WAYAWAYA

Kabanata 9


Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.

Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.

Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.

Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.

Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.

Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.

Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.





Sabi sa akin ng Ina Wayawaya: Paulit-ulit ang ating masaklap na kapalaran. Paulit-ulit at mauulit-ulit.

Hindi ko siya noon maintindihan, ako na ipinanganak sa panahon ng pagpapalaganap ng wikang Ingles ng mga Amerikanong guro sa aming lugar.

Guro ko noon si Mr. Smith, isang puti at matangkad at maginoong Amerikano na laging may dalang butter ball para sa aming mga bata. 1936 na noon nang magsimula akong bumubuntot-buntot sa eskuwelahan ni Manong Manuel.

Fidela ang aking ngalan sapagkat ipinanganak daw ako nang ganun ding buwan ng kamatayan ni Manang Liwliwa, ang disin sanang Wayawaya ng aming angkan.

Sinasabi sa akin ng Ina Wayawaya noon, sa mga katagang hindi ko masyado naiintindihan, na lalaganap ang kamanhiran sa buong sambayanan. Magbabago ang ating panlasa, sabi niya.

Magbabago ang ating pagtingin.

Magbabago ang ating pandama.

Magbabago ang ating pag-apuhap sa mga bagay-bagay.

Magbabago ang ating pagsalat.

Magbabago ang ating pag-alam, pagdanas, pagbatid.

Mahuhulog tayo sa kamunoy ng ibang kabatiran at tayo ay makukulong doon, masasadlak, mababaon hanggang sa wala na tayong kakayahan umahon.

Hanggang sa wala na tayong kakayahan makaahon.

Hanggang sa matatanggap na nating bilang natural na pangyayari ang pagkabaon natin sa kamangmangan sanhi ng bagong aral na di atin, na di kayang ipaliwanag ang karanasan, ang ating isip, ang ating puso.

Maliligaw tayo, Wayawaya, aking apo.

Maliligaw ang ating kaluluwa, Fidela ng ating mga ninuno.

Tayong lahat ay mawawala ang landas.

Tinitingnan ko lamang ang aking Ina Wayawaya. May bituin ang kanyang mga mata habang siya ay nangungusap.

Nasa habian siya noon at hindi ko alam kung bakit napunta sa ganoong usapan ang aming hapon na iyon sa Santa Maria. Maliksi ang kanyang mga daliri sa pagtulak ng mga sinulid na ipapasuot sa nakaayos na sinulid na may iba’t ibang kulay. Ang sabi ay sa reyna ng piyesta daw ang hinababi ng Ina Wayawaya. Ang reyna ay asawa ng mayaman sa bayan, ang isa pang Agtarap na mayaman.

Hati na noon ang mga Agtarap: ang mga taga-away at mahihirap sa isang hati; ang mga taga-ili at mayayaman ang isa pang hati.

Sa isang angkan daw kami nagmula, kaming mga Agtarap.

Mga mandirigma.

Mga rebelde.

Mga suwail na nagbigay ng pahirap sa mga sundalong Kastila at mga prayle.

Nagmula kami sa angkan ni Aring Almazan at ang aming mga ninuno ang pumugot sa ulo ng prayleng umapi sa amin.

Saka ko nalaman ang kuwento—nung may isip na ako, nung abutan na ako ng aking unang regla at muling si Ina Wayawaya ang tumahi ng aking unang pasador.

Wala noon ang Nanang. Nasa karsel ng bayan.

Doon nakapiit ang Tatang at si Nanang ang kanyang tagapagtanggol, nakikisuyo, nakikiusap sa mga pinuno doon na pakawalan ang Tatang.

Hinuli daw ng mga Amerikanong sundalo ang Tatang habang nagpapalabas ng isang dula sa tanghalang bayan.

Isang agilang kakaiba ang pakay sa kaparangan ang kuwento ng dula.

Isang agilang suwail, ganid, matakaw.

Isang agilang hindi hinahayaang mabuhay ang ano mang maliliit na may buhay.

Si Tatang ang huhuli sa agila sa pamamagitan ng kanya ring pagsasaagila.

Tulad sa mga inaalay na mga manok na kurrarayan, alay namin sa mga di nakikita na naninirahan sa mga gubat, sa mga malalabay na puno, sa mga pahingahan, gigilitan ng Tatang ang leeg ng agila.

Lalakihan ng Tatang ang paggilit sa leeg gamit ang kanyang talunasang pamana sa kanya ng kanyang ninuno.

Si Tatang ay si Bannuar, ang kauna-unahang humingi ng ganoong pangalan sa mga Agtarap.

Sakitin si Tatang at sabi ng baglan, kelangan niyang mabinyagan. Kelangan niyang mabigyan ng bagong pangalan. Sa panaginip ay kinausap ng baglan ang kaluluwa ng Tatang.

Sabi ng kaluluwa sa panaginip: Tatawagin ninyo akong Bannuar.

Tatawagin ninyo akong Bannuar.

At nawala ang panaginip na iyon ng baglan subalit natandaan ng baglan ang ngalan.
Bannuar, sabi niya. Bannuar.

Ginanap ang antigong seremonya ng pagpapangalan at itinapon ang pangalan sa libro: Fidel. Matapat. Tapat.

Ipinalit ang Bannuar—at iyon na ang simula ng tila walang katapusan kaparusahang kakambal ng ganoong pangalan.






Ganito ang paggamit ng asado, sabi sa akin ng Ina Wayawaya.

Sa buwan ako nakatingin. Bilog na bilog ang buwan.

Kinurot ako ng Ina Wayawaya sa tagiliran, isang pinong-pinong kurot.

Opo, sabi ko. Pero noon, noon ay naaalala ko si Bannuar, ang aking kaklase sa kabilang ibayo.

Pinadalhan ako ni Bannuar ng sulat at magpahangga ngayon ay wala akong lakas loob na buksan ito.

Alam ko na ang laman at di ko na kelangan basahin pa.

Sa pahina ng lumang kuadermo namin niya isinulat ang saloobin.

Doon din niya isinulat ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Isang matiwasay na buhay.

Isang maligayang tahanan.

Mga anak na nagsisipaglaki na walang karanasan sa pagdarahop, sa kakapusan.

At higit sa lahat, isang iling tahimik sapagkat maunlad. Isang pagiliang maunlad sapagkat makatarungan.

Heto ang pasador mo, sabi ni Ina Wayawaya.

Tiningnan ko si Ina Wayawaya. Inarok ko sa liwanag ng kanyang mga mata ang katotohanang nakatago sa kayang pagiging saksi sa mga naganap sa sambayanan, siya at sa kanyang angkan, siya at sa mga mandirigmang nag-alay ng buhay para sa isang simulain sinlaki ng mga bundok, mga pangarap, nga panaginip.

At sa tag-init na iyon, kinuha ko ang palangganang yari sa kahoy, ang palangganang inukit ni Tatang sa molave. Kinuha ko lahat ang mga labahan at binagtas ang masukal na daan patungong ilog.

Sa ilog ako maglalaba. Doon magpapalublob ng kalabaw si Bannuar, ang pangalawang Bannuar na sasanib sa aming angkan. Alam ko, alam ko, sa kaibuturan ng aking puso, alam ko, alam ko. Si Bannuar ay mag-aalay ng buhay para sa bayan. Ganun din na iaalay niya ang buhay sa bayan.

Doon sa surong, nang unang araw ng tag-init, nakita ko ang mga kabinataan. Pila-pila sila sa isang matandang may hawak na talunasan.

Naglolokohan sila, nagsisigawan.

Nandoon din Manong Manuel. Tinanong ko kung ano ang nangyayari sa surong.

Ngumisi lamang ang Manong Manuel. Pagkatapos ay lumakad ng papakang-pakang.

Nandoon si Bannuar, sabi sa akin ni Manong Manuel. Nanguna sa pilahan. Nag-aaral nang maging tao.

Nagngata ng bayabas.

Lumuluhod sa subukan.

Pagkatapos nun ay malalaman niya ang maraming kababalaghan.

Sabay tawa si Manong Manuel.

Alam niya, alam niya ang sulat sa akin ni Bannuar. Siya ang nagbigay sa akin ng sulat, ginawa siyang mensahero ni Bannuar.

May kung anong init na gumapang sa aking katawan.
Bannuar, sabi ko.

Bannuar ng ili, Bannuar ng pagilian.

Muli kong nakita sa hiraya ang bituin sa buhok ng aking Ina Wayawaya. At nakita ko ang aking Nanang, siya at si Tatang sa kulungan ng bayan.

Nalathala sa Inquirer, Ag 26/05

No comments: