Wayawaya. Kalayaan. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan.
Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino.
Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.
Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.
Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.
Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.
Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.
Mula ito sa mga kuadernong naiwan ni Padre Ili sa kanilang kumbento sa Krus na Ligas bago tuluyang sumanib sa kilusang lihim:
Enero 1981, Manila
Dito ko isusulat ang lahat ng aking naiisip tungkol sa maraming mga bagay. Sa sarili. Sa lipunan. Sa mundo. Sa buhay. Tungkol sa realidad na tila napakahirap arukin.
Nangako ngayong araw na ito na babawiin na ni Pangulong Marcos ang Batas Militar na nagpahirap sa maraming mamamayan.
Kung meron man naidulot na kabutihan ang ganitong uri ng rehimen, ito ay ang pagpunla ng takot sa dibdib ng mga tao.
Alam ko ang tunay na dahilan ng pagbawi sa Batas Militar: Ayaw masira ni Pangulong Marcos ang kanyang reputasyon bilang tagapagpatupad ng kahingian ng mabuting buhay.
Parating ang santo papa upang simulan ang proseso ng pagsasasanto ng Lorenzo Ruiz ng Binondo. Sa pagdating ng santo papa sa Manila, dito ang magiging sentro ng atensyon ng buong mundo.
Ismarte is Marcos. Naniniwala sa mga imahe na likha ng midya, na likha ng mga manlilikha ng kapalsuhan, na likha ng mga konsorte ng korte, ng mga alipores ng palasyo, ng mga tagapagsilbi sa kapangyarihan.
Mga imaheng nagpapakita ng kadakilaan ng kanyang isip tulad ng kanyang made-to-order na iskolarsyip, mga librong gawa ng mga mukhang pera sa unibersidad ng estado, mga akademikong naniwala sa kabulaanan ng pangulo, mga propesor na hinunghang ng kanilang pagdakila sa pangulo, siya na gumamit sa mga utak ng mga may utak kapalit ng posisyon at pagkilala sa kakayahan, siya na marunong sa lahat ng mga marunong sa pang-uuto sa mga bayaran at mga may presyo.
Ang unibersidad ng estado ay nakulong sa ganitong pagsang-ayon.
Ang mga nakakita ng mga kabulaanan ay nagsabi ng totoo, naghimagsik, nakipaglaban.
Marami sa kanila ang namatay at pinatay, kinulong at tinortyur.
Marami rin ang namundok, nagtungo sa kanayunan sa pag-aakalang naroon sa nayon ang butil ng pambansang katubusan.
Sa kabila ng hirap na dinanas sa kamay ng mga berdugo ng pananampalataya ay nagawa pa ring ipahayag ni Lorenzo Ruiz ng Binondo ang kanyang paniniwala sa Poon.
Ang katumbas ng pagpapahayag sa paniniwalang iyon ay ang kanyang buhay. Tulad ng mga tinotortyur ng mga tauhan ni Pangulong Marcos—mga gradwado sa akademya military sa Bagyo karamihan—tinortyur din si Lorenzo Ruiz, ibinitin patiwarik, inilublob sa balon ng paulit-ulit.
Paulit-ulit ding ipinahayag ni Lorenzo Ruiz ng Binondo ang kanyang pananampalataya.
Ang mga paraan ng pagtortyur ay iba-iba. Pawang malikhain, pawang ginamitan ng utak.
Naroon ang pagkuryente sa ari habang pinapaupo sa bloke ng yelo. Sa ganito pinahirapan si Lorenzo, ang aking kaklaseng itinumba ng mga berdugo ng Batas Militar.
Naroon ang pananakit sa pamamagitan ng pagbugbog habang ang preso ay nakatali ang mga kamay at paa. Sa ganyan namatay si Deus, ang aking kasamahan sa hanay ng mga kabataan.
Nariyan ang pagkulong sa preso sa isang bartolinang ang tanging lagusan ng hangin ay isang maliit ng butas sa makapal na sementadong dingding. Sa ganyan nasiraan ang ulo ang isang ketekista ng simbahan.
May utak ang kalaban ng katotohanan at katarungan. Malalim mag-isip ng mga paraan upang magapi ang totoo. Katulad sila ng mga batang sundalong pinag-aral ng mga mamamayan sa akademya militar upang pagkatapos ay magiging numero unong mang-aapi ng mga mamamayan.
Nang ipatupad ang Batas Militar noong 1972, marami ang naniwala sa kadakilaan ng ganoong kapasyahan ng Pangulo Marcos.
Inambus si Ministro Enrile bago pa man.
Panay din ang protesta at rali at ang galit at ngalit ng mga mamamayan ay di na kayang ikulong pa sa ilusyon.
Nangangawala ang bigas, nangangawala ang dangal.
Nangangawala ang trabaho, nangangawala ang hustisya para sa karamihan.
Nangangawala ang bukid, nangangawala ang kalayaan, inaangkin at inaangkat ng mga makapangyarihan.
Kaya hindi na nakatiis si Lorenzo, ang aking kasamahan.
Sumali sa lihim na kilusan. Una, sa prente ng mga kabataan hanggang sa lumalim ang kaalaman sa rebolusyon. Di naglaon, nasa prente na ng mga manggagawa sa mga pabrika sa Kamaynilaan.
Taga-organisa ng mga hanay, ang trabaho ay magpaliwanag tungkol sa kalagayan ng bansa, ang sitwasyon ng sambayanan, ang kahingian ng rebolusyon, ang dahilan kung bakit kailangang maipatupad ang rebolusyon.
Nasa seminaryo pa ako noon. Sa gitna ng mga alalahanin sa pag-aaral sa kung meron nga bang Panginoon at kung meron nga ba ay bakit kayraming hindi kumakain ng husto at sapat, naiinggit na ako noon kay Lorenzo.
Kaya niyang magpasya para sa sarili.
Kaya niyang harapin ang hamon ng rebolusyon.
Kaya niyang ipahayag ang pananampalataya sa paraang di pangkaraniwan.
Walang ama si Lorenzo, parang galing sa kawalan, sabi ng mga pari sa aming seminaryo.
Minsan isang araw, nakita na lang daw sa harap ng simbahan, nababalutan ng lamping yari sa katsang nag-aanunsiyo ng “Harina para sa masa. Alay ng mga mamayan ng Estados Unidos sa mga mamamayan ng Pilipinas.”
Duguan ang pusod, tahimik lamang daw si Lorenzo na dinedede ang hinlalaki na animo’y nakakakuha doon ng katiwasayan at kabusugan.
Inampon ng kumbento si Lorenzo, inaruga bilang anak ng kumbento at sa paglaki, walang nakakaalam kung saan siya nanggaling, kung sino ang kanyang ina, kung sino ang kanyang ama.
Ang sabi ng mga tsismoso ay anak siya ng isa sa mga pari roon sa isang madreng umalis sa pagkamadre sapagkat natutong mamundok at makisalamuha sa mga mamamayan.
Yan ang sabi sa akin ni Lorenzo isang araw na nakasama kami sa hanay ng mga nagsisiprotesta laban sa rehimeng Marcos.
Nasa tapat kami noon ng Welcome Rotunda at dahil pinigil kami ng mga military dahil wala daw kaming permiso upang ihayag an aming damdamin laban sa pamahalaan, naupo sami sa gutter. Sa sinag ng tirik na araw at sa basbas ng aming mga pawis, nag-usap kami tungkol sa alternatibong pagkilos ng mga katulad namin.
Doon ko nakita ng buong-buo ang kahungkagan ng aming buhay bilang mga relihiyoso, mga benepisyaryo ng pananampalataya.
At habang pinapalayas kami ng mga militar dahil wala kaming permisong sumigaw ng
“Imperyalismo! Ibagsak!” sinabi sa akin ni Lorenzo na tuluyan na siyang papalaot sa larangan ng paghihimagsik.
“Magpupultaym na ako, bro,” sabi sa akin habang ipinapasayaw ang kanyang karatulang “Batas Militar! Buhaw-buhaw!”
Kinaumagahan ng pagdating ng santo papa upang basbasan ang unang proseso ng pagsasasanto ng Lorenzo Ruiz ng Binondo, si Lorenzo ay natagpuang bangkay sa liblib na lugar ng Binangonan.
Butas ang kanyang tagiliran, walang saplot ang duguang katawan. Isinilang si Lorenzo ng ganoon. Ganoon din siya namatay.
Habang isinisigaw ko ang “Totus Tuus! Totus Tuus!” para kay santo papang di duguan ang katawan, naiisip ko ang hatak ng rebolusyon sa mga kabataan.
“Totus Tuus! Totus Tuus!” sigaw ng mga tao sa palaruan ng unibersidad na iyon ng mga prayleng kasama ng kapatiran ng mga nagbasbas sa mga sumakop sa atin.
Hinayaan kong mabingi sa ganoong sigaw.
Inilathala ng Inquirer, Ag. 19/05
No comments:
Post a Comment