Pamilyar ang eksenang
ganito sa mga pobreng
tulad natin
na nagkakasya
sa kamoteng kahoy
sa lason
sa alanganing paghinga
sa alanganing pagkurap
ng sansaglit
upang makalimot
ang isip
di maalala ang sangsang
ng lamang nagiging putik,
ninanaknak ng kahirapan
sa nagdadalamhating magdamag.
Kung bakit ang mga gutom
ang tinatamaan ng trahedya
ay kay hirap intindihin
ang mga hiwagang
walang pamagat
walang saysay kung minsan
walang kahulugan
sa uniberso ng mga kahulugang
pati iyon ay ipinagkakait
sa mga musmos na pangarap
sa Bohol man ngayon o
sa Escalante noon
sa Marag man noon o
sa Kamindanawan ngayon.
Iisa ang padron
ng ganitong kuwento
ng paghigop ng luha
ng pagbibilang ng pagkabagot
sa paghihintay ng pagpula ng araw
pagkatapos ilibing ang lahat
ng sama ng loob
sa himlayan ng mga rebolusyong
bumigo sa atin.
At tulad sa lupang
hayok sa pagyakap
sa mga bangkay
ng pangarap na mura
na ngayon ay inaangkin
ng wala
susubaybayan natin ang balita
at ibang mga balita
tulad ng ganito:
mga pag-asa ng bayan
ibabaon sa hukay
sanhi ng mga lasong
di naman sana
nakamamatay.
A.S. Agcaoili
Marso 12, 2005
2 comments:
anian a panagsala dagiti lua, apo lung-aw. makikammaysada kadagiti dung-aw dagiti kinapiman a di maitabon dagiti malem wenno bigat.
ditay mabalin ti maturog, apo lung-aw. masapul ti panakipagpuyattayo iti agpatnag. anian a kinadaksanggasat! makabibi ta makabibi!
Post a Comment