Sana Di Ka Umalis, Ani ng Bunso

(Pasintabi: Isusulat ko ito para kay Leah Francine. Balang araw, mababasa niya ito--alam kong nakakabasa na siya sa gulang na anim, subalit di pa niya kayang arukin ang tagong damdamin sa talaang ito. Pakasipin nawa ng bunsong hirang na hindi nagliwaliw ang kanyang ama kundi naghanap--at naghahanap pa magpahangga ngayon--ng paraan upang makabili ng panahon at espasyo para makaupo at maharap ang mga kahingian ng kanyang sining.)

Ganito ang henesis ng ulat na ito: Tumawag ako sa Filipinas upang kumustahin ang angkan. Ang bunso ang nakasagot--na palagiang nangyayari sanhi ng pagkakaiba ng oras sa Honolulu at sa Marikina.

Kumusta, anak? tanong ko.

Mabuti lang naman po, ang tugon, may kung anong lungkot sa tinig. Kailan lang niya nalikha ang ganitong tugon, na bago-bago sa aking pandinig. Tuwu-tuwina ay napapangiti ako sa ganitong tugon.

Anong ginagawa mo? tanong ko.

Sana, papa, huwag ka nang umalis, sabi niya. Diretsahan ang pag-iwas sa aking tanong. Ayaw magpaligoy-ligoy.

Sana, papa, dito ka na lang. Huwag na sa malayo, dugtong niya.

Isang hiling, isang kahilingan ng isang supling na pagkadilat pa lamang ay iniwanan nang lumaki na wala ako sa kanyang piling sa araw-araw.

Ang tuwing tag-araw na bakasyon ang siyang tanging panakip-butas ng aking pagliban, ng aking paglayo, ng distansiya sa aming buhay at alaala at ugnayan pang-araw-araw.

Sabi niya: Kung di ka na umalis, madali akong magsasabi ng problema. Madali akong makapagsumbong sa iyo kapag inaaway ako nina kuya at ate.

Di ako nakaimik--pero di rin ako nagpahalata.

May nagbara sa aking lalamunan.

Simula nang matutong mangatwiran ang bunso ay sinusorpresa ako ng mga ganitong pangungusap na naglalaman ng mga mapapaklang leksyon ng pagiging mandarayuhan.

Sa pagiging exilo, ine-exilo rin ng exilo ang kanyang damdamin--kinakailangan ito--upang mairaos ang arawang lumbay na kapwa exilo lamang ang makakaintindi. Na sa paglaon ay kabisado ko nang gawin.

Subalit dumarating ang pagkakataon na nasusugat pa rin ang dibdib, ang mga salitang humihiling mula sa mga anak ang nagsisilbing panaksak, tumatarak sa isip.

Magdudugo at magdudugo ang utak. Napakahirap ang ganitong dalahin. Mahirap sa lahat ng mahirap.

Sapagkat sa isang magulang na tulad ko na kinakailangang lumayo at magpakalayu-layo upang makakita ng kawangis ng kusing na pang-agdong-buhay at upang sa malayo rin ay makalikha ng mga obrang kahit di obra maestra ay magawan na magkaroon ng panahon upang maupo at mag-isip, mag-isip at magsulat, at magsulat ng magsulat.

Sapagkat sa bayang sinilangan ay kakaiba ang kalagayan ng isang manunulat: kinakailangan maghanap-buhay ang manunulat, maghanap ng pagkain na mailalagay sa mesa para sa pamilya, mag-isip ng paraan upang mapag-aral ang mga supling, at makapag-ipon ng kusing din para sa kinabukasan.

Ibig sabihin, ang manunulat sa bayang sinilangan ay hinahablutan ng panahon sa pagsusulat sapagkat kinakailangan niyang makipagsabayan sa katulad ng nino mang naghahanap-buhay.

Sapagkat ang manunulat sa atin ay kinakailangang umasa sa sahod kung di kayang magpatayo ng negosyo--at umasa sa kikitain ng kanyang mga libro, kung meron man.

Ayokong pakaisipin ang nangyayari sa ibang bansa. Dito sa dayo, hindi rin pare-pareho ang pagkakataon na naibibigay sa mga manunulat. Ang kawalang ng oportunidad kahit saan at tila isang unibersal na kalagayan sa malikhaing pagkatha mula sa mga posibilidad ng santipikado at sagradong wika.

Marami din sa Estados Unidos ang mga manunulat na nagbabanat ng buto upang mabuhay, mga manunulat na kinakailangan harapin kung saan kukunin ang kanilang buwanang renta, ang panggasolina, ang pambili ng gamot sapagkat hindi makayanan ang seguro para sa kalusugan.

Ganyan-ganyan ang maraming manunulat na Filipino, at lalo na ang mga manunulat sa mga inieetsapuwerang mga lengguwahe sa Pinas tulad ng Ilokano.

Tanging ang mga manunulat sa Ingles at Tagalog ang tila nakakaangat--isang pribilehiyong kakambal ng mga aksidente ng kasaysayan ng bansa na nakakabit sa balorasyon na ibibigay sa dalawang wikang nabanggit.

Aminin na natin ang hubad na katotohanan: ang manunulat sa atin ay umaalis sapagkat walang paraan na makakayanan niyang isabalikat ang ekonomikong tungkulin kung sa pagtuturo lamang ang inaasahan sa pagtugon sa pangangailangan sa araw-araw na buhay.

Kung ang manunulat sa inietsapuwerang lengguwahe ay walang minanang milyon-milyon, mahirap pakaisipin na magkakaroon siya ng pagkakataong todo-todong seryusohin ang tungkuling maging taga-tala ng kolektibong alaala ng bayan.

Kalimutan na natin itong ganitong ilusyon sapagkat ang paglikha--sa panahon ng lantarang inhustisya sa isang lupain at bayan at pamayanan--ay isang kalbaryo.

Kalbaryo sapagkat nangangailangan ng panahon--na wala naman sa manlilikha sapagkat kinakailangan niyang kumayod.

Kalbaryo sapagkat nangangailangan ng rekursos--na wala naman sapagkat ang manlilikha ay isa lamang sahuran.

A, kahit sa dayo, ang manlilikha ay di pa rin nakakalaya sa karsel ng pagdarahop sa bulsa, sa isip, sa dibdib, sa papel, sa tinta, sa pluma.

Pero kahit na, sisikapin pa ring magsulat sa kabila ng kahilingan ng bunso na di na sana aalis pa ang makata upang nandiyan lang lagi sa tabi ng anak kapag ito ay nangangailangan ng kakampi sa kanyang pagmamalay.


A Solver Agcaoili
UH Manoa/Nob 26. 2007

No comments: