Wayawaya-Kabanata 6

Wayawaya

Ni Nasudi Bagumbayan


Kabanata 6


Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.

Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.

Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.

Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.

Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.

Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.

Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.



Sa iyo, Teresa,

Makikinabang kami ngayon sa iyong niniugan, kaming mga nakalampas na sa mga pagbabaka-baka ng pang-araw-araw na buhay. Maraming salamat, aking kabiyak, ikaw na naiwang tagapagmana ng alaala natin. Siya, siya palalakihin mo ang ating supling ng ating mga supling at babasbasan kita ng aking walang kamatayang pag-ibig na siya ring pag-ibig sa lupang sinilangan, siya ring lupa ng aking mga nuno, ng iyong nuno, ng aking pakikibaka, ng iyong pakikibaka.

Nakikita ko ngayon ang mga nagaganap sa atin—at sa lampas ng mga materyal na panahon—nakikita ko ang sinaunang Wayawaya nating lahat.

Ang Wayawayang si Bai ay bihag ngayon ng ating mga nang-aapi.

Ipiniit siya ng mga bisita sa ating mga dalampasigan at kabundukan, sa ating mga kaparangan at bukirin, sa ating mga lambak at karagatan.

Nakikita ko ngayon ang nagaganap.

Itinali si Bai Wayawaya sa kamay.

Sa kanyang likod ay isang unipormadong guardia civil, hawak ang mahabang hagupit.

Tila nasa isang plaza ang tagpuan, plaza marahil sa nayon ng ating angkin.

Pabuka na ang liwayway at ang silangan ay tila isang nagdurugong eksena sa kalawakan. May dugo sa mukha ng kalangitan sa ganung parte ng ating nayon.

Ni walang ihip ng hangin, walang dahong gumagalaw, tila kuaresma ang lahat. Sa paligid ay ang mga lilang madre de kakaw na nagkokorona ng mga bulaklak na pawing namumukadkad. Hindi umaawit ang mga ibon—hindi na marunong umawit ang mga ibon.

Pinapaamin ng guardia civil si Bai Wayawaya.

Hindi ko naririnig ang usapan pero nakikita ko sa aking isip ang eksena ng kapalaluan.

Isang hagupit ang lumatay sa likod ni Bai Wayawaya. Nakita ko kung papaano nagngalit at bumubuka ang liwayway kasabay ng paglatay ng hagupit sa katawan ni Bai Wayawaya. Sa bawat hagupit ay ang sinag ng dugo, mapulang sinag, siya ring sinag ng mga pahimakas ng maraming digmaang dadaan sa ating nayon.

Magiging kasapi ang ating angkan sa mga pakikibaka, sabi sa akin ni Bai Wayawaya.

Naiintindihan ko siya sa aking isip.

Magiging kasapi ka sa ating pagkilos na hindi matatapos simula ngayon.

Hindi ko alam, sabi ko sa Bai Wayawaya.

Hindi kailangan nalalaman ng hinaharap ang mga markado, sabi sa akin. Ang kuwento ng ating paglaya ay isang mahabang kuwento, isang madugong proseso na humihingi ng basbas at pagsang-ayon mula sa atin.

Nasa ibang panahon ako, Bai Wayawaya.

Iisa ang panahon ng pagkilos. Iisa ang kahingian ng katarungan at kapayapaan.

Hinagupit uli si Bai Wayawaya.

Warak ang kimona ng Bai Wayawaya at may maliit na kanal na inukit ng hagupit sa kanyang kayumangging balat na pinatingkad ng araw. Sa maliit na kanal umagos ang dugong tila isang siglong ikinulong sa mga ugat ng Bai Wayawaya.

Dies, sabi ng guardia civil.

Isa pang hagupit ang tumama sa kanyang hita. Kumukot ang balikat ng Bai Wayawaya.

Ipinikit ko ang aking mga mata. May daluyong na sa aking dibdib, may rumaragasang ngalit, may apoy na ibig kumawala.

Tangina, sabi ko, sa isang wikang labas sa mga wika ng ngalit. Walang tunog, walang senyas. Tangina.

Onse, sabi ng guardia civil.

Tira, sabi ng isa pang Kastilang di ko mawari kung ano ang katungkulan.

Muling lumatay sa hita ng Bai Wayawaya ang hagupit.

Dose.

Tira.

Trese.

Tira.

Katorse.

Pumikit ako at itinuloy sa akin isip ang paglalakbay sa mga panahon ng ating kasaysayan.

Nakita ko si Bong Revilla, senador ng bayan, at narinig kong nangusap siya tungkol sa away ng kanyang pamilya kay Rosanna Roces.

Hindi na raw ipapakita ni Bong Revilla ang kanyang apo sa kanyang balaeng si Rosanna Roces kung hindi sila tatantanan.

Nakita ko rin ang Pangulo Arroyo sa kanyang pakiusap na huwag maniwala sa propagandang itim ng mga kalaban.

Kitang-kita ko ang lahat: ang bagong saksi ng oposisyon na si Guce na nagsasabing hawak niya ang susi ng katiwalian ng mahabang panahon ng kasinungalingan at pagpapanggap.

Nakikita ko ngayon ang mga effigy, mga kawangis ng lahat ng mga tiwali.

Sinusunog ang kay Marcos, sinusunog ang kay Cory, sinusunog ang kay Fidel, sinusunog ang kay Erap, sinusunog ang kay Gloria. Ang mga apoy at abo ay inililipad ng hangin, maglalaro sa ere, at pagkatapos ay babalik sa kung saan nagaganap ang pagkilos.

Nagugutom na ako ng espiritu ng niniugan. Haharap na ako sa hapag kainan. Maya-maya pa ay parating na sina Bannuar, ang ating si Bannuar. Kasa-kasama niya ang lahat ng mga kabataang nangamatay para sa bayan.

Ipaghele ang supling ng ating mga naisin at panaginip, mahal na kabiyak.

Supling din ang batang si Ili ng ating mga supling. Pakahihintay ang kanyang inang si Wayawaya. Darating siya sa bukang-liwayway, doon sa raya ng ating pananagumpay.

Nagmamahal,

Ili

No comments: