao.



Siya ang bayaning magpapanumbalik sa tao ng tiwala sa kanilang mga sarili tulad ng ginagawa ng lahat ng mga bida sa pelikula.



Alas nuwebe na noon nang makatanggap si Bannuar ng text sa kasama. Nasa oval na siya noon, naglalakad patungong Krus na Ligas, doon sa kanyang kasera, isang maliit na kuwarto ng mga double deck na apat ang nagkakasya sa iisang electric fan na kasing-ingay ng mga traysikel sa humaharurot sa mga looban.



Walang pakialam ang kanyang mga kasama sa nangyayari sa bansa. Mga taga-probinsiya, isa sa Sorsogon, isa sa Bacolod, at ang isa pa ay sa GenSan. Pawang mga enhinyerya ang tinatapos at nangangarap maging kontraktor o opisyal ng public works.



Malaki doon ang lagayan, bay, sabi nila sa isa’t isa.



Mga paaral tayo ng bayan, sabi niya minsan.



Paaral ako ng mga magulang ko, sabi ni Carlos, ang taga-Sorsogon. Ilang niyog ang inaakyat ang aking Tatang upang makapagpadala lamang ng aking panggastos?



Nagsisikap ang ina kong maglako ng isda sa mga bahay-bahay. Ang alam niya ay matutulungan ko siya pag-uwi ko, pagkatapos kong magtapos, sabi ni Aris, ang taga-Bacolod.



Wala akong panahon sa mga rali, bay. Kelangan kong paaralin ang aking sarili, sabi ni Efren, ang taga GenSan. Matanda na ang aking tatang, hindi na kayang pumalaot ng pumalaot at makikipag-agawan ng kapalaran sa mga malalaking trawler ng mga negosyante.



Ngayon ay kasama ni Bannuar ang mga kasambahay, kasama sa gabing iyon ng panibagong pakikibaka para sa bayan.



Tangina, bay, ngayon ko naisip ang pagsasalaula sa atin, sabi ni Carlos. Kapit-bisig kay Bannuar. Nasa kahabaan na sila ng EDSA mula sa kampus ng Diliman.



Walang hiyang pangulo, bay, sabi ni Efren. Hindi ko akalain.



Tiningnan lamang ni Bannuar ang mga kasama. Sa unahan ay mga pulutong ng mga kabataang nakikipagsugal sa kapalaran.



“Huling-huli, huling-huli!” sigaw ng babaeng may hawak ng megaphone na may tatak ng logo ng Liga ng Kabataan. Kasunod nila ang babae, mga ilang hakbang lang ang layo sa kanilang hanay.



“Huling-huli, huling-huli!” sagot ng hanay.



Mag-aalas-onse na noon nang makarating sila sa EDSA Shrine.



Naroon ang Ina na saksi ng unang rebolusyong nangako ng katubusan para sa bayan.



Nakatanod ang Ina sa mga hanay at pulutong ng mga batam-batang mandirigma.



Minsan nang pinintasan ng isang kritiko ng sining ang Ina. Sinabi niyang isa itong pangit na bruha ng EDSA.



Sinabi niyang hindi marunong ang kanyang eskultor—na siyang sanhi ng pag-iiyak-iyak ni Virginia Ty na nanaginip sa hitsura ng Ina.



Mula sa mga sinag ng mga poste, naaaninag ni Bannuar ang Ina.



Naalala niya ang kanyang ina, si Teresa na minsan ay naging si Ka Wayawaya.



Naalala niya ang kanyang ama, si Ili na minsan ay naging si Ka Bannuar.



Pinugutan ng ulo ang kanyang ama, ipinarada ng mga sundalo ang walang ulong katawan sa nayong iyon na umangkin at kumupkop sa kanya.



“Walang kukurap! Walang kukurap! Si Erap, warak-warak!” sigaw ng mga hanay.



Sumabay si Bannuar sa hakbang mga mga batang mandirigma sa lansangan sa gabing iyon na hindi binuksan ang enbelop ng kahihiyan ng bayan.





--30--



.









No comments: