Pagpapalaya sa Bighani ng Pambansang Wika: Tungo sa Padaya
sa Ngalan ng Liberalisadong Kapunawpunawan ng Kultura
Para sa Tanan
The task is to comprehend the life that gives, and gives itself to, language.
David Applebaum
ni Aurelio Solver Agcaoili
Universidad ng Hawai`i sa Manoa
0. Pagpangalan sa Bighani
May bighani sa kasalukuyang anyo ng pambansang wika—at ang bighaning ito ay isang uri ng kalkuladong salamangkang ang awtor ay ang mga nagkukuntsabahang puwersang pulitikal, intelektuwal, kultural, at ekonomik sa bansa, mga puwersang nagsisilbing sanhi mismo ng umiiral na relasyong mapanggahum sa sambayanan.
Ang bighaning ito ang siya ring sanhi ng tuloy-tuloy na pagkabansot ng isip ng mga mamamayan—pagkabansot ng isip na diretsahang may kinalaman sa kapasidad nilang maintindihan ang kanilang papel sa pagpapayabong ng isang wikang tunay na linggwa frangka ng sambayanan at hindi lamang linggwa frangka ng kapangyarihan sa sentro: ng kaalaman sa sentro, ng kultura sa sentro, at ng puhunan sa sentro ng komersiyo at lahat ng uri ng pangangalakal, kasama ang pangangalakal ng lakas, dignidad, at pagkatao ng mga mamamayan na kung ilako ang mga ito sa ibang bansa ay walang pakundangan ang pagbabaratilyo sa mga merkader—sa mga importer ng lakas paggawa, ng pagkatao, ng katawan, at ng dignidad.
Kung gayon, isinusulong ng sanaynay na ito ang isang radikal na kontra-ideya, isang ideyang taliwas sa malaganap na ideya tungkol sa wikang pambansa—isang ideyang humahamon sa inilalako ng mga ahente ng binansot na kaalaman tungkol sa kabansaan, sa pagiging sambayanan, sa pagiging isang bayan.
May ganitong hugis ang kontra-ideyang: na hindi naman kinakailangan iisa lamang ang wika ni iisa lamang ang diwa sa pagbubuo ng sambayanan kapag ang sambayanang ito ay multilinggwal at multikultural. Bagkus, ang pagbubuo ng isang bansang makatarungan sapagkat demokratiko—at demokratiko sapagkat makatarungan—ay hindi absolutong humihingi ng kaisahan ng literal na wika, na hindi kinakailangan ng iisang wika upang makabuo ng isang bansang malay at mulat sa tungkulin sa lahat ng mga mamamayan. At sapagkat ang lahat ng mga lenggwahe ng isang sambayanan ay pawang mga pangsambayanang resors, isang kultural na kapital, (Frank, Warring, Hunter 1999) mga rekisito, kung gayon, sa sambayanang kamalayan ang pagkilala, pagpapaunlad, at pagpapalaganap sa lahat ng mga wika ng sambayanan. Sa isang sambayanang makatarungan sapagkat demokratiko—at demokratiko sapagkat makatarungan—ang sandali mismo ng pagkiling at pagbibigay ng extraordinaryong pribilehiyo sa iisang wika ay siya ring sandali ng pagsisimula ng pagkitil sa iba pang wika. Sa isang multilinggwal na bansa na nangangarap maging makatarungan sapagkat demokratiko—at nangangarap maging demokratiko sapagkat makatarungan—walang ibang daan tungo sa realisasyon ng ganitong pangarap kundi ang pagsasalin sa aksyon ang moral na obligasyon kaugnay ng “maraming wika, matatag na bansa.”
Sapagkat ang katatagan ng bansang ito ay nagmumula sa minamaliit na mga rehiyon ng nagmamaliit na sentro.
Sapagkat ang katatagan ng bansang ito ay ang pagkakandili ng mga mamayan sa mga gilid-gilid ng espasyong pampubliko na ang tanging wika—sa harap na mapangdominang islogan ng ‘isang bansa, isang diwa, isang wika’—ay ang ganap na silensyong dulot ng panganganino.
Sapagkat sa kapangyarihan taglay ng mapaniil na islogan ng unitaryanista at identaryanistang pag-iisip tungkol sa kabansaan na nakabatay sa isang imported na konsepto ng bansa—na isang konsepto namang inexport ng mga mananakop at mga imperyalista sa atin sa pakikipagkuntsabahan ng intelligentsia ng bansa—ang naiwang lenggwahe ng mga mamamayan ay ang pananahimik, isang uri ng pananahimik na umaalingawngaw at nanghihingi ng pagbibinyag, ng pagpapangalan, ng tinig. Isa itong pananahimik na sumisigaw—isinisigaw ang kalayaan sa wika at kultura, kalayaang kakambal ng buhay.
Sapagkat ang katatagan ng bansang ito ay nakasalig sa produksyon ng isa o marami pang tunay na linggwa frangka ng hindi lamang ng sentro kundi ng mga desentralisadong lugar ng mga iba’t-ibang pamayanan.
Sapagkat ang lenggwahe ay balay ng kaluluwa, lahat ng mga nagsasalita sa isang partikular na lenggwahe ay pawang mga residente ng balay na ito. At dahil balay ng kaluluwa ang wika, hindi maaari na sa isang lipunang makatarungan ay mayroong inaagawan ng balay o pinagkakaitan ng tahanan.
1.0 Ang Kontratang Panlipunan, Hustisya, at Wika ng Sambayanan
Ang kontratang panlipunan na rekisito ng pagtatatag ng isang bansa ay nakabatay sa konsepto ng katiwasayan ng buhay para sa nakararami, kung hindi man para sa lahat (Rawls 1971). Hindi ito nakabatay sa pagkandili—at pagbibigay ng pribilehiyo—sa iisang wika at pagkatapos, sa basbas ng kaparian ng akademya, ng kultura, ng kaalaman, at ng kapital, ay babansagan itong wikang pambansa at etsapuwerahin ang iba pang wika, at sa opisyal na aksyon ng pamahalaan, ng akademya, ng intelligentsia, at iba pang mga ahente at institusyong panlipunan ay gagawing inferior ang mga ito.
Sa pagbubuo ng sambayanang demokratiko sapagkat makatarungan—at makatarungan sapagkat demokratiko—mayroon isang batayang prinsipyong hindi kailan man mawawaglit: ang prinsipyong nagtatampok sa pagkilala sa mga pundamental na karapatan ng mga mamamayan na bumubuo ng sambayanan (Agcaoili 2006).
Kasama sa pundamental na karapatang ito ang kanilang nais.
Kasama sa pundamental na karapatang ito ang kanilang mga pangarap.
Kasama sa pundamental na karapatang ito ang kanilang mga adhikain, mga relasyon, mga ngalit, mga tagumpay, mga ligaya, mga pagtangis.
Kasama sa pundamental na karapatang ito ang pagbibigay ng pangalan sa kanilang karanasan.
Sa kasalukuyang anyo ng tinaguriang pambansang wika, malayung-malayo pa ito sa hinagap ng isang wikang pambansang demokratiko sapagkat makatarungan at makatarungan sapagkat demokratiko.
Sapagkat ang tinataguriang pambansang wika na balay ng kabansaan—at kung gayon ay balay ng mga kaluluwa ng lahat ng mga pamayanang kultural sa bansa at estadong ito—ay nananatiling Tagalog at mangyaring dayalekto pa rin ng Tagalog. Patotoo rito ang mutual intelligibility ng Tagalog at ng sinasabi ng ilang iskolar na P/Filipino (Salazar 1991; Rubico 2007).
Ang bighani ng pambansang wikang ito ang nananatiling balangkas ng isang sinasalamangkang kaalaman at makitid na sensibilidad pangsambayanan na tinataguriang kaalamang pangsambayanan ng ilang makapangyarihang saserdote at fariseo ng wikang pambansa. Pilit mang isaksak sa utak ng mga ahente ng myopic na nosyon ng wikang pambansa sa mga hindi Tagalog—pilit mang akusahan ang mga pamayanang pangkultura na hindi Tagalog ng bisyosong ‘rehiyonalismo’ at kakulangan ng pagmamahal sa bayan sapagkat hindi tinatanggap ang mapagpanggap na anyo ng wikang pambansang ito—nananatiling buhay ang pagalagway at pagbalikwas ng maraming pamayanang kultural, ng mga etnolinggwistikong grupo, at ng mga mulat na iskolar at manggagawang pangkultura sa inhustisyang nagaganap sanhi ng mga patakarang pangwika at pangkultura na, sa halip na nagiging sanhi ng kaisahan, ay nananatiling isa sa mga rason ng pagkawatak-watak.
Malinaw ang panglipunang obligasyong hinihingi sa atin ng Konstitusyon 1987 at ng pilosopikal na deskripsyon ng Filipino ayon sa mga komisyoner ng Komisyong sa Wikang Filipino, sa bisa ng Resolusyon Blg 92-1 noong 1992 na nagsasaad na ang wikang Filipinop ay “ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban ng archipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo.” Dagdag pa ng deskripsyon na ito ang ganito: “Katulad ng alinmang wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika ng Pilipinas at mga di-katutubong wika at sa ebolusyon ng iba’t ibang baryedad ng wika para sa iba-ibang sitwasyong sosyal, sa mga nagsasalita nito na may iba’t ibang sanligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at matalisik na nagpapahayag.”
Kung gayon, ang tamang landas sa padaya—sa malawakang selebrasyon upang maitampok ang mapagpalaya sapagkat nagpapalayang kapunawpunawan ng kultura na batay sa pagpapahalaga sa dibersidad, isang kapunawpunawan sa ngalan ng tanan—ay ang pagtatampok mismo ng lahat ng mga wika ng sambayanan. Hindi tama na isasantabi ang maraming wika upang maitampok ang isa o dalawang wika ng iilan na pangangahasahang bansagan ding wika ng sambayanan.
Sapagkat balon ng lakas ng pamayanan ang kaniyang wika.
Sapagkat tahanan ng kaluluwa ng mga mamamayan at ng pamayanang panggrupo ang kanyang wika.
Sapagkat sa wika mismo ng mamamayan, doon, sa balay na iyon, doon niya nababatid at napagtatanto ang ngayon—ang ngayon na nagtuturo sa kanya ng aral ng nakaraan at nagbibigay din sa kanya ng lakas ng buot na maalala ang hinaharap. Ang lakas ng nakem, ng kalooban na ito—ito, ito ang susing pananda ng pagkakaroon ng katarungan sa ngalan ng tanan sapagkat ang kahingian ng demokratikong kultura ay natutugunan.
2.0 Ang Salamangka ng Nakaraan
Sa sulat ni Presidente Manuel Quezon sa Akademya ng Wikang Tagalog noong 1930, binanggit niya ang isang pangarap na isang araw ay magkakaroon ng Filipinas ng isang pambansang wika na magiging wika ng lahat ng mga mamamayan. Binanggit din sa kanyang sulat ang kanyang pagkuha bilang paradaym sa ganoong kaisipan ang modelong ibinibigay, sa panahong iyon, ng apat na bansa na nagtatag, aniya, ng isang—at iisa lamang na—pambansang wika: Espanya, Inglaterra, Alemanya, at Fransiya.
Mahihinuha na ang apat na bansang ito ang nagpasimuno ng isang makitid na konsepto ng ‘bansa’ na humihingi ng pagpupurga sa karanasang pangkultura—at kung gayon ay karanasang panglinggwistika rin—ng iba pang etnolinggwistikong grupo na kasapi sa mga bansang ito bagamat hindi kabilang sa mga grupong nasa sentro ng poder, awtoridad, pulitika, at kalakal. Sa pagsasawikang pambansa ng Espanyol ng Madrid, halimbawa, mangyaring dinisbentahe ng estado ng Espanya ang iba pang lehitimong linggwistik at kultural na karanasan ng buong sambayanan tulad ng Basque, Catalan, at Galicia—mga karanasang sintanda rin ng kabihasnang taglay ng Espanyol ng Madrid. Samantala, sa pagwawagi ni Napoleon sa ngalan ng Fransiya, kanyang idineklara na ang nagwaging bansa ay nangangailang ng pambansang simbolong linggwistik kung kaya’t naging hudyat ito ng kanyang pagbibigay ng citizenship sa wika sa Paris, isang awtoritaryanistang aksyon na naging henesis ng kamatayan ng iba pang mga wikang umiiral sa labas ng Paris noong panahong iyon hanggang sa tuluyan nang mamatay ang mga ito. Kung ano ang pulitikal na desisyon sa Espanya at Fransiya ay siya rin nangyari sa Inglaterra at Alemanya—mga pangyayaring nagpapatotoo ng isang bagay: na kapag ang rebolusyon ay napagtagumpayan na, ang mga nagsipagwagi ay malalasing at mabubusog at mabubundat—at sapagkat malalasing at mababansot at mabubundat—ang kanilang sensibilidad at kakayahang mang-unawa sa karanasang wala sa sentro ay kikipot at magdarahop. Malalagay sa ulo ang tagumpay at makakalimot. Ang mga nagsipagwagi ay magbubunyi at sa lakas ng ugong ng pananagumpay ay makakalimutan ang mumunting tinig na nagmumula sa mga gilid-gilid ng sambayanan, sa mga walangwalang na malayo sa sentro, sa mga pook na nagkakasya sa kung ano ang pasya ng siyudad, sentro, at sensibilidad ng mga makapangyarihan kasama ang kanilang kakuntsabang intelligentsia. Ibig sabihin, sa pagwawagi ay ang sistematikong pageetsapuwera sa iba. May puwersang sarili ang historikal na amnesia na lohikal na duluhan ng pagwawaging makasarili at pananagumpay na hindi kritikal at hindi reflexiv ang basehan ng kanyang diskurso.
Ganito ang nangyayari sa kasalukuyang kalagayan sa wikang pambansa sa Filipinas.
Kung susuriin ang kaluluwa ng legal na batayan ng wikang pambansa, maraming mga tanong ang lumalantad. Sa proceedings, halimbawa, ng Constitutional Convention noong 1934-1935 na sinipi ng buong ingat ni Dr. Jose P. Laurel, at nagpapakita ng pagdebelop ng konsepto ng pambansang wika mula sa hanay ng mga delegado, meron apat na borador na tila hindi pinapansin ng mga iskolar ng wika at kulturang Filipino, lalo na ng mga iskolar na nagtataguyod ng isang tiranikal na anyo ng wikang pambansa sa pamamagitan ng pagdakila at pagtatampok sa iisang wikang rehiyunal, na, sa simula pa lamang, ay tila malayo sa komprehensibong diskursong naganap. Sa apat na borador na ito, kasama ang pinakahuli na siyang tinaguriang final na kopya, nabanggit ang tungkol sa wikang pambansa sa unang dalawa subalit hindi ito nabanggit sa pangatlong borador na siyang borador ng Komite sa Estilo ng pinamunuan ni Claro M. Recto, ang nanungkulang presidente ng naturang kumbensiyong konstitusyunal.
Malinaw sa dalawang borador ang ganitong konsepto: na pinagnilayan ng mga delagadong diputado rin ng mga naiisin at pangarapin ng mga Filipino noong panahong iyon. At ang resulta ng kanilang pagninilay-nilay ay ito: na idinedeklara ng pagkakaroon ng ‘komon na nasyunal na wika’ base sa mga ‘umiiral na natibong mga wika’ sa buong sambayanan. Klaro ang ganitong asersyon sa unang dalawang borador. Nang ang borador ay napunta sa kamay ng Komite sa Estilo—na nag-ayos sa mga probisyong nangangailan at/o humihingi ng paglilinaw sa paraan ng expresyong panglinggwistik, tahimik ang pangatlong borador tungkol sa Artikulo XIII Seksyon 2/3 at walang binanggit tungkol sa ‘komon na nasyunal na wika’ o sa ‘umiiral na natibong mga wika’. At sapagkat magkawangis ang probisyong ng una at ikalawanag borador sa Artikulo XIII, ipinapalagay natin na malinaw sa isip at buot at nakem ng mga delegado—silang mga diputado ng mga Filipino na nagnanais na makabuo ng isang makatarungan sapagkat demokratikong bayan, at demokratiko sapagkat makatarungan—na walang kuwestiyon na ganito ang pagtrato tungkol sa wikang pambansa. Idagdag natin na sa huling pagpapalitan ng kuro-kuro noong Febrero 1935 sa pagitan nina Recto at Wenceslao Vinzons, isang diputadong galing Bikol, lumitaw ang konsepto na ang tunay na konsepto ng wikang pambansa ay isang ‘amalgam’ ng mga umiiral na mga wika ng bansa at hindi iisang wika ang basehan (Proceedings 1966; Gonzalez 1980).
Sa pagbabalik sa nakaraan, mayroong isang grupo ng mga Filipino ang hindi nakababatid sa tagong kaisipan ng mga Filipinong naghahanap ng puwang sa espasyong panglinggwistik at pangkultura sa bansa. Ang grupong ito ay nagsusulong ng isang makitid na konsepto ng wikang pambansa—isang konseptong merong myopia sapagkat hindi kayang tingnan ang bansa sa lente ng multilinggwalismo—at nangangawiran na (a) hindi na kinakailangang balikan pa ang nakaraan sapagkat meron nang pambansang wika; (b) na kahit ano pa ang metodo, paraan, proseso, at mapangdominang kalakaran na kakawing ng pagtatag ng Tagalog bilang wikang pambansa ay nariyan na ang wikang pambansa—at ito na nga ang Tagalog na basehan ng ating ka-Filipinuhan at kabihasnan at identidad; at (c) magkaiba naman ang Tagalog sa P/Filipino kaya’t walang dapat ipangamba ang mga iba pang ethnolinggwistikong grupo sa Filipinas. Kung gayon, ani ng grupong ito, walang nawala sa atin, walang pinagkaitan, walang nadisbentahe, walang ginawan ng kapalaluan na nauwi sa pagkakait ng katarungang linggwistik at kultural sa iba.
Mayroong inhustiya sa ganitong perspektib sa wikang pambansa.
Pansinin na ang puno’t dulo ng ganitong sitwasyon ay ang tuloy-tuloy na paninilawa na ang konsepto ng bansa mula sa mga karanasan ng Espanya, Inglaterra, Alemanya, at Fransiya ay konseptong angklang-angkla sa multikultural at multilinggwal na karanasan ng mga Filipino sa buong Filipinas. Ito ay isang kabulaanan.
Taliwas sa nangdodominang karanasan ng mga bansang ito ang karanasan ng mga natibong Filipino na, bago pa mang dumating ang mga mananakop na sumakop sa kanila ng ilang ulit ay naroon na sa mga etnolinggwistikong grupong ito ang malinaw na konsepto ng pamayanan na kumikilala sa karapatan ng iba pang pamayanan—isang konseptong hindi mapanakop sapagkat nakabase sa minumuni-muning dinamiko at diyalektikong kahulugan ng kalayaan. Sa pangyayaring ganito, dalawang bagay ang ipinataw na parusa sa iba pang etnolinggwistikong grupo sa Filipinas, isang parusang ang may-akda ay ang maling palisi sa wika, at, in extensu, sa kultura: (a) ang pagkakait sa kanilang nga kanilang logos sa ngalan ng logos ng ‘bayan’ at ‘bansa’ na ang realidad at parametro ay mga lumuting parametro at realidad ng banyagang ‘bayan’ at ‘bansa’ at (b) ang paghahablot sa mga mamayan ng kanilang sariling lente—at kaisipan din—upang malirip nila ang hiwaga ng mundo, upang maintindihan ang karanasan, at upang mapalawig ang relasyong pampamayanan. Idagdag pa rito na sa pagkakait sa logos ng mga pamayanan etnolinggwistik—at sa pagsasaksak sa kanilang utak at lalamunan ng ibang mga tunog at mga konsepto, mga tunog at konsepto estranghero—ay para na ring kinitil ang kanilang buhay.
Kung babalikan ang argumento ng isang grupong kontento na sa konsepto ng ‘isang bansa, isang diwa, isang wika’—isang konseptong lohikal na input mula sa tiranikal na pagbasa sa pagbubuo at pagdedebelop ng isang ‘bansa’—makikita natin ang pagkakadugtong-dugtong ng impotente nilang argumento, pagkakadugtong-dugtong na nagbabantayog na ‘meron nang pambansang wika’ at kung gayon, ay walang nang dahilan para ang iba pang mga etnolinggwistikong grupo ay mangngangawngaw pa.
De jure at de facto, sabi nila, ang pambansang wika ay naririto na.
De jure at de facto, nagsasalita na ang buong bansa ng isang uri ng pambansang wika na ang ugat ay ang kapitalismo ng medya, ang paglapastangan ng kulturang popular sa ating kaisipan at sensibilidad, at ang panggagahasa sa ating pagkatao.
Ang responde sa ganitong linya ng argumento ay ang pagbabalik sa kaluluwa at anito ng kasaysayan, ang buhay na kasaysayang nagsasaksi sa kung ano nga ang komprehensibong kaisipan ng mga nag-iisip na mga mamamayan.
Ang sagot sa mapanglahat na ‘de jure’ at ‘de facto’ na formularyong tugon sa mga tanong ay ang pagkalkal sa historikal na pangyayari kaugnay ng triumpalistang argumentong kakambal ng ‘de jure’ at ‘de facto’.
Ang argumento, halimbawa, na nagsasabi na ang ebidensiya sa “malayang pagtanggap ng mga mamamayan sa wikang Filipino bilang wika ng sambayanan” ay ang (a) “sabay-sabay na pag-awit (ng Lupang Hinirang) habang nasa kaliwang dibdib ang kanang kamay, malapit sa puso, tanda ng pagmamahal at paggalang sa iisang bandila gamit ng iisang wika—ang Filipino” at (b) paggawa rin ng ganitong senaryo sa “mga ahensiya ng pamahalaan sa halos araw-araw” (Pagkalinawan 2006: 29)—ay isang litung-litong at mababaw na argumento at hindi nito kinaklaro ang kahingiang hustisya at demokrasya sa pagtatatag ng wikang pambansa. Binabansot ng ganitong pamimilosopiya ang binansot nang kaisipan ng mga ibang grupong hindi kasali sa sentro—at hinding-hindi nito kailan man mahaharap ang higit na malaking hamon ng dibersidad, ng multikulturalismo, at ng multilinggwalismong realidad ng sambayanan.
Kung ang ganitong iskolarship ang itatampok bilang ebidensiya sa mapaklang katotohanan ng isang mapait na islogan noong Batas Militar ng Pangulong Ferdinand Marcos, maaari nating tanggapin ang ganito—sapagkat ang argumento sa tiraniya sa isip, sa diktadurya ng kultura, sa inhustiya sa mga lenggwahe sa Filipinas ang siyang motor ng grandiosong ilusyong pulitikal na ito. Hindi nito tinutugunan ang moral na obligasyon upang kilalanin—sa paraan ng pagkilalang may simetri (Habermas 1987) ang iba pang midyum ng komunikasyon sa bansa. Sa pakunswelo-de-bobong dagdag na argumento ni Pagkalinawan, ganito ang kanyang pang-uuto sa mga etnolinggwistikong grupong hindi kabilang sa iskozofrenik na anyo ng wikang pambansa—iskizofrenik sapagkat sa pag-ilusyong meron nang pambansang wika ay agad-agarang niyang bininyagan ang Tagalog na P/Flipino: “Kunsabagay, ang pagtanggap sa isang wika bilang wikang pambansa ay hindi madaling gawain. Ito ay isang mahaba, masalimuot at ‘madugong’ proseso. Ang ganitong pangyayari ay hindi na bago sa paningin at karanasan ng mga mamamayan sa isang bansa lalo na sa mga bansang multikultural gaya ng Pilipinas. Ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit na isang daang grupong etnolinggwistiko at ilang pangunahing grupong pangrehiyon. Samakatwid, namumuhay dito ang milyung-milyong Pilipino na may sariling wika at kultura. Dahil ditto, nagkakaiba-iba rin ang kanilang pananaw at paraan ng pagtanggap sa isinusulong na wikang pambansa.” (Pagkalinawan 2006: 29-30). Narito ang kontradiksyon—dito mismo sa ganitong argumentong pinanghahawakan ng ganitong school of thought sa Filipino bilang wikang pambansa, isang school of thought na hindi kayang i-transcend ang isomorfismo ng Tagalog=P/Filipino. Isinasaksak ng iskolar ang kanyang nosyon ng wikang pambansang nakabatay sa ideolohiya ng `isang bansa, isang diwa’ subalit sasabihin din, sa malamyang tono, na, kung sabagay, meron nga ring ibang wika at kultura iba pang mga pamayanang kultural sa Filipinas.
Ang pulitikal na pagpili sa Tagalog (Constantino 1991)—ang mahabang kamay ng mga namumuno partikular si Quezon na sa isang banda, ay nagsabi na sa kanyang pagpunta niya sa Ilocos ay nangangailang pa siya ng interpreter—ay di kailan man maitatatwang isang tahasang pakikialam ng mga makapangyarihan sa pagdedesisyon tungkol sa direksyong tatahakin ng wikang pambansa. Ang pagdududa sa intensyon ng mga namumuno sa panahong iyon ay hindi isang guni-guni lamang. Tahasan ang pakikialam—at ang gawaing ito ay nananatiling isang bunggaria at multo ng sambayanan. Nagpadala ang ilang cultural brokers at lider pulitikal sa reklamo ni Presidente Quezon na kung bakit, siya na presidente ng bansa, at siya na Tagalog, ay kinakailangan pa niyang magkaroon ng interpreter upang makausap ang taumbayang Ilokano (Gonzalez 1980).
3.0 Kung Bakit Kinakailangan ang Bawat Lenggwahe ng Bansa
Ang pagsasatrivialisa ng ibang etnolinggwistikong grupo—ang pagsasa-floccinaucinihilipilificationalization ng kanilang lenggwahe—ay diretsahang dulot ng kakulangan sa pagpapahalaga sa buhay ng iba, ang buhay na nauuwi sa lenggwahe, at lenggwahe ring nakaugat sa buhay. Ang konsentrikong ugnayan ng lenggwahe at buhay ay tila nakaligtaan ng mga ebanghelista at apostol ng myopic na definisyon ng wikang pambansa. Nakaligtaan ang iba pang buhay na nagmumula sa iba pang mga pamayanan na hindi galing sa Kamaynilaan at Katagalugan—at sa pagdefayn sa bansa, ang buod at ubod ng definisyon ay nakasentro sa karanasan ng mga pook na ito.
Nakaligtaan na ang buhay pangsambayanan ay produkto ng lahat ng mga buhay pangkultura at panglinggwistik sa bansa. Nakaligtaan na ang lente ng pagbasa sa karanasan at pagbatid sa mundo—mga pagbasang sandigan ng katatagan ng alin mang pamayanang pulitikal at kultural—sa Kamaynilaan at Katagalugan ay kaiba sa lente ng pagbasa at pagbatid sa mga pamayanan sa labas ng mga lugar na ito sanhi ng kaibhan ng lenggwahe sa mga ito. Totoo ngang magkakafamilya ang mga wika sa Filipinas at kung gayon ay may pagkapare-pareho. Subalit totoo rin na ang pagkakaiba ng mga ito ay isang karagatan at ang mga pagkakaibang ito ang mutya mismo ng kayamanan at katatagan ng sambayanang Filipino kung iwaksi lamang ang historikal na amnesia na nagtutulak sa malawakang sakit kaugnay ng pananagumpay ng isang wika, isang tagumpay na ang katumbas ay ang pagkamatay naman ng iba pang mga wika. Sa paghahanap ng wikang pambansa, hindi naman kinakailangan na mauwi ito sa kamatayan ng iba pang pamayanang kultural.
4.0 Pundasyon ng Sambayanang Filipino sa Multilinggwalismo at
Mulikulturalismo
Ang pagkapangyayari na ang bansang Filipinas—ang sambayanang Filipino—ay hindi isang monolitikong konsepto na nakabase sa iisang kultura o iisang wika kaya. Ang kontradiksyon sa inangkat na konsepto ng kabansaan sa Europa ay nangangailangan ng exorsismo at sabihin na ang ika-19 na dantaon na pulitikal na proyekto ng Espanya, Alemanya, Fransiya, at Inglaterra ay mga skeleton ng intelektwal na diskurso ng mga experiensiyadong kolonisador at imperyalista. Ang pagbansag sa ganitong mga ekonomik, pangmilitar, at pulitikal na oryentasyon ng proyekto ng pagkamakabansa na inimport ng mga pinunong Filipino ay hindi angkop sa nagbabagong karanasan ng mga Filipino. Ang linggwistik na premise ng pagkamakabansa na humihingi ng iisa lamang na wikang pambansa—at ang kahingiang ito ay laban sa mga wikang di kwalifikadong maging wikang pambansa kung kaya ay kinakailangan itulak palabas sa espasyong publiko—ay susing dahilang ng nangingibabaw na kawalan ng katarungan sa larangan ng buhay pangkultura at pangwika sa Filipinas. Ang pagtatakda ng katatagan ng isang bansa base sa pagkilala at pagtanggap sa mga wika ng sambayanan ang siyang tanging solusyon sa ganitong kawalan ng katarungan.
Bago pa man may panlipunang obligasyon ang isang tao, mayroong higit na importanteng karapatang dapat nating kilalanin. Ang karapatang ito ay ang kanyang pundamental na karapatang pantao na kabilang ang kanyang karapatan sa kanyang wika at kultura. Sa kritikal na pagbasa sa karanasang pambansa, ang ‘amalgam’ ng mga karanasan na ipinapahiwatig ng wika ang nagsisilbing paradaym upang maintindihan na hindi kailan man nagiging matatag ang isang multilinggwal na bansa hangga’t ang bansang ito ay nagtatakwil ng mga wika ng ibang pang grupong etnolinggwistik na nasa labas ng sentro ng kapangyarihan.
Ang resistance sa mga inhustisya ay isang karapatang pantao na higit na importante kaysa sa obligasyong panlipunan. Ibig sabihin, karapatan ng lahat ng mga etnolinggwistikong grupo na mantenehin at protektahan ang kanilang sariling lenggwahe sapagkat ang lenggwaheng ito ang balay ng kanilang kaluluwa. Wawarakin natin ang balay na ito at magpakalayu-layo ang kaluluwa, magbabagamundo, mag-eexilo, magiging gabat, duming nagpapatianud-anod.
Ang kailangan ay isang kapunawpunawang mapagpalaya sapagkat nagpapalaya.
Ibinubukas ang kapunawpunawang mapagpalaya ang lahat ng mga pintuan na nagpapalirip ng karanasan at sensibilidad na nagsisilbing sangkap sa pagpapayaman at pagrerebisa sa diskurso ng kabansaan.
Kailangan ang exorsismo sa bighani ng monolinggwal na pagbasa sa kabansaan. Ang kailangan ay ang pagtatampok sa lahat ng mga lenggwahe ng sambayan at sa pagtatampok na ito, magbubukas ang pinakahihintay na kapunawpunawan.
Doon, doon natin mapagtatanto kung papaano magiging isang tunay na sambayanan.
Mga Referens
Agcaoili, A. S. 2006. “Linggwistik na Demokrasya, Mapagpalayang Wikang
Pambansa, Panlipunang Katarungan at Dibersidad ng Wika at Kultura,”
sa Ricardo Ma. Duran Nolasco, Jose Laderas Santos, at Santiago
Villafania, mga editor, Ani ng Wika. Manila: Komisyon sa Wikang Filipino.
Agcaoili, A. S., 2001. “Multilektaliti, Multilinggwalism, Inhinyerya ng Wika sa Panlipunang Katarungan—O May Problema ba sa Wika ng Bansa?”, sa
Aurelio Agcaoili, Melania Abad, at Patnubay Tiamson, mga editor. Salaysay:
Pananaliksik sa Wika at Panitikan. Quezon City: Miriam at Kaguro.
Agcaoili, A. S. 1989. “Social Justice in the Ilokano Mind,” Ethos Today, V3N2.
Constantino, P. 1991. Pagpaplanong Pangwika Tungo sa Modernisasyon:
Karanasan ng Malaysia, Indonesia at Pilipinas. Quezon City: Sentro
ng Wikang Filipino, University of the Philippines.
Frank, K.D. , D. Warring and S. Hunter. 1999. “Creating Partnership: Gateway to Embracing Diversity and Multiculturalism, in Creative Partnerships: Gateway to Embracing Diversity and Multiculturalism & Multicultural Education: Crossing Borders for Equity and Justice, C. A. Grant, ed. USA:NAME.
Gadamer, H-G.1989. Truth and Method, 2nd rev. ed. Continuum.
Gonzalez, A. 1980. Language and Nationalism: The Philippine Experience
Thus Far. Quezon City: Ateneo.
Habermas, J. 1987. Knowledge and Human Interest. Polity Press.
Nolasco, R. “Maraming Wika, Matatag na Bansa,” Keynote na Talumpati sa 2007 Nakem Conference, Mariano Marcos State University, Batac, Ilocos
Norte, Philippines, May 23, 2007.
Pinker, S. 1994. The Language Instint: How the Mind Creates Language. New
York: HarperPerennial.
Rawls. J. 1971. A Theory of Justice. Mass.:Harvard University Press.
Rubico. G. 2007 (date downloaded), “The Metamorphosis of Filipino as National Language,” Language Links.org, http://mannurat.com/
Smolicz, J. 1980. “Language as a Core Value of Culture,” RELC Journal 1980.
Smolicz, J. and I. Nical. 1997. “Exporting the European Idea of a National Language: Some Educational Implications of the Use of English and Indigenous Languages,” International Review of Education. 43.
____________1966. Proceedings of the 1934-1935 Constitutional Convention. Manila: Lyceum Press.
Honolulu, HI
Agosto 2007
4 comments:
Iyan ang tiranikal na impluwensyang hinubog ng mga kapangyarihang kolonyal sa aparatung kultural ng mga sinaunang natibong liderato sa P/Filipinas. Pinatindi pa iyan ng kapit-tukong pagtataguyod sa Maynila bilang sentro ng lahat--isang "nanglalahat na sentro" nga. At alam naman natin na ang Maynila ay nasa kaibuturan ng rehiyong katagalugan.
Sa pagdaan ng panahon, wala nang inisip ang mga taong probinsya kundi ang makapunta sa Maynila pagkat ipininta na ng kolonyal na diwa sa isip ng mga P/Filipino ang larawan ng isang paraisong nangangako ng pag-asa tungo sa pinapangarap na karangyaan, kasayahan at kariwasaan na diumano'y matatagpuan, mararanasan at mapaglilibangan sa Maynila. Ngunit isang rekisito ang nasa likod ng lahat ng ito: ang walang-pagtanggi at tuwirang pagtanggap at pagyakap sa wikang Tagalog bilang lenggwahe ng sibilisado at kulturado pagkat sa simula pa'y naidikta na sa kamulatan ng karaniwang P/Filipino ang ganitong kolonyal na kaisipan. Nagmula nga ito sa kaisipan ngunit ang nanggagahis na anyo ay kongkretong nagkaroon ng mga kapahayagan sa mga institusyong ibinabando ang kapangyarihan hindi na lamang sa Kamaynilaan kundi parang bagyo't ipu-ipong sinasalapsap ang buong arkipelago taglay ang teroristang layunin na gawing Tagalog ang lahat sa pamamagitan ng isang mapandayang programa na kinapapalooban ng sinalamangkang paninindigan na ang Tagalog pala ay P/Filipino.
Kasama ng panlilinlang ang "air-tight" na ilusyon na ang pambansang kaunlaran ay matatamo lamang sa pamamagitan ng malawakang sentralisasyon ng lahat ng dimensyon ng buhay sa isang bansa at ang pinakamahalagang (kung hindi man isa sa pinakamahalagang) elemento ng sentralisasyong ito ay nakasalalay sa pagkakaroon ng iisa lamang at natatanging wika. Sa totoo lang, karamay ang ganitong kaisipan sa malawakang pagpapatiwakal ng isang bansa pagkat sa sentralisasyon ay kaakibat ang pagwawalang bahala at pagwawalang kabuluhan sa dapat sana'y masugid na pagpapa-unlad ng maraming sentro na matatagpuan sa iba't ibang rehiyon ng kapuluan.
Hangad nati'y makatuwirang pagpapahalaga sa isang demokratikong buhay at isang demokratikong pagpapahalaga sa isang makatuwirang buhay. Ngunit nawalan ng puwang sa isipan ng marami sa atin ang katuwiran ng isang demokratikong pagpapaunlad sa isang disentralisadong kalagayan na maaari lamang magkaroon ng matinding kaganapan sa napakaraming sentrong rehiyunal sa Filipinas. Iyan sa palagay ko ang may-napakalakas-na-pwersang pangako ng isang pakikibaka at pagkilos tungo sa isang bansang pinalakas ng malalakas na sambayanang nagsasalita ng kani-kanilang mga wika. Isang pakikibaka at pagkilos din iyan na di man natin isipin ay magpapalaya sa atin sa isang isinaksak-sa-lalamunang katarantaduhan na P/Filipino ang ating pambansang wika.
Ruel,
Hindi mo alam kung papaano mo ako pinaligaya sa ganitong makatwiran at makatarungang pag-iisip. Tunay ngang ang Agosto ay buwan ng wikang pambansa subalit ang personal kung pangarap para sa bayan ay darating ang panahon na hindi na natin ipagdiriwang ito tuwing Agosto dahil ipinagdidiriwang natin ang maraming mga wikang pambansa sa bansang ito araw-araw--at araw-araw dahil isinasabuhay natin na walang palya. Mabuhay ka at mabuhay ang mga nakakaintindi sa pagkilos na ito.
Nagpupugay ako sa iyong mga mapagpalayang ideya.
Ariel, mas natutuwa ako at nasisiyahan pagkat ang lahat ng ito ay matagal ko nang isipin at 'yun naman pala'y matagal ka na riyan na nagpoprograma at kumikilos para sa ganitong dakilang layunin. Pasalamat talaga ako kay Dennis at hindi lang niya ako niyaya sa UP Manila nang mag-lecture ka doon.Ibinigay pa niya sa akin ang background ng taong maglelecture at ang programa at pagkilos na nasimulan mo na. Sabi nga ni Che Guevara, "Hasta la victoria siempre!"
Hanggang sa muli. Sumaiyo nawa ang mga enerhiya ng mga anito.
Ruel,
Kapag ang gerero ay nakakatagpo ng kapwa gerero ay anong inam! Pero sa totoo lang, ang mga kumikilos sa sambayanan ay nagkakakilala sa kutob--o sa pamamagitan ng kutob ay nakikilala mo ang kapanalig at kapwa dumadangadang. Ganun din na napagtatanto mo kung sino ang may isip na ginawa nang raisin o prune ng pananagumpay. At kayrami nila sa ating palagid! At napakapangyarihan sila sapagkat kunektado ay nasa first-name basis sila ng mga nasa poder. Nakakatakot sila--pero hindi tayo naduduwag sa ganun eksena. Sa pamamagitan ng ating lakas at tuloy-tuloy na pagkilos sa ngalan ng kakaibang anyo at hugis ng kalayaang ito, nawa'y basbasan tayo ng mga anito.
Isang pagpupugay para sa iyo, kasama at kapanalig.
Post a Comment