Exilo, Exilo
Ngayon ay alam ko na: Na tunay na merong heograpiya ang kalungkutan at pasakit—at dito sa dayo, ang heograpiyang ito ay permanenteng residente sa nangungulilang dibdib, sa kaluluwang nagkakallautang, at sa pusong palagiang nangingibang-bayan. Ganun din na ang heograpiyang ito ay isang pasang-pasang krus na lumalampas sa mapanligtas na basbas ng panahon o ng angkin nitong galing na magpahilom ng mga sugat, sariwa man o mga peklat sa isip.
Tuwing umaga ng paglilingkod sa ibang bansa, ang silangan ang aking tungo: doon sa Diamond Head, ang panandang burol sa balikat ng islang ito na tumatanod sa malawak na karagatang Pasifiko, na, sa aking naglalayag na imahinasyon, ay karugtong ng di masukat-sukat na katawan ng katubigan sa isang bahagi ng bayang iniwan. May pagpapakahulugan ang pook ng aking pinaglilingkurang unibersidad: dito ipinapanganak ang araw. Gusto kong isipin ito—gustong kong panghawakang ito bilang isang susing pagpapakahulugan ng lahat ng pagpapakahulugan ng aking pagiging exilo.
Sa kanluran ang aking inuuwian kung kaya ang siklo ng aking pang-araw-araw na buhay sa dayo ay nakaangkla sa ikot ng aking maliit na mundo, sa inog ng araw, sa rebolusyon ng mga planeta ng kada dalawampu’t apat na oras na buhay at karanasan at paghahanap ng katubusan sa ibang bayan. Hindi sa lugar na ito una akong napadpad sa paglalagalag kundi sa kabila pa ng malawak na karagatang ito, doon sa Mainland ng Estados Unidos ng lahat ng mga alalahanin at pagkikipagsapalaran, mga pagdurusang ayaw ko nang balikan, mga pagpapakasakit na ang tanging nakakaalam ay ang kuwadernong tangan, isa kada mahalagang muhon ng pakikibaka, mga kuwadernong magtatatlumpo na at ngayon ay pawang mga eksibit ng aking pagtalunton sa ganun ding daan ng mga nagsipunta sa Amerika isang daang tao na ang nakararaan: mga sakada sa Ilocos, Tagalog, at Visaya na nagsilikas sa mga mumunting baryo upang makipagbuno sa mga karahasan ng kapital, ng plantasyon, at mga lunang amo, halimbawa; mga pansamantalang obrero sa mga taniman at pagawaan ng delata tulad nina Manuel Buaken at Carlos Bulosan; at mga tago-ng-tagong tagaalaga ng mga mayayamang matatanda sa Nueva York at Nueva Jersey.
Litanya ng mga komplikadong karanasan ang tatlumpong kuwaderno, at tulad ng sa Luma at Bagong Tipan, tila isa itong personal na talaan ng paglalakbay paglayo sa bayan at pag-uwi sa sarili, upang sa sulok ng mga dilim at lungkot, sa isip at sa mga parkeng ramdam ang matinding pag-iisa, doon, doon ko sinasariwa ang aral tungkol sa hakbangin ng pagtutubos sa sariling nandarayuhan, sa sariling naging exilo sa mga lungkot at kontradiksyon ng bayang sinilangan upang mula sa malayo ay malirip ang mga mumunting liwanag sa mga siwang ng mga dingding ng pagdanas.
Nakatala sa aking mga kuwaderno ang mga daan-daang pahina ng mga pangamba, ng mga pagdadalawang-isip, ng mga pagbabaka-baka, ng mga pananakot sa sarili na hindi ang Amerika—at ngayon ay ang Hawai`i—ang lupaing laan para sa akin, ang Lupang Pangako, na ang solusyon ng pagbabaha ng luha sa aking unan, ng tuwi-tuwinang pagdagundong ng aking dibdib, at ng di mabilang sa daliring pagyugyog ng aking balikat sa dilim ay ang pag-eempake sa dalawang maletang dala-dalahan at sumakay sa unang eroplanong pabalik sa bayan. Pero hindi ganoon kadali ang mga bagay-bagay sa dayo kung ang bayang iniwan ay isa ring heograpiya ng pagpapakasakit at kalungkutan, kung ang bayan ay isang republika rin ng mga anomalya sa lumbay at kawalan ng panlipunang katarungan.
Sa hapon, uuwi ako sa tahanan sa kanluran, doon sa laot, doon sa mga kabit-kabit na bundok na rumururok sa payapang kalangitan upang sa kabila nito na lingid sa akin tanaw ay manganganak ng nagyayabang na talampas na kumakanlong ng mga taniman, kabahayan, mga lugar na pinagpapasyalan at pinagpipiknikan, ng mga makikipot na daan paakyat sa mga balikat ng mga burol at gubat, at ang walang katapusang katubigang ang alon ay tila mga baylarinang nagsasayaw sa tugtog ng hangin o sa saliw ng mga ibong nagsisikantahan pagdating ng takip-silim. May magkahalong pagkamangha at pagkatakot sa aking dibdib kapag nakikita ko ang lampas-lampasang karagatan. Pakaiisipin ko ang hintuturong sumusunod sa guhit sa langit na iniiwan ng eroplano noong panahong wala pa akong kamuwang-muwang sa ibig sabihin ng paglisan at matagal na hindi pagbabalik.
Sa pagitan ng umaga at hapon—sa pagitan ng pagpasok sa trabaho sa silangan at pag-uwi sa kanluran ng araw sa malungkot at malamig na higaan sa gabi ay ang walang katapusang pag-iimbento ng kahulugan ng mga panahong inagaw sa amin, kaming mag-anak, habang nagkakasya kami sa email at paminsan-minsang webcam. Aaliwin ko ang sarili sa pagbabagtas ng kahabaan ng malulungkot na freeway ng bayang ito ng mga nakapinid na mga silid, mga bahay na kuta ng mga taong-kuwago at pinipipi ng garang panlabas, mga pintuang di halos nagbubukas, mga bintanang wala man lamang dumudungaw, at mga kalyeng walang tao kundi mga sasakyan at sasakyan pa na palagiang naghahabol sa palagiang tumatakas na oras.
Peregrino, sabi ko sa sarili, at naaalala ko ang panahon ng paghahanap ng kahulugan sa seminaryo: mga panahon ito ng pagkatali sa mga oras, sa mga gawain, sa awtoridad, sa rehimentadong pagwawaldas ng isip at kabataan, sa dasal, isang libo at isang dasal, taimtim at mapagkumbaba, dasal na humihingi ng kaliwanagan kung ang piniling landas ng paglalakbay sa buhay ay siya ngang landas na laan, takda ng panahon at pook, takda ng uniberso, takda ng mortal na buhay. Sa pinaderang buhay sa seminaryo, nangabubuhay kami noon sa kapangyarihan ng batingting: umaga, tanghali, at gabi ay pinaghaharian kami ng batingting, ang makapangyayaring batingting, ang batingting ng aming bawat hininga, ang batingting ng aming kakayahang sumunod sa mga may poder at sa tinig ng Espiritung tumatawag sa amin sa ganoong uri ng buhay.
Sa pagtulog ay ang batingting.
Sa paggising ay ang batingting.
Sa paglibog—na madalas ay palihim at lingid sa mga awtoridad—ay ang mahiwaga at makapangyarihang batingting.
Ang batingting ang kumakalampag sa amin tuwing madaling araw na kasarapan ng pagtulog pagkatapos ng maghapong rehimen ng pag-aaral at pagdarasal. Ang batingting din ang kontrabida sa aming makukulay na panaginip na di kayang sagkaan o harangin o angkinin ng paring pinagkukumpisalan.
Gugulantangin ka ng batingting habang sa panaginip ay ang naratibo ng paglaya—ikaw sa isang tuktok ng matayog na bundok na tumatanaw sa isang malawak na karagatan na walang haggan, naabot ng tanaw at hindi rin, sa bundok na iyon na doon mo wiwikain ang pormularyo ng paglalakbay tungo sa pansariling kalayaan: “Ako ay nangangako mula ngayon na hinding-hindi na ako pasisiil sa mga manupakturadong katotohanan ng buhay sa loob ng mga makakapal na pader.”
Pipilitin mong balikan ang panaginip, pipiliting malaman ang katapusan nito, pipiliting alamin kung sa huling kabanata nito ay magtatanggal ka ng sotana at mangangako sa Poon ng buhay na maglalakbay pa rin ayon sa kahingian ng tunay na kalayaan at kabutihan. Hahanapin ang karugtong ng panaginip sa mga dasal na mekanikal na sasambitin, mga pormuladong dasal ng Aman Namin at Ave Maria.
Subalit hindi ganoon ang landas ng panaginip—hindi tumatalunton sa nais ng nanaginip kapag ito ay nakarating na sa lebel ng ibang ulirat. Pipilitin mong ibalik ang himbing ng tulog sa pag-upo at pagdinig sa walang utak na sermon ng pari subalit kinakailangang sumagot ng “Amen,” magkurus sa tamang panahon, lumuhod sa tamang sandali, umawit na wala sa puso.
Ang batingting ang hudyat ng lahat: ng pagkilala na ang mortal mong buhay ay di iyo, na ikaw, seminarista, ay isang exilo sa buhay na ito, na ikaw at lahat ng mga nilalang, ay pawang mga exilo, at ang buhay na ito ay isang naratibo ng pagiging exilo—mga talinghagang kayhirap isadiwa subalit ang katotohanang taglay ay singtotoo ng mortalidad at hangganan ng hininga.
Sa sulok ng aking isip na nagliliwaliw, isang permanenteng residente doon ang walang ngalang lumbay na ang ugat ay ang di pagkawari kung kailan nga ba mauulinigan muli ang harutan ng mga anak sa isang tahanang malaya kaming magpalitan ng mga talinghaga na hindi sinasagkaan ng binabayarang oras mula sa mga mandorobong phone card o ng binabantayang mga minuto sa bawat long distance.
Sadyang buntis na pangako ng pagsasama-sama muli ng pamilya para sa isang katulad kong naglagalag.
Taon ang bubunuin bago maaprubahan ang petisyon ng pagiging migrante ng kaanak, taong walang simula sa mga buwan at araw at linggo. At habang wala pa sa ganoong kalagayang makakapiling ang kaanak, magdadamot sa sarili ng lumbay, luha, at ligalig. Magbabantay ng uubusing pag-iisa, lungkot, pangarap. Patatagin ang sarili sa pamamagitan ng paalalang nakaugat sa pag-asang buhay, ang ugat ay may dugo, ang mukha ay sa isinisilang na araw sa umagang papasok ako ng trabaho sa silangan: May pagbubuo pagkatapos ng mahabang panahon ng pagkakahiwa-hiwalay.
Alam ko ang pag-asang iyon, minemorya na ng lahat ng selula ng aking aking utak, bawat himaymay nga king kalamnan, ngunit kapag dumapo ang kakaibang lungkot, hahayaan kong lumaya ang luha, aalon sa aking mga mata, dadaluyong sa aking pisngi, at mapapakinggan ko ang aking piping hikbi: walang salita ito ngunit punum-puno ng wika.
Alam ko ang ibig sabihin ng pag-asang eternal.
Subalit magkaiba ang alam sa nararamdaman, at ang damdamin ay singtingkad ng araw sa katanghaliang tapat na ang anino ay sa tao mismong nangangarap—hindi lumalampas kundi sinasakop mismo ang hugis ng pagkatao, ng isip, ng malay, ng lahat ng halagahing pinanghahawakan at napanghahawakang tunay.
Titigan ko ang araw at hindi ako kumukurap: sa kabilugan nito, doon, sa sentro ng mga apoy, doon ko madalas hinahanap ang katuparan ng isang pangarap na makahabol pa ako sa mga harutan ng mga anak, na noong iwan ang panganay ay katutuntong pa lamang sa kolehiyo at ngayon ay ipinaglalaban na ang sariling karapatan at buhay; ang pangalawa ay patapos na noon ng hayskul at ngayon ay magtatapos na ng kanyang karera at ibig nang pasukin ang pagiging potograpo upang madokumento ang aming maraming taong paglayo; at ang bunso ay nag-aaral pa lamang humakbang noon at ngayon ay siya nang tagasagot sa telepono tuwing nagkakaroon ako ng panahon at pera na idayal ang telepono sa tahanang iniwan upang sa binabayarang sandali ay mapaglapit naming ang distansiya sa aming pagitan.
Naaalala ko ang unang uwi: di ako makilala ng bunso, ayaw lumapit sa akin, kinikilala ng mabuti kung sino ang dumating, basta lamang tinititigan ako, di siguro mawari kung ano ang dapat gawin—kung tama ba na ang bagontaong dumating ay yakapin, halikan, kausapin, kumustahin, sabihan ng “Itay, itay!”
May sugat sa isip ang ganitong mga eksena subalit kinakailangang magpakatatag ang exilo—subalit kinakailangang magiging matatag ang naglagalag na nagsusumikap bumalik sa mga pook na iniwan, sa mga panahong iniwan, sa mga pusong iniwan. Sa ganitong pagkakataon ko ring inuusisa ang sarili: Tunay nga bang nakakabalik ang umaalis sa poon, panahon, at pusong iniwan? Naaareglo ba ang mga lamat ng utak, ang mga sugat na bunga ng mga distansiya at paglayo, ang mga araw at gabing nangawala?
Hindi ko noon alam kung saan sulok ng puso ko apuhapin ang galak sa pagkakita sa bunso na noong iwan ay di pa ako halos matatandaan, di memoryado ang hugis ng aking mukha, di kabisado ang timbre ng aking tinig. Tuwing dumadapo sa akin ang damdaming kayhirap pangalanan habang kaniig ang pag-iisa sa dayo, makikipagpaligsahan ako sa mga sandali upang takasan ang depresyon. Normal na siguro ang ganito sa katulad naming nagbibilang ng araw sa kalendaryong binudburan ng mga marka ng anibersaryo at kaarawang di naman naming nadadaluhan subalit minamarkahan pa rin sakaling may milagrong magaganap at sa isang kisapmata’y makakalipad papauwi sa Filipinas. Subalit hanggang sa guni-guni lang madalas ang ganoong pag-iilusyon sa dikta ng mga numero at araw ng kalendaryong dinidisimula ng mga magagandang tanawin sa bayang iniwan.
Sa dayo, sa pag-uwi sa gabi sa tentatibong tahanan ay kaniig ang lamig ng higaan, kaisa ang katahimikan ng mga nauumid na upuan, kaharap ang mesang di halos nadadapuan ng pagkain sapagkat mas maiging kumain sa labas sa pag-aakalang ang mga taong katulad na estranghero sa iyong paligid ay mga tao pa ring naghahanap ng pakikiisa, mga markado rin ng heograpiya ng lumbay at pasakit. Sa pagkilala sa kanilang lumbay at lungkot ay nakakalikha ka ng isang uri ng komunyon ng mga peregrino ng mga pangungulilang ang pangalan ay di makikita sa litanya ng mga emosyon ng mga nangingibang-bayan kundi nasa molde ng mga kuwentong walang may kakayahang magsadiwa sapagkat lumalampas ito sa wika ng pagbagabundo sa buhay. Habang kinakagat ang pagkain sa fastfood sa gitna ng mga ingay at kalembang ng kahon ng kahera at mga dolyar na pamatid-uhaw sa lahat ng uri ng kasaganaan at kabutihan, ramdam ang pag-iisa, tumitingkad ang pag-iisa, at ang pag-iisa ay walang kaparis. Pipiliting alalahanin ang kapangyarihan ng pagsipol sa dilim kapag dinadapuan ng takot—subalit hindi takot ang kalaban ng pusong nag-iisa kundi ang salita ng ibang nagbibigay buhay, naglalarawan ng hugis at anyo at kulay ng katubusang magbibigay ng kagampan sa lahat ng mga alalahanin ng manlalakbay sa buhay, sa bayan mang iniwan o sa bayang kinapuntahan.
Kapag dinadapuan ako ng ganitong uri ng kalbaryong walang ngalan, kakausapin ko ang sarili at papangalan, tuwi-tuwina, ang tunay na kalagayan. “Exilo, exilo,” sasambitin ko, paulit-ulit na pagsambit, paulit-ulit tulad ng “Om” ng Sadhanang aking natutuhan sa seminaryo noong matagal nang panahon.
“Exilo, exilo” sasabihin ko muli, kasabay ng aking paghinga, kasabay ng pagkilala sa prana ng kapaligiran, sa chi ng uniberso, sa anito ng mga alaala ng mga ninuno. “Exilo, exilo,” sasambitin ko muli at naroroon ako sa isang panahon, sa baryo ng aking tatang, sa paligid ng mga kagubatan, mga burol, mga ilog, mga palayan, mga umaga na malamig at ang kaanak ay magsisiga, nagsusunog ng mga dahon at sanga ng kahoy, magsisiga, at ang kaanak ay nangagsipapalibot sa apoy at nangagsisikukuha ng darang sa apoy upang labanan ang lamig hanggang sa sandaling bubulaga ang araw, at magreregalo ito ng darang. Subalit habang nakatago pa ang araw sa mga bundok sa silangan, ang siga ang magsisilbing balon ng darang, at mula sa liwanag nito ay magbibinhi ng pagkukuwento.
Una muna ang pinakamatanda sa angkan, ang paulit-ulit na kuwento ng kanyang paglalakbay, ng kanyang paglisan, ng kanyang pagtungo sa mga plantasyon sa Hawai`i, ang pagpapatatag sa sarili sa gitna ng mga dagok, ng kaapihan, ng kalupitan, ng kawalan ng hustisya. Ang pagpapanatili sa pananampalataya. Ang pagpapangako na magbabalik sa bayan, paghuhusayin ang buhay, itataguyod ang pamilya. Ikakabesa ko ito—at lahat na mga kuwentong aking maririnig, nanamnamin ang mga piling salitang ginagamit upang maisawika ang karanasan, pakakaisipin sa aking utak kung bakit ganito ang pagsisiwalat at hindi ganoon—at sasagutin din ang mga tanong na higit sa lahat, ang pagbabalik ay isang uri ng pagtutubos sa sarili.
Tahimik lang kaming mga bata, subalit may ingay sa aking utak.
Gusto kong lumayo.
Gusto kong maglayag.
Gusto kong makarating sa mga malalayong lupain at makita doon ang pagsilang at paglubog nga raw.
Gusto kong maging saksi sa mga walang katapusang pagbubuntis ng mga pag-asa at pagpakahulugan ng buhay sa dayo, sa mga kuwento ng mga exilo, mga nandarayuhan sa sariling bayan, mga nandarayuhan sa ibang bayan, mga peregrino sa sariling kalooban, sa sariling isip, sa sariling pagkakatiintindi ng katotohanan at kabutihan at kagandahan.
Gusto kong maglagalag tulad ng ibig sabihin ng ‘pag-agkawili’ ng mga Ilokano noong panahon.
Gusto kong maglakbay tulad ng paglalakbay ng mga bayani sa mga epiko ng mga pamayanang grupo ng bayan—at sa paglalakbay ay makakasagupa ang lahat ng mga balakid, at tatalunin lahat ng mga ito upang makauwi sa sariling isip, sa sariling loob, sa sariling nakem, sa sariling buot.
Makikinig kami sa kuwento ng nakatatanda at susunod ang iba pang nagsilayo upang magbalik din sa pook ng aking tatang at isawika ang sariling karanasan.
“Exilo, exilo,” sasabihin ko—at ang aking sarili ang aking sasabihan.
Pakakaisipin ko ang panahon na naririto na ang kaanak: ang kanilang pag-alis sa tahanang nagtago at nagkanlong sa kanilang pagkatao at kabataan, ang mga halakhak na nakatago sa mga dingding, ang mga luhang nakasuksok sa mga pansariling taguan, ang mga sulat ng mga anak na nangangako ng pagpapakabuti, ng pagsasaayos ng ugali, ng hindi pag-uulit sa mga nagawang kalabisan na siyang sanhi ng pagratsada ng sermon mula sa kanilang ina.
Pakakaisipin ko ang pagkawala ng mga supling ng ugat sa bayang sinilangan.
Pakakaisipin ko ang kanilang pag-aalumpihit na umalis sa bayan, at sa dayo, sa mga pook na iba ang takbo ng simoy ng hangin at iba ang ikot ng mundo, dito, dito sila magsusumikap magka-ugat, mabuhay tulad ng lahat ng exilo, magbago ng wika, magbago ng dila, magbago ng utak, magbago ng panlasa. Minsan, naiisip ko ang katarungang taglay ng ganitong hinaharap—at naiisip ko, ako mismo ang nagiging ahente ng pagiging exilo ng aking kaanak.
Magdududa ako sa aking mga pasya, magbabaka-baka sa mga posibilidad.
Pakaiingatan natin ang bahay natin, sabi ng panganay. Paaayos natin, palalakihin. Magbabalik tayo.
Mag-aaral akong maging potograpo, sabi ng pangalawa.
Magreretiro ako dito, sabi ng kabiyak sa telepono.
Tatakbo ang bunso sa bintana at pagmamasdan ang mabining pagpatak ng ulan sa aming lugar sa gilid ng Kamaynilaan. “Umuulan din ba sa bahay mo, itay? Dito sa bahay namin, hala, lumalakas ang ulan!” Iba ang bahay ng bunsong iniwan.
Nangingilid ang aking luha. Iba ang aking bahay, iba ang bahay ng aking mga anak. Tunay ngang iba ang bahay ng kaanak na iniwan.
Exilo, sasabihin ko sa aking sarili. Exilo.
Magpapakawala ako ng malalim na malalim na buntong-hininga, pakakawalan ko sa dagat, sa hangin mula sa Diamond Head, sa gabi sa mga tugatog ng mga bundok sa kanluran, sa umaga sa mga freeway na aking lalakbayin.
Exilo, exilo, sasabihin ko.
Walang salitang nabubuo sa aking mga bibig.
Lumalampas sa wika ang pagiging exilo.
-30-
A Solver Agcaoili
UH Manoa/Abr 29/07
2 comments:
makapaibit, manong ariel...
impalancam koma daytoy. mangatiw la ketdi iti sanaysay category.
Roy:
Residente iti barukong dagitoy nga emosion, ading. Ken adu pay dagiti suratek a kakastoy. Dagitoy dagiti rikna dagiti nagkatangkatang ken dagiti adu pay nga agkatangkatang a kas kaniak. Ngamin--republikatayon dagiti agkatangkatang!
Post a Comment