Sa Lansangan ng ating mga Pangarap

(Kay Miles Barbaza, gurong nandarayuhan sa Gallup, New Mexico)





Isang osipong

palaisipan

ang kapalaran

nating lahat,

tayong

mga nandarayuhan

sa wika

sa diwa

sa isip,

tayong

nagtuturo ngayon

sa mga banyagang

kapanalig

sa pagiging exilo

sa ating nais.



Sabi mo ganyan din

ang mga katutubong

Amerikanong inagawan

ng lupa

ng langit

ng ligalig

ng libog

ng mga dayong

tulad natin

pero di rin

nating katulad.

Hindi tayo

nangmamangmang

kundi nagpapasimuno

sa pagpapagaling

ng sugat sa isip.





Nagtuturo tayo

ng mga taludtod

ng buhay

ng mga bersikulo

ng kaligtasan

sa pagbabalik muli at muli

sa lugar ng kaluluwa

tulad ng kuwento

ng hogan

na bahay

na tahanan din

balay na tunay

ng espiritung

nawawala sapagkat

nawawalay,

sumasalisi ng landas

lumalayo sa atin

sa duguang kalye

na ngayon

ay sa galit

humihiyaw,

nagbibihis muli

ng pula at kawalan.



Lumalayo tayo sa atin,

sa pook ng ating

puson

puso

pusod

at sa lamig ng gabi

at hangin sa parang

sa Gallup o sa Paracale

ng ating mga alalahanin,

iisipin nating ng libong ulit

ang kinabukasan

ng mga pangako

sa mga silid-aralang

pinagtaksilan

natin sumandali

at naglalaho

sa ating

nagkukunwaring

pagpipiging.



Malayo tayong tunay

sa atin at simula ngayon,

magtatapos ang ritwal

ng pagtawag

sa ating mga habilin,

tayong nag-iwan ng wika

ng pagbabalik

mula sa paglalakbay

sa mga lansangan

ng mga pangarap natin.





Aurelio S. Agcaoili

Torrance, CA

Nob. 10, 2005





No comments: