Wayawaya
Ni Aurelio S. Agcaoili
Weekly Inquirer, Aug 12/05
Kabanata 7
Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
At umawit si Ka Laya, awit ng nagmamahal, awit ng nangungulila.
Si Ka Laya siya ng kasalukuyang panahon subalit siya rin ang Ka Laya ng nakalipas mula sa pagkitil ng buhay ng kanilang ninunong si Padre Kuse hanggang sa panahon ni Padre Ili ng mga kabundukan sa hilaga.
Sa mga kabundukan nagkuta si Padre Ili. Doon niya binuo ang kamalayan sa pakikibaka, doon inako ang responsibilidad sa taumbayan.
Kasama ang mga kadre ng nayon, inaral ang kasaysayan ng bayan, inanalisa ang mga solusyon ng suliranin ng taumbayan, pinag-aralan ang mga hakbang tungo sa kaunlarang nakabatay sa panlipunang katarungan.
Nagsimula tayo kay Ina Wayawaya, sabi ni Ka Laya. Awit ng kanyang puso, sinaniban siya ngayon ng kaluluwa ng paglaya.
Si Ina Wayawaya ang puno’t dulo ng ating paggising. Saksi siya ng rebolusyon, siya na supling ng mga duda at pagbabaka-baka sakali ng ating liping binuhay at nabuhay sa takot at pangamba.
Matapang ang prayle, matapang ang guwardia sibil. Mahaba ang dila ng prayle, matalim. Mahaba ang latigo ng guwardia sibil, maiksi ang pang-unawa sa pang-aapi. Kapwa bihasang tagapagpatupad ng saliwang batas ang prayle at ang guwardia sibil.
Tiningna ni Ka Laya ang mapa ng kasaysayan ng mga Agtarap, ng mga Wayawayang Agtarap. Masalimuot ang kabuuan ng mapa at dudulo sa kasalakuyan ang mahigit isang taon na kuwento ng pakikipagsapalaran. Kay Ina Wayawaya noon mula nang isilang noong 1875 hanggang sa pinaslang ito noong panahon ng Hapon.
Ang kanyang pagsilang ay isang pagmamadali sa kapalaran.
Hinahabol sila ng mga Kastila, tinutugis. Kamag-anak nila si Padre Kuse at nang pinutungan ng kamatayan ang padre, nagsipag-aklas ang mga kalalakihang Agtarap at ang lahat ng mga nagmamalasakit sa kanila. Sinugod ang kumbento ng mga prayle, dinukot ang Kastilang pari, dinala sa kabundukan at doon, doon nila pinugutan ang ulo.Ang Kastilang pare ang tagapagmanman sa mga nagaganap, taga-suplong sa gobernador heneral, tagapaghusga kung ano ang tama at mabuti, taga-pagdikta ang hangganan ng lahat mula paglibog hanggang pagkamatay.
Sa bundok na iyon ay pinugutan nila ng ulo ang Kastilang pari Tinanggalan ng utak, tulad ng ginawa ni Haring Almazan sa prayleng malupit. Sa bao ng ulo ng prayle, doon, doon sila uminom ng basi ng tagumpay.
Ang seremonya ng tagumpay ay sa naunang panahon: ang paanyaya sa lahat ng espiritu, ang paanyaya sa lahat ng mga nangamatay, ang pagtatpon ng konting basi sa lupa para sa mga nilalang na hindi nakikita.
Sa inyo, sabi ng pinuno na kasingkisig ng mga matatayog na puno ng gubat na animo’y nagdadarasal sa kalangitan.
Sa inyo, kayong lahat na di nakikita, sabi ng isa.
Sa inyo, mga bulag.
Sa inyo, mga pipi.
Sa inyo mga bingi.
Sa inyo, mga pilay.
Sa inyong lahat na nasa kabilang buhay, kayong mga kasama namin sa buhay na ito subalit hindi naming nakikita.
Ilalabas ng isang mandirigma ang burnay. Iaabot sa pinunong hindi maalala ni Ka Laya kung ano ang pangalan.
Tatanggapin ng pinuno ang burnay. Tatanggalin ang takip nitong tapayan din at luluwagan ang tali nitong magey.
Kukunin ng pinuno ang sabot na pinakinang ng is-is.
Ang lahat ay nakatingin sa ritwal ng tagumpay.
Sa eksena sa isip ni Ka Laya, malinaw sa kanya ang nagaganap.
Sa gubat sila ng Darayday, doon sa lugar ng dalawang malalabay na puno ng mangga na pinaglibingan na mga mandirigmang pinatay ng kaaway.
May kakaibang puwersa ang lugar na ito at hinahatak ang mga tao upang sumilong sa kanilang malalabay na puno. Ang sabi ng mga matatanda ay mayroon daw nagpapakita dito.
Minsan isang paring nakasuot ng mahabang sotanang itim.
Hawak ng pari ang kanyang brebario at animo’y nagdarasal.
Walang ulo ang prayle, ang katawan ay sinlaki ng mga prayleng bundat, isang Padre Damasong ganun din ang asta at asa.
Sa bawat hakbang ng pari ay ang kalembang na kampana na animo’y naggagalak ang lahat ng mga tao, galak ng kapayapaan sa puso, siya ring galak ng taong naroon at nakipagpiging sa mga rebolusyon noong panahon ni Marcos at laban sa kanya; at noong panahon ni Erap at laban sa kanya, si Erap na disinsana’y pag-asa ng masang nagugutom, nauuhaw, walang tahanan, si Erap na nangako ng katubusan subalit ginawang pala-bigasan ang bayan.
Ang galak sa kalembang ng kampana ay nanggagaling sa ilalim ng lupa, sa mga ugat ng mga puno, biyak ng lupang tuyot.
Doon gaganapin ang ritwal ng tagumpay, Darayday ng mga gubat at mga pighati ng bayan. Sa Darayday ng mga multong pari at mga kaapihan..
Sasalinan ng isang mandirigmang ng basi ang bao ng ulo ng prayle.
Ang mandirigma ay kasingkisig ng mga kawayan sa paligid, sunod sa hangin, subalit ang tayog ay umaabot sa langit. May panabas na nakasakbit sa kanyang kaliwang tagiliran, nakasuksok ito sa bahay-panabas na yari sa balat ng baka. Sumusunod ang panabas sa tila pasayaw na kilos ng mandirigma at sa simsim ng gabi, nakikita ngayon ni Ka Laya ang darang na niliklikha ng ganung pagkilos.
Pumikit si Ka Laya at nakikita niya ngayon ang ritwal ng paglaya noong panahon ni Marcos, doon sa kahabaan ng abenidang iyon ng galit ng sambayanan. Mauulit ang ganitong eksena sa panahon ni Erap. Magatatagpu-tagpo ang mga mamamayang sawa na sa paulit-ulit na kuwento ng kahirapan. Magaganap muli at muli ang dula sa kalayaan.
Sa kahabaan iyon ng abenida ay ang nag-uumapaw na damdamin ng mga tao. Kanilang kinimkim ang galit, ibinaon sa kanilang isip at puso ng mahabang panahon.
Kanilang inilihim ang lumbay, itinago sa mga baul ng paglimot upang kahit papaano ay di makakakitaan ng mga awtoridad ng rason na sila ay kakampi ng mga rebelde, ng mga kumukontra sa pamahalaan, ng mga makakaliwete. Sapagkat ganito ang kihinatnan ng lahat: ang sinong mang di kampi sa mga sundalo ay rebelde. Ang sino mang di kumampi sa pamahalaan ay komunista. Ang sino mang nagtatanong ay laban sa gobyerno.
Pero ngayon ang araw ng katubusan, sabi ni Ina Wayawaya.
Nakaduanaig ang ina, nakatingin sa hanay ng mga kabataan na ngayon ay nakikipagsukatan ng kakayahan sa mga pulis sa kabila ng mga barbed wire na humaharang sa Mendiola. Nasa gitna ng tulay na iyon ng isang esterong puno ng mga basura ang mga kabataan, nagkakapit-bisig, nagkakantahan. “Huling-huli! Huling-huli!”
Sa di kalayuang banda ay ang pulutong ng mga kabataan tibak na nag-aaral sa unibersidad ng pamahalaan sa Diliman. Nakatali ng panyo ang mga ulo tulad ng lahat ng mga tibak sa unibersidad kapag nakikipaglaban ng batayang karapatan sa lansangan.
Pumikit si Ka Laya.
Doon sa di kalayuan ay ang naglalahong kaluluwa ni Bai Wayawaya na nangawala noong pumutok ang rebolusyon sa pagitan ng mga Filipino at mga Kastila.
Sumasama ang kaluluwa ni Bai Wayawaya sa hangin, sumusuot sa mga dahon ng mga malalabay na puno doon sa kagubatan ng Sierra, mga bundok na dinaanan ng mga katipunero noong sumapi sila sa kilusan tungo sa kalayaan. Isang Wayawaya ang isinilang na Fidela subalit kinailangan pangalanan ng iba, ng Wayawaya, sanhi ng kahingian ng mga kaluluwang humihingi ng katarungan.
Magpapakasal si Fidela na Wayawaya kay Bannuar at magkakaanak sila ng bagong Bannuar sa panahon ng kamatayan ng unang Bannuar, ang kanyang asawa. Sa araw ding iyon ng kamatayan ng asawa ang kanyang pagsilang sa panibagong Bannuar na nanggaling sa kanyang sinapupunan. Panahon ito ng mga Hapon, panahon ng bagong pananakop, panahon ng bagong ideya tungkol sa pagiging bayan, sa pagiging sambayanan.
Palubog na ang araw at ngayon ay sinisindihan na nila ang mala-buwayang kawangis ng lahat ng mga nagpapanggap na pinuno ng bayan.
Simulan ang ritwal ng kalayaan, sabi ni Ka Laya sa kanyang isip.
Simulan na natin ang seremonya ng katubusan, isisigaw ni Bannuar, nakapikit, nasa tuktok ng entabladong trak na dala-dala ng mala-buyawang estatwang kahoy at papel na kawangis ng lahat ng mga nagpapanggap na pinuno ng bayan.
Hindi na naririnig ni Ka Laya ang sinasabi ni Bannuar. Inangkin na siya ng mga kaluluwa ng maraming Wayawaya sa kasaysayan. Ngayon ay siya ang Wayawaya sa kasalukuyan, ang Wayawayang hinihanap sa mga lansangan ng mga mamamayan.
No comments:
Post a Comment