Pagtigil sa Pag-uwi sa Malayo

(Ikaw, itay, kailan ka ba titigil sa pag-uwi sa malayo? tanong ng panganay.)

Kailan nga ba titigil
ang manlalakbay
sa pag-uwi sa malayo
tulad ng pagbabalik
ng ibon sa kanyang inakay?

tulad ng pagpapakandong
ng araw sa gabi ng abot-tanaw
upang muli at muli
ay maghahanap ng pagsilang?

ang ibong sa kanyang inakay
ang araw sa kanyang pag-uwi
ay mga ritwal ng pagmamahal
tulad ng pag-alis upang ibalik

ang kapalaran sa mga pinggan
tulad ng pag-alis at pangarap
na muling sumamba sa templo
ng mga halakhak at paggiliw

ng mga anak ng iniwan
ng kabiyak na nagbibilang
ng paghalik ng butiki sa lupa
tuwing ang liwanag ay namamaalam.

Ay, ang gintong puno ng niyog
na itinamin ng umalis
ay hitik ang bunga
nagmamasid at nakikiisa

sa kandilang nagdarasal
sa paulitulit na paghingi
ng nakagagaling na pagpapala
ng mga umaga sa puso
ng mga naghihintay.

Kailan nga ba titigil
sa pag-uwi sa malayo
ang mga umalis upang magbalik
kasama ang bagong ngiti

sa kabila ng dula-dulaan sa kalye
sa kabila ng karahasan
ng mga nagmamahal sa bayan
mga may prangkisa ng tama

at totoo para sa mga mamamayan
nakalimot nang dumighay
ng mga may-ari ng ebanghelyo
ng katubusan ng sambayanan

sila na nakikinabang magpahangga
ngayon sa awit ng bigas, mais,
galunggong, dolyar
at marami pang pagpapakasakit

ng lahat ng mga umaalis
at iniiwan
makita lamang na ang namamaalam
na liwanag ay sa kanluran pa rin umuuwi

pagkatapos ng mahabang paglalakbay
makita lamang na ang ibon
ay makakalipad na malayang
papauwi sa kanyang inakay

dala-dala ang basbas
ng di kailan man maliligaw
na paghihintay?


Torrance, CA

No comments: