Another wife is dead, stabbed many times by her husband who also tried to stab dead himself. He has been arrested.
News around the island, Honolulu, Nov. 11, 2007
Hindi sa indayog ng panaksak o ng dami ng tama
ang sukatan ng pagkalalaki. Naroon sa buhay
na pagtibok ng puso, ang palagiang pagkitil
ng mga agam-agam sa magdamag kahit sabihin
pang sa umaga ay babatiin ka ng mesang pupungas-pungas
sa paghihintay ng masaganang magdamag.
O ng paghimagas na mura na kakambal
ng sauladong pagbigkas ng pagmamahal
sa gabing nag-aapoy ang hita ng dispalinghadong
kabiyak. Lalaki siyang naturan, lalaki rin kami
at sa aming balikat ang pasanin ng pagkandili
at kayraming litanyang nakaimbak sa aming isip
mga siphayong kaban-kaban ang dami.
Nakakagaan sa palad o nakakuyom na kamay
ang pagbunghalit subalit ang pagwakwak
sa dibdib ng may dibdib ay sa demontres ng galit.
Sabihin nating mahirap mabuhay sa dayo
sapagkat dito, ang gabi ay ninanakaw, hinahablot
sa araw, at ang pagtulog ng mahimbing
ay isang pangarap ng kayhirap makamtan.
Subalit wala rin sa bumubulwak na dugo
ang kasagutan ng ngalit o ng tanong sa tanong.
Ngayon ay kausapin ang bangkay
ng pagsisi. Uutas ka pa ba ng mga pangarap
sa ginhawa gayong ang paglalaanan
ay sa bayang iniwan na ang balik upang
di na muling mandarayuhan sa iyong piling?
Wala na ang tatanggap ng mga bulong
o ng mga halinghing o ng pag-indayog
sa katawang ang sariling kainaman lamang
ang sukat ng kaalaman sa pag-irog.
Ikaw na nga ang hari ng mga nabalong sandali:
sa iyo na ang kaharian ng pagsintang tiwali.
Nasaan sa iyong bibig o dila ang linya
ng kanta tungkol sa asawang minamahal
at hindi kinikitil ang buhay?
Lalaki rin kami, at tulad ng iyong pasanin,
limpak-limpak din ang aming alalahanin.
Naghahanap din kami ng pang-agdong
sa araw-gabi ng aming pagpapagulong-gulong.
At dito sa bayang dinatnan, tatakatak ang pawis
at ang oras ay tanging panginoon.
Pero sa isip namin ay ang hinahon--
ang pagsasapahupa ng sariling daluyong:
pagbabasbas sa litid, maghahatid ng dasal
sa lahat ng sulok ng puson, at doon,
sa mga bayag ng pag-iimbot, doon bubulwak
ang salita ng nakagagaling na pagbangon.
Hindi kailangan ang pangungatang ng buhay,
lalaki sa dilim. Sa liwanag ay ang katubusan
ng mga pasakit sa mga daang nagpapaligoy-ligoy.
A Solver Agcaoili
UH Manoa, Nov 11/07
No comments:
Post a Comment