Definisyon ng Nerbiyos

(("Wala akong nagawa sa aking mga paa, papa. Malaki ang sunog, mataas ang apoy."
Leah Francine, sa pagkasaksi sa sunog sa mga kabahayan
sa aming pook sa Marikina, Filipinas, Abril 2/07)



Muni-muni na nga lang
ang katapat ng takot.

Malayo, musmos na bunso,
ang tapang sa karuwagan.

Ang pagsasadiwa sa pagtutubig
ng tuhod ay pangunahing salita
tungkol sa mga kahihinatnang
ang simula ay di rin nating mawari.

Tulad ng apoy sa malapit,
sa kapitbahay nating pinagtagpi-tagpi
ng mga pira-pirasong yero, tabla,
pangarap na makaahon sa bunghalit
ng umaga't gabing
naninirahan sa mga sulok
ng mga mumunting tahanang
barong-barong din ng mga pag-aalinlangan,
ang alipato ay sa susunod na bahay nagpakanlong
sa langkay-langkay na karalitaan
ang mukha ay sa madungis na pangarap
at ang darang sa mga apoy ng lunsod
ay isang bulkang nag-iimbot.
Batang gabi noon, sabi mo,
malapit nang lamunin ng dilim
ang huling raya ng araw.
Nagsimula sa usok ang hiyaw
na nang maglaon ay konsiyerto
ng bulahaw ng tao at bombero
mga pagkalkula sa dahas ng ulan
sa katawang inagawan ng bubong
sa pagal na laman, pagod sa pagkayod
sa maghapong pakikipabaka
sa sahod.

At ngayon itong apoy:
saan ngayon sisilong ang mga pinagkaitan
ng apoy ng lunsod, mga inagawan ng tulog
hinablutan ng kadyot sa buhay
lakas halimbawa na magbangon sa madaling araw
harapin ang umaga, tanggapin ang hapon
at sa papag ay bilangin ang bituin
sa nakikipaglabanan sa titig
na butas ng nagpapanggap na mansion?

Sabi mo, di mo nagawang pigilin ang mga paa.
Takot ang tawag doon, musmos na bunso,
pag-angkin ng nerbiyos sa murang isip
at doon, doon sa kaibuturan ng pagsasaksi
sa buhay sa lunsod, maaalala mo ang bendisyon
ng walang katapusang panahon.

Malayo ako, at malapit ang sunog.

Pero kaylapit din, musmos na bunso,
ang walang hanggang pag-irog,
ang pagpapalayo sa apoy sa iyong pagtulog.

Magbabantay ako sa iyo, at ang mga daga
sa dibdib ay pawang mangagsisilayo
hanggang sa ikaw ay iwan sa iyong pagsuyo
sa pagkatuto sa diwa ng sunog.

Matutupok, musmos na bunso,
ang alin mang sasakmalin ng apoy.
Malilikha sa mga abo ang sagradong
salungat ng panaghoy.

A Solver Agcaoili
UH Manoa/Abril 6/07

No comments: