POST-SABBATICAL NOTES. 19 AUG 2014. TUESDAY. N2.
'Panata ng ibang-ibang makabayan.'
'Panata ng ibang-ibang makabayan.'
INIIBIG ko ang Filipinas, ang lupain na nagsimula sa pagkilala sa sariling dangal, pero ngayon ay nagkakait ng dangal sa iba lalo na sa mga hindi nagtatagalog at nagpifilipino, lenggwaheng kanyang isinasaksak sa lalamunan ng lahat na mamamayan.
INIIBIG ko ang Filipinas, ang lupain ng mga naghihimagsik at pag-aaklas na ang mga naunang paghimagsik at pag-aklas ay yaong sa mga komunidad etnolinggwistikong nasa labas ng alkitrang at sementadong gubat ng Kamaynilaan at Katagalugan.
INIIBIG ko ang Filipinas, ang lupain ng mga ayaw sa dayuhang mananakop pero ngayon ay sinasakop ang buong kapuluan at ginagawang uto-uto nga ibang komunidad, ginagawang payaso ang iniibang pamayanan, ginagawang tau-tauhan ang di sumasang-ayong sa kanyang tiranikong pamaraan sa ngalan ng nasyonalismong peke sapagkat para lamang sa pinipiling iilan.
INIIBIG ko ang Filipinas sapagkat sa kabila ng panggagago sa ibang lahi na wala sa kanyang listahan ay ibig ko pa ring itong magbago, maging nasyon estado ng katarungang panlipunan, ng demokrasyang kultural, ng mapagkalingang diversidad na muhon ng tunay na kairalan, at ng edukasyong nagpapalaganap ng tunay na kalayaan.
Iniibig ko ang Filipinas. Pero hindi niya ako inibig kahit kailan.
No comments:
Post a Comment