Pag-ulan Sa Aking Tahanan (Bersyon 2)

(Kay Nasudi Anchin, sapagkat ang kanyang tanong ay tumatarak sa puso at kaibuturan.)



Ama akong nandaruyuhan, bunso,
lumayo, nagpakalayu-layo
upang sana ay masuyo at mapalapit
ang magandang kapalaran.

Kaysagana ang gutom
sa ating mga sikmura, bunso.
Singlamig noon ng mga umaga
ang iyong buntong-hininga
nang ika'y magtanong:
Umuulan din sa bahay mo, papa?"

Sabi ng iyong
nakatatandang kapatid
na nagmamasid sa mga sabik
na salita sa pagitan natin
(ikaw na nasa oditibo
sa milya-milyang agwat natin,
ako na naririto sa kahabaan
ng mga lungkot
ng mga gabing banyaga sa akin)
na ibinaba mo sandali
ang piping telepono,
mabilis na nagtungo sa bintana
upang tiyakin ang pagragasa
ng ulan habang rumaragasa
naman ang mga di mabawi-bawing gunita
ng hinaharap na ginawa ko nang nakaraan
tulad ng pangako ko sa iyo ngayon
ng malapit nang pagbabalik.
Umuulan din ba sa bahay mo,
papa? tanong ng iyong munting puso.


May mga walang pangalang
hikbi ang kumawala sa aking dibdib.
Hinayaan kong umagos ang luha
ng mga magulang nangibang-bayan
sa pisngi patungo sa mga kanal
ng higanteng lunsod na umampon
sa aking nagmamakaawang bisig.

Merong katubusan ang mga lungkot
sa mga pangako ng ulan
maski sa banyagang pook
ng mga pighati at panimdim
ng mga amang nandarayuhan.

Iba na nga ang tahanan
ng lahat ng mga umalis, bunso.

Iba nga ang tirahan
ng lahat ng mga nagsilikas
upang maghanap ng kaligtasan
sa pisngi ng langit na luhaan
sa lugal ng pakikipagsapalaran.

Hindi ko alam na iba
ang balay ng aking mga panaginip
ngayon at ang ulan sa iyong sipat
at di ulan sa aking paningin.

Ngunit may talas
sa iyong diwa, bunso,
hinihiwa ang aking isip.
Nakikita mo ang ulan
sa mga nangungulilang panahon,
at sa salitang binibitiwan
naroon ang gamot sa sugat
magpapahilom sa lahat ng kawalan
magbubuo sa lahat
ng mga sinira ng ulan
sa ating nagpapagaling na puso.

Umuulan sa aking bahay, bunso,
tulad ng pag-uulan sa ating bahay
na aking iniwan sa panandalian lamang.

Pero darating ang paghupa.
Pangako. Kasabay ng iyon ang daratal
na araw, maningning, kaydarang.
Ang sa ating isip ang ningning,
ang sa ating puso ang darang.


Torrance, CA

No comments: