WAYAWAYA-Kabanata 2

(ISANG NOBELANG MAY 54 NA YUGTO)





Ni Aurelio S. Agcaoili





Wayawaya. Kalayaan. Freedom. Kuwento ng limang henerasyon ng isang pamilya na testigo sa kasaysayan. Simula kay Ina Wayawaya noong huling bahagi ng ika-19 na siglo hanggang kay Wayawaya sa kasalukuyan, ang kuwento ng rebolusyon ay nananatiling di tapos na dula ng buhay ng mga Filipino. Mailap ang katubusang pangako nito. Laging lumalampas sa palad ng mga nangangarap ang kalayaan para sa inangbayan—ang buong-buong wayawaya para sa sambayanan.

Isasadula ng nobelang Wayawaya ang masalimuot na kuwento ng mga kababaihan sa pamilya Agtarap na nag-alay ng sarili para sa higit na malaking sanhi—ang wayawaya na nakabatay sa panlipunang katarungan.

Magsisimula ang kuwento sa kasalukuyan—sa People Power II—at magtatapos din sa kasalukuyan. Subalit pumapaloob ang kuwento sa iba’t ibang pook at panahon ng mga pangyayaring kinakasangkutan ng limang Wayawaya. Ang pagsasaksi ay sa kanilang puntodebista.

Limang Wayawaya ng limang henerasyon ng mga Agtarap—silang mga malay at mulat na tauhan sa di natatapos na kasaysayan ng pakikipagtunggali para sa pagkapantay-pantay, para sa kaunlaran, para sa kapayapaan.

Limang Wayawaya—limang pangarap. Limang Wayawaya—limang kuwento ng pakikibaka. Ng kaligtasan para sa sarili. Ng kaligtasan kasama ang kapwa.















Kabanata 2

Wayawaya. Laya. Tulad ng duguang araw. Tulad ng mga gabing inangkin ng mga bulaang propeta, sabi ng mga tinig kay Nana Wayawaya habang ang madla ay abala sa pakikinig sa Pangulo ng pagilian. Nakikipagpaligsahan ang mga tinig sa dagundong ng pangako ng Pangulo sa mga tao: “Lilikha tayo ng bagong kasaysayan. Iguguhit natin ang kuwento ng ating kabayanihan sa mga bukid at parang na magbibigay sa atin ng ginhawa at kasiyahan. Magbabangong-dangal tayong lahat. Sa ating pagtubos sa ating kasaysayan, wala ni isa ang mapag-iiwanan. Dadalhin natin sa ating panahon ang katuparan ng malaon na nating pangako. Pagkain at kalayaan. Katarungan at pagkakakitaan. Buhay at kasarinlan.”

Hindi, sabi ni Nana Wayawaya. Hindi.

Hindi, sabi ng mga tinig. Hindi.

Nangangako ako, sabi ng Pangulo ng pagilian. Ipinapangako ko ang pagbabagong ganap. Saksi ko ang haring araw na signos ng ating magandang buhay.

Hindi, sabi ni Nana Wayawaya. Hindi.

Hindi, sabi ng mga tinig. Hindi.

Makikita ni Nana Wayawaya ang mahabang gabing gagahasa sa liwanag ng batambatang araw. Gagapangin ng mga karimlan ng gabi ang liwanag, isisilid ang lahat ng araw sa mga aparador at lakasa at kahon na dala ng hangin mula sa Laud at ditto, dito sa Sinamar ng mga pangako ng paglaya at kagampan, maghahari ang mahabangmahabang dilim. Maliwanag ang mga signos ng mga hangin: Simula ngayon ng rehimen ng mga luha at takot at pangamba at pagkaduhagi. Simula ngayon ng paghukom ng mga mapagsamantala.

Hindi, sabi ni Nana Wayawaya, ikaapat sa angkan ng mga Wayawaya simula pa noong itakda ang kasaysayan ng angkang Agriing.

Ang simula ay kay Ina Wayawaya, kaluluwa ng mga unang ninuno ng Agriing nang paslangin ang paring si Kuse. Napagbintangan si paring Kuse, kasama ang dalawa pa, na namuno sa pag-aaklas sa isang malayong probinsiya ng mga malapit sa Kailugan pagawi sa Timog.

Ang pangalawa ay ang anak ni Ina Wayawaya sa pagkariwara sa pareng Kastila, si Bai Wayawaya.

Ang pangatlo ay ang anak ni Bai Wayawaya na isinilang sa kuta ng mga magdadangadang, si Apong Wayawaya. Naging baglan si Apong Wayawaya.

Pang-apat si Nana Wayawaya, ang sisidlan ng mga tinig, anak ni Apong Wayawayasa isang gerilya.

Panglima si Ina Baket Wayawaya, ang ina ng aking ina na pinatay sa karsel dahil ayaw magsalita. Pinili niyang manahimik, pinutol ang kanyang dila.

Pang-anim ang nanay ko, ang nagpamana sa akin ng mga tinig, ang nagpauso sa akin ng pangamba at takot at tapang at panaginip. Pinatay ng mga vigilante ang nanay ko. Ginahasa muna, pinilahan sabi ng mga saksi. Binusalan ng basyong bala na binalot sa karsonsilyong marumi at luma, karsonsilyong sa kumander na may rosaryo sa leeg at may agua bendita sa tagiliran. Mahal naming ang Diyos, sabi ng kumander na paulit-ulit, ayon sa saksi. Mahal namin ang Pooong Maykapal na may gawa ng langit at lupa kung kaya’t kayong mga rebelde, kayong kampon ng demonyo ay nararapat lamang na lipulin. Puksain. Tapusin. Ngayon na ang panahon ng liwanag ayon sa kagustuhan ng Diyos dito sa lupa. At kami, kami ang mga tagapagpatupad ng nais ng Pangulo sa atin. Katahimikan. Kapayapaan. Magandang bukas. Maalwang buhay.

Anong bukas ba ang ipinangako ninyo?

Anong kaunlaran ba ang inihahain ninyo para sa ating lahat?

Amasona!

Lipulin ang salot!

Puksain ang mga kontra!

Tapusin ang tiwali!

Ang magaspang na tinig ang kumander ang bumasag sa katahimikan sa bandang iyon ng kagubatan. Palubog na noon ang araw sa Laud, doon sa pook na pinanggalingan ng angkang Agriing. May dugo sa pisngi ng araw, dugo ng mga nag-alay ng buhay sa ngalan ng bayan sabi sa akin noon ni Bannuar, ang aking si Bannuar, ikapito sa kaputotan ng nga Agtarap.

Ako si Ka Laya, ikapito sa angkan ng mga Agriing, angkan ng mga Wayawaya na paulit-ulit na isinisilang sa sinapupunan ng mahabang dilim, sa kanlong ng mga arestadong gabi at bukang-liwayway at panaginip.

Isang sumpa ang pagiging Wayawaya tulad ng pagiging sumpa rin ng pagiging Agriing.

Walang katapusang sumpa.

Walang ngalang sumpa ng pagkamatay upang muling mabubuhay, mabubuhay na mag-uli sa mga ngalit at galit at pakikipagtunggali ng lahat na pinagkakaitan ng kasaysayan. Isang araw ay sinapian ako ni Ina Wayawaya, araw noon ng aking unang rali.

Bago pa man, dumarating nang parang rumaragasang ulan ang mga palatandaan.

Mananaginip ako, mananaginip ako ng mga sulo at itak at karit at latang-latang dugo.

Araw at gabi mananaginip ako ng isang malaganap na sakripisyo, isang malaking piging ng mga babaeng nakikipagdangadang.

Sa isang panukulan ito nangyari, isang panukalang ang tumbok ng lahat ay apat na magkakamukhang antigong bahay na bato. Nakikita ko ang mga ladrilyo nitong pinagdugtong-dugtong ng mga dugo, halu-halong dugo. Nakaduanaig kaming lahat, kaming nakikipagtunggali, duanaig noon ng mga kababaihan noong kapanahunan ni Ina Wayawaya, ang una sa lahat ng mga Wayawaya.

Nagsasalita ang mga babaeng nakaduanig o umaawit—hindi ko alam.

Nasa hardin kami ng apat na magkakamukhang antigong bahay na bato.

Di ko mawari kung saan talaga naroon.

Minsan nasa isa ako, doon sa bahagi ng malinis na ilog na tutumbok sa mapayapang karagatan.

Minsan naroon ako sa patungong silangan, doon sa lugal ng mga linang at kaparangan, doon sa lugal ng nagmimilagrong dulang, nagmimilagro ng awa at limos at buhay at basbas.

Minsan si Bai Wayawaya ang nagiging Ina Baket Wayawaya.

O si Nana Wayawaya ang nagiging Ina baket Wayawaya.

O si Apong Wayawaya ang nagiging Nanay ko na nagiging ako, si Ka Laya.

Sa mga signos nabubuo ang panagimpan: magsasanib ang mga espiritu ng angkan, magiging isa ang mga anito, magtatagpo ang mga kaluluwa sa diwa ng kaisahan.

Ngayon ay payapa ako sa kailaliman ng mga dagat at tubig at batis. Kinakanlong ako ng mga panahong tumatahi sa lahat ng signos ng aming sumpa.

Makikita ko ngayon si Ina Wayawaya, puno’t dulo ng aming sumpa.

Hindi natin kayang takasan ang kasaysayan, sabi ni Ina Wayawaya. Malalim ang kanyang tinig, tumatagos sa karimlang iyon ng Sinamar at mga karatig pook. May lungkot sa tinig na iyon, may garalgal sa pagkakabigkas ng mga salita, may di kayang maipaliwanag na pagbabanta sa sino mang nagbabalak na tumalikod sa sinumpang tungkulin sa bayan. Hapo ang tinig, tila nanggagaling sa sinapupunan ng lupa.

Sinamantala noon ng bagyo at baha ang Sinamar. Bago yon, may pagyayabang ang mga bukirin sa kanilang pangako ng masaganang ani. Milagrosa ang bigas, sabi noon ng Pangulo, milagrosang magbibigay ng pagkakabusog sa lahat ng mga maglulupa at sa mga mamamayang umaasa sa basbas bi Apo Lung-aw. Ginhawa para sa nakararami. Gin-awa iti kaaduan. Paulit-ulit na binibigkas ito ng Pangulo hanggang sa ang mga nagdarahop ay nakumbinsi sa katuwiran ng propaganda ng pamahalaan.

Walang magsasanla ng sikmura, sabi pa. Walang magsasanla ng almusal.

Ang sarap pakinggan ng Pangulo.

Kay sarap pagmasdan ang pinuno ng bayan sa kanyang salamangka.

Minsan, naroon ako sa pagtungong kanluran, doon sa lugal ng kambal na simbahan, testigo ng aming kahibangan. Nangawala rito an gaming mga anito, nagtago sila sa mga burol at nuno sa punso at alaala.



Minsan, naroon ako sa patungong timog, doon sa pook ng mga simbahang alay sa sari-saring patron. Patron ng kontra-bida. Patron ng kontra peste. Patron ng kawalan ng muwang.

Malayang naglalakbay ang aking kaluluwa at katawan at diwa.

Sumasama lamang ako sa ihip ng hangin, sumusuot sa mga butas ng mga bintana o pintuan at maiiwasan ko ang mga guwardiyang nagbabagu-bago ang mga kasuotan at mukha at armas.

Minsan mukha silang guwardia sibil, bihis ang yabang ng mga mananakop, bihis ang yabang ng mga guwardiya sibil—ng nauna pang panahon.

Sa mga palatandaan, makikita ko si Nana Wayawaya na nagiging si Ina Wayawaya, dalawang Wayawaya ng magkaibang panahon, subalit nagiging isa, pinagiisa ng mga kuwento ng pagkasupil at pag-aalsa, pagkaalipin at paglaya.

Ninakaw ng mga pinagkakaitan ang Santo Niño Jesus isang araw bago magsimula ang unang misa.

Lumaganap agad ang balita tungkol sa pagnanakaw.

Nagdilim ang paligid.

Nag-iiyak ang Unang Ginang, ang Unang Ginang ng lahat ng aming panaginip, kami na kinalimutan ng kasaysayan.

Sabi ni Unang Ginang: Ibalik ninyo ang Santo Niño Jesus.

Ibalik ninyo ang kanyang katedral.

Ibalik ninyo sa kanyang ginintuang luklukan. Babayaran ko ang inyong pagod sa pagnanakaw ng Santo Niño Jesus.

Isosoli ko ang inyong inaksayang panahon.

Babayaran ko ng pananakot.

Babayaran ko ng pagdurusa.

Babayaran ko ng dasal para sa iyong kaparusan.

Gagapang kayo sa dura.

Gagapang kayo sa putikan.

Gagapang kayo sa burak.

Umiyak ng umiyak ang Unang Ginang, sumisinghot sa kanyang panyolitong asul, asul ng Birheng Ina ng Diyos.

Umiyak ng umiyak ang Unang Ginang, nagtangis dahil nawala ang Santo Niño Jesus at ang mga diamante sa kanyang suot, ang gintong korona nito.

Ibabalik ng mga anito ang rebulto, iluluklok sa altar ng aming pagsuyo.

Ang pangalan ko’y Wayawaya. Baligtad ng lahat ng aking pagkasino, ako na supling ng lahat ng pasakit.

Naunang pinaslang ang aking ama. Pauwi siya noon mula sa aming bukid sa may Paratong malapit sa detachment ng mga sundalong tumutugis sa mga rebelde.

May sakupit si Tatang, ayon kay Ikit Marya, kapatid ni Nanang. Sa sakupit ay ang pasalubong sa akin: sinigwelas na dilaw, sampalok na manibalang, saging ng tsonggong ginagawa naming laruan ni Bannuar Agtarap, ang ikapitong Bannuar sa angkan ng mga Agtarap. Niluluto namin ang saging ng tsonggo, ginagawa naming atang para sa lahat ng mga bayaning nauna nang namaalam.

Agtarap din si tatang pero hindi siya sinapian ng mga anito ng mga ninuno. Hindi inangkin ng mga palatandaan.

Tinambangan ng mga sundalo ang aking Tatang, pinilit na ipaamin ang pagpaslang sa umaga at gabi at takipsilim at iba pang kalabisan.

Kinuryente ang ari.

Pinaupo sa bloke ng yelo.

Kinuryente muli ang ari.

Ibinitin ng patiwarik.

Ikinulong sa palikurang taon nang di nalilinisan.

Hinubaran, isinama sa kulungan ng mga baboy na alaga ng pinuno ng detachment. Pinadilaan ang upuan ng kubeta. Nanlilimahid ang upuan ng dumi ng tao, ihi, dura, plema, alikabok, putik ng paa.

Magsalita ka, maglilinang! Utos ng pinuno ng detachment. Sabihin mong ikaw ang kumitil sa ningning ng haring araw!

Nagpapakain ako ng mga mamamayan, sabi ni Tatang.

Pinapakain mo ang mga rebelde, sabi ng pinuno. Tinyente ang tawag ng kanyang mga tauhan sa kanya.

Lahat ng nagugutom pinapakain ko, sagot ng aking Tatang.

Kapatid mo si Kumander Ili Agtarap, sabi ng tinyente.

Lahat ng mga nakikisilong sa aking tahanan ay kapatid ko.

Kumukupkop ka ng mga rebelde, rebelde ka.

Nakakabatid ako ng tama at mali.

Kayong mga rebelde, kailan man ay di kayo tama. Ang Pangulo ang tama. Ang Unang Ginang ang tama. Ang batas military ang tama.



Pinapaningning ko ang sinag ng araw, sabi ni Tatang.

Agtarap ka! Rebelde ka! Itinutok ng tinyente ang kanyang kuarentaisingko sa sentido ni Tatang.

Nakaupo si Tatang sa bloke ng yelo, walang salawal.

Kuryentehin! Utos ng tinyente. Ibinalik ang baril sa kanyang tagiliran. Itutok sa ari!

Itinali si Tatang sa poste, tulad ng ginawa kay Uliteg Ili nang ito ay mahuli pagkaraan ng limang taon.

Kinaumagahan, ipinarada ang bangkay ni Tatang sa buong Sinamar. Butas ang sentido, butas ang tagiliran, nakabalot ng abel Ilukong sinungkit ng mga sundalo sa sampayan.

Limang taon pa lamang ako noon, si Bannuar ay anim.

Naglalaro kami noon ng bahay-bahayan ng sabihan ako ni Bannuar: Si Uliteng, ang Tatang mo, natagpuang patay!

Natutulog, sabi ko. Hindi mamamatay si Tatang.

Patay na si Uliteg!

Natutulog!

Patay na!

Natutulog sabi! Ang daya-daya!

Wayawaya, pinatay ang Tatang mo!

Bannuar, ayoko ng ganyang biro. Ayoko nang maglaro ng bahay-bahayan.

Kinuka ko ang dalawa naming anak na yari sa basahan. Itapon ko sa apoy na pinaningas ni Bannuar. Nilamon ng apoy ang aming mga anak.

Nagmistulang dambuhalang halimaw ang apoy.

Kitang-kita ko rin ang pagbabago ng anak naming yari sa basahan hanggang sa naging halimaw ang mga ito.

Ang lalaki’y naging kamukha ng Pangulo.

Ang babae’y naging kamukha ang Unang Ginang.

Sa pusod ng dambuhalang apoy, nagdidiskurso ang Pangulo, ipinapaliwanag ang kanyang pagtatatag ng isang lipunang makatarungan.

Ang Unang Ginang ay nangangako ng kagandahan, katotohanan, kabutihan.

Inangkin ako ng mga anito ng mga ninuno, sumapi sa aking katauhan ang kaluluwa ng pitong salin-lahi ng mga Wayawaya.

At ako’y naging si Ka Laya.

At bukas sa panulukan ng mga pagtatangis at pangamba, bukas sa rurok ng mga taong nais, sasali ako sa martsa.

2 comments:

rva said...

how i wish mangsurat/makasuratak met iti kastoy, mang ariel. nagbilegen, aya, dagitoy a tedted ken kur-it ti plumam.

ariel said...

Dear RVA,
Dios ti agngina.
Manong A