Dito sa Hilagang Amerika, pinakahihintay ng lahat ang tag-araw.
Sabihin nating may ibang ligaya at sigasig at pagpapanibagong-buhay ang dinudulot ng tagsibol.
Sabihin nating may galak at tuwa sa pagbusilak at pagbukadkad ng mga bulaklak sa mga hardin, sa mga parang, sa mga paanan at balikat ng mga bundok, sa mga batuhan, sa mga disyerto--kahit saan!
Tila merong isang sabayang masayang kaguluhan ng mga sari-saring kulay sa ano mang lugar kapag tagsibol.
Pero may lamig pa rin ang panahong ito, may nginig pa rin sa kalamnan kapag may ulan o bagyo o baha.
May pangangailangan pa rin ng makapal na kumot, ng thermal na damit, ng balabal, ng diaket, ng heater.
Sa tagsibol, naroon pa rin ang alaala ng taglamig kung kaya naroon ang kawalan ng pagdiriwang ng katawan at dugo ng mga taong nilalaro ng hangin na may dalang konting butil ng niyebeng natutunaw sa mga rurok ng mga bundok.
Pero ang tag-araw ay iba. Ibang-iba. At walang kaparis.
Sa tag-araw, mayabang--at punumpuno ng pagyayabang--ang sikat ng araw.
Parang isang binatang palagiang nagpapakitang-gilas sa kanyang nililiyag, matayog ang tirik sa lupa, sa mga bukirin, sa mahabang katawan ng tubig.
May kung anong tigas sa kanyang mga raya, tila espadang tumatarak sa matres ng uniberso, ng dibdib ng kalikasan.
May perlas na nabubuo sa paglapat ng darang ng araw at lamig ng asul-berdeng baybay.
Mula sa mataas-taas na bangin na iyong pinagmamatyagan sa galaw ng araw, nakikita mo ang pagbulusok ng mga sinag sa mga naghihintay na murang dahon ng mga baging na nakahalukipkip sa pagitan ng dalampasigan at batuhan sa parteng ito ng Redondo Beach o Palos Verdes.
Mauulit-ulit ang ganitong tanawin sa iba pang lugar.
Sa mga bundok ng Santa Monica, halimbawa.
O San Gabriel.
O Malibu.
O San Berndardino.
Mula rin sa iyong kinaroroonan, kitang-kita mo ang mga hugis ng mga nagtitila-mansyon na mga bahay sa tuktok ng mga burol na tumatanod sa napakalawak na karagatan ng Pasifico.
Sa isip mo: ang tag-araw dito sa Los Angeles ay simula ng tag-ulan sa bayang pinagmulan kahit ang pagitan lamang ng dalawang lupain ay ang distansiya ng magkasalungat na dalampasigan--at ng iyong walang ngalang kalungkutan ngayon.
Tatanungin mo ang iyong sarili, ang tanong ay walang salita, sa isip lamang, wala sa hulma ng wika, kundi sa hugis at anyo ng katahimikan lamang: Dinadala kaya ang darang ng tag-araw dito sa Los Angeles ang init ng aking pangungumusta sa kabiyak at sa mga supling?
Uulitin mo ang tanong, muli at muli, sa anyo ng katahimikan sako mo pagmamasdan ang mga seagull na kung magsipagharutan ay tila may mga isip. Nasaan kaya sa kanila Jonathan Livingston Seagull, tanong mo sa dagat at hangin at damuhan at mumunting gubat sa malapit?
May delikadong galaw ang mga seagull sa kanilang sabayang pagsayaw sa ulap: Naroroon sa sabayang pagsayaw na iyon ang pang-aakit nila sa tubig, ang panunukso nila sa hangin, ang pakikipaglandian sa masalimuot na araw.
Tag-araw na nga rito sa Timog California tulad ng iba pang parte ng Amerika.
Narito lahat ang mga senyas.
Narito lahat ang mga senyal.
Ang kakaibang awit ng mga ibon na tuwing umaga ay nag-aalay sa aking ng napakagandang konsiyerto ng pag-asa. Ng dasal. Ng inspirasyon: lumaban ka, lumaban ka, duwag!
Ang walang pakundangang pagpasok ng mga maririkit na raya ng araw sa aking venetian blinds tuwing alas-sais ng umaga. Ginigising ako ng sinag ng araw kahit napuyat ako sa kaba-blog.
Ang pagpapalit ng damit: tinutupi na ang diaket at coat, wala nang sweater, at balik na lamang sa semi-pormal na kasuutan.
At kung ikaw ay nasa beach, ipinangangalandakan ang kahubdan. Bawal ang walang tan, yung maitim na kutis, kapag tag-araw.
Ngayong linggo at noong nakaraan, noong araw ng Memorial Day, kasama ang ilang kaibigan, hinanap namin ang puno't dulo ng tag-araw.
Hinanap namin sa mga bundok.
Hinanap namin sa mga freeway.
Hinanap namin sa Camarillo, sa Oxnard, sa lugar na hindi namin alam, hindi pa namin napuntahan, hindi namin alam ang pangalan.
Hinanap namin sa mga bukirin ng mga Mexicano at Filipino, sa mga hele-helerang tanim, sa mga pinugutang puno ng ubas, sa mga linang na pinapatubigan, sa mga talulot na tinatakpan laban sa nakakapasong init ng araw.
Kahit saan, hinanap namin.
Kahit sa mga kursadang simula ng aming pagkaligaw-ligaw.
Hinanap namin sa maliwanag na langit.
Hinanap namin sa buhanginan.
Hinanap namin sa mga mag-anak na nagpipiknik sa mga parke, sa mga kaparangan.
Hinanap namin sa aming puso.
Hinanap namin sa aming espiritu.
Hinanap namin sa aming kaluluwa.
Hinanap namin sa aming isip.
Doon, doon, doon sa aming puso, sa aming espiritu, sa aming kaluluwa, sa aming isip, doon, doon, doon namin natagpuan ang puno't dulo ng tag-araw.
A. S. Agcaoili
Hunyo 4, 2006
*Dalawang linggong kinatha sa isip habang nagda-drive ako hanggang sa dulo ng tag-araw: sa Malibu, sa Camarillo, sa Oxnard, sa Thousand Oaks, sa San Clemente, at marami pang lugar.
No comments:
Post a Comment