Balang araw, merong mag-aaral sa papel ng blogging sa buhay pandarayuhan.
Balang araw, pag-aaralan din kung papaano nakaiwas sa pagkapariwara ang mga exilo sanhi ng pagba-blog.
Balang araw, magkakaroon ng isang siyentifikong lapit sa korrelativiti ng blogging at family cohesion, unity, communication.
Nakikinita ko na.
Lilikumin ang mga blog outputs, pag-aaralan ang mga diskursong taglay ng mga ito at sa pamamagitan ng isang diskursibong lapit na aking iimbentuhin (may pagyayabang dito, basahin, madali!) aanalisahin ng mga siyentifikong iskolar ang narativ ng pandarayuhan sa hulmahan ng blogging.
Imbentuhin na natin ang working title: The Correlativity of Blogging and Open Communication among High-tech Oriented Exiles like the Agcaoili Bloggers, hahahahaha!
So, magiging case study ito. Kaya family bloggers, watch out! Andiyan na ang mga siyentifikong iskolar, magtago, magtago, madali!
Totoo ito--at hindi malayong mangyari. Sinimulan ko na, in fact. So let it be on record na sinimulan ko na.
Hindi malayong mangyari: Sapagkat hindi naman nababago ang batayang pangangailangan ng pantaong komunikasyon saan man naroroon ang mga tao, sa ano mang sirkunstansiya ng buhay sila nasasadlak.
Para sa akin, isang lunas ang blogging, lunas ng lahat ng mga sakit sanhi ng pandarayuhan.
Sa blogging ko naibubuhos ang mga karanasang hindi napapangalan, karanasang sinusubukang pangalanan sa pamamagitan ng mga episodikong pagsasalaysay sa mga pangyayari sa buhay ng isang migrante sa maghapon at magdamag.
Sa blogging ko binabansagan ang mga tila-labuyong danas.
Sa blogging ko rin inaaliw ang sarili at hinahamon ang bukas na ngumiti sa akin, sa aming lahat na mga dayo, sa aming lahat na mga exilo, sa aming lahat na partido ng diaspora--kasama ang aming mga pamilya na sa duluhan ng lahat, ay partido rin ng aming panlahatang lungkot, sakripisyo, pagsisikap, paggiliw, pangarap.
Sa blog ko rin iniiwan ang isang panalangin: na harinawa ay hindi na kailangang mangyari itong tila-Exodong pag-alis ng mga mamamayang Filipino upang hanapin ang matiwasay ng buhay sa ibang lupain.
Nakakalungkot isipin ito--at higit na nakakalungkot ang isang mapakla at pangit na reyalidad na kailangang umalis ang mga kapamilya upang mabigyan ng buhay ang iba pang kapamilya.
Isa itong ironiya ng panahon na kinakailangang harapin na ng bayan.
Hindi ito nakakatuwa--hindi na ito nakakatuwa.
Bagkus, kailangan panagutin ang mga salaulang may-akda ng ating masaklap na kapalaran.
Kaya kaming nasa dayo, nagkakasya kami sa blog: nangangarap na pansamantala lamang itong pandarayuhan, na ang blog ang lunas ng mga pansamantalang sakit at pasakit ng mga umaalis at iniiwan.
Sa blog namin ginagawang masaya ang lahat, ang lahat-lahat.
A. S. Agcaoili
Hun 4, 2006
Torrance, CA
No comments:
Post a Comment