(Ang butil ng tulang ito ay galing sa tanong ng bunso:"Umuulan din ba sa bahay mo, papa?" Iba ang epekto ng tanong sa akin, tila magkahiwalay ang tahanan ng bunsong iniwan sa bansang nilisan at ang tahanan ng nandarayuhang magulang upang maghanap ng maganda-ganda sanang kapalaran. Kaya kay Nasudi Anchin ang tulang ito sapagkat sa kanya galing ang butil nito, butil na tila na nagsalansetang itinarak sa aking dibdib. May ulan noon nang tumawag sa tahanang iniwan at sa pook na kinahantungan ay may kulimlim din ang kalangitan.)
Ama akong nandaruyuhan, bunso,
lumayo, nagpakalayu-layo
upang sana ay masuyo at mapalapit
ang magandang kapalaran.
Kaysagana ang gutom
sa ating mga sikmura, bunso.
Singlamig noon ng mga umaga
ang iyong buntong-hininga nang
ika'y magtanong:
Umuulan din sa bahay mo, papa?
Sabi ng iyong
nakatatandang kapatid
na nagmamasid sa mga salita
sa pagitan natin
(ikaw na nasa oditibo
sa milya-milyang
agwat natin,
ako na naririto
sa kahabaan
ng mga lungkot
ng mga gabing banyaga)
na ibinaba mo sandali
ang piping telepono
at nagtungo sa bintana
upang tiyakin ang pagragasa
ng ulan habang rumaragasa
naman ang mga di mabawi-bawing gunita
ng hinaharap
na ginawa ko nang nakaraan
tulad ng pangako ko sa iyo ngayon
ng malapit nang pagbabalik.
Umuulan din ba sa bahay mo,
papa? tanong ng iyong munting puso.
May mga walang pangalang
hikbi ang kumawala sa aking dibdib.
Hahayaan kong umagos sa pisngi
patungo sa mga kanal ng higanteng
lunsod ang mga luha
ng mga magulang
na tulad ko.
Merong katubusan ng mga lungkot
sa mga pangako ng ulan
maski sa banyagang pook
ng mga pighati
ng mga amang nandarayuhan.
Iba na nga ang tahanan
ng lahat ng mga umalis, bunso.
Iba nga ang tirahan
ng lahat ng mga nagsilikas
upang maghanap ng kaligtasan
sa pisngi ng langit na luhaan
sa lugal ng pakikipagsapalaran.
Hindi ko alam na iba
ang balay ng aking mga panaginip
ngayon at ang ulan sa iyong sipat
at di ulan sa aking paningin.
Ngunit may talas
sa iyong diwa, bunso,
hinihiwa ang aking isip.
Nakikita mo ang ulan sa mga panahon,
at sa salitang binibitiwan
naroon ang gamot sa sugat
magpapahilom sa lahat ng kawalan
magbubuo sa lahat ng mga sinira ng ulan
sa ating nagpapagaling na puso.
Umuulan sa aking bahay, bunso,
tulad ng pag-uulan sa ating bahay
na aking iniwan sa panandalian lamang.
Pero darating ang paghupa, pangako.
Kasabay ng iyon ang daratal
na araw, maningning, kaydarang.
Ang sa ating isip ang ningning,
ang sa ating puso ang darang.
Marso 16, 2006
Carson, CA
No comments:
Post a Comment