Lunes ng Tagsibol

Ngayon ay Lunes
simula ng tagsibol
sa isip ng mga bundok
na nangangako
ng pamumukadkad
ng mga bulaklak

sa mga parang
na naghihintay
ng tirik na araw
sa dalampasigang

sa kabila nito
ay ang bayang iniwan
nakalimutan na
ang hugis ng apoy
uhaw sa darang.

Ang mga balikat
ng panahon ay kinukuba
ng pasanin ng pook
na dumadaan sa ritwal

ng taglamig
nag-iiwan ng lungkot
sa hanging habagat
na dumadampi
sa nagbeberdeng dahon.

Umaawit ang mga talulot
dito sa lungsod ng mga anghel
at ang mala-opyung insenso
ng kardinal ng kasalanan

ay pabango ng langit
na ang pisngi
ay sa naggagalak na diyos
nakikiawit sa mga ibon

nitong umaga
na naghahayag ng katapusan
ng mga dilim
sapagkat ang oras

ngayon ay singhahaba
ng pasensiya ng mga umalis
upang sa malayo
ay lilisanin ang lahat

ng lumbay at takot
sa pag-iisa
sa ilang hahanapin
ang halakhak
ng mga halamang
muling nabuhay.


Torrance, CA

No comments: