Sa karagatan, doon sa buhanginan, doon mo mabibigkas ang saloobin ng walang bahid, walang bawnderi, walang pag-aalinlangan.
Subukan mong kausapin ang banayad na alon ng dagat at sasagutin ka.
Subukan mong dalhin sa isip ang kapangyarihang taglay ng tubig na walang katapusang humahalik-halik sa pampang at maririnig mo ang mga tagong musika ng mga gabing hindi ka nakatingin sa kalangitan kundi sa karagatan ng iyong dibdib.
Maraming beses ko nang ginawa ito kapag binibisita ako ng maraming suwerte o nagmamaramot sa akin ang mutya ng kapalaran.
Iba ang dating sa akin ng karagatan, kahit saan man ito.
Marahil taong tubig ako, taong lumalangoy sa enerhiya ng niyebe, ng ulan, ng baha, ng mala-burak na tubig ng mabahong kanal na dumadaloy sa konggreso o sa senado o sa Malakanyang ng ating sanlibo't isang pighati.
Marahil taong tubig ng poso ako, yung galing sa Malabanan, yung umaapaw sa poso negro at nakikipagkombo sa tubig ng Nawasa kung minsan o ng baha ng siyudad upang sa pagsasanib ng mga tubig ay makakalikha ang benditadong likido ng pakikipagtunggali at pakikipagsapalaran, sa dayo man tayo o sa bayan.
Ngayong araw na ito, muli kong isinagawa ang ritwal ng pagkilala ng puwersa ng tubig sa aking buhay pandarayuhan.
Tatlong linggo na akong nakabalik sa Amerika. Mga dalawang linggo mula ngayon ay ang paggalugad ko ng kalagitnaan ng Amerika sa pamamagitan ng tren.
Nakapagpasya na ako: tatlong araw akong magtetren patungong Williamsburg upang mapagmasdan ko ang puso ng Amerika na nilikha ng imahinasyon ng mga dumadangadang, silang mga mandirigmang nakaisip na ang Amerika ay para sa mga Amerikano at hindi para sa mga Ingles.
Imahinasyon ang puhunan sa pagbubuo ng bayan. Ang paglikha ng Amerika ay isang dakilang halimbawa.
Ito ang kulang sa atin: imahinasyon na makalikha ng isang sambayanan para sa atin.
Dala ang ganitong mga alalahanin sa isip, natagpuan ko ang sarili sa Redondo Beach ngayong Linggo ng Hunyo 4.
Dala ko ang pag-asang magliliwanag ang mga hiraya ng pagiging dayo, ng pagiging migrante, at ng pagpapaalala sa sarili na ang halaman ay kinakailangan putulin sa kanyang magulang na sanga upang makapag-ugat ng sarili.
At kinakailangang sa malayo itinatanim ang pinutol na halaman.
Doon sa malayo, kailangan niyang magpasya: mag-uugat at magsisibol, magdadahon at mamumunga--o susuko sa isang kamatayang kasinghugis at kasingkulay ng rosas pero kamatayan pa rin?
Ngayong araw na ito, nagpasya ako: magpapaa ako.
Hindi ko gustong maglakad sa buhanginan na may saplot ang paa.
Para akong di makalakad.
Parang mabigat ang aking mga paa kapag nakatsinelas o nakasapatos ako.
Parang hindi ako malayang makakilos.
Iba ang damdaming alay ng pagbibigkis ng aking talampakan sa buhangin na tila ang dalawa--ang aking talampakan at ang buhangin--ay magkakambal noon pa, pinaghiwalay ng nagliwaliw na kaluluwa, naglakbay ang buhangin sa mga bundok samantalang ang kaluluwa ay sa ligaw na hangin sumama hanggang sa muli silang pinagtagpo ng sagradong lugar na ito.
Naalala ko na noong bagu-bago pa lamang ako sa Amerika, noong hindi ko pa masyado naintindihan ang hugis ng pakikipagsapalaran ng mga dayo sa bansang ito ng mga imigrante na ngayon ay nasa tugatog ng kapangyarihan--naalala ko na dito, dito, dito rin sa Redondo Beach na ito, dito ko itinapon ang lahat ng aking mga hinaing.
Dinokumento ko ang damdaming iyon, ang seremonya ng pagtatapon ng hinaing sa dagat na ako lamang ang aktor at saksi at ministro, sa pamamagitan ng isang tulang inialay ko sa mga anak, ang tulang 'Pagtapon ng Hinaing sa Dagat.'
Hindi ko na masyado maalala ang detalye ng tula, subalit alam ko pa rin ang damdaming buod ng akdang iyon: ang pag-asa na sana mauuwi sa mabuti ang pakikipagsapalarang ginawa ko.
Wirdong kaisipan, paalala ko sa sarili.
Pero wirdo na kung wirdo itong muling pagniniig ng aking talampakan at ng buhanginan.
May alpombra ang aking talampakan sa malambot at pinung-pinong buhangin na kasingkulay ng bukid sa Santa Maria ng aking tatang kapag tag-araw.
Nakikita ko kung papaano na ang mga daliri ng aking paa ay nakikipagkuntsabahan sa buhangin upang ako ay makaakbang ng magaan na magaan, parang may pakpak, parang may kung anong dinamiko ng hangin na umaarangkada sa akin para sa aking paglipad.
Alam ko na: ang aking talampakan at ang buhangin ay iisa.
Sa iisang alikabok nanggaling, alikabok na sangkap ng unibersal na paglikha.
Sa iisang alikabok na sangkap ng ito at ito pa ring mundo, mula noon, mula pa noon, magpahangga ngayon.
Dito kaya nakaugat ang prinsipyo ng anito? tanong ko sa sarili.
Ang anito na ugat ng buhay, ang anito ng lahat ng panahon, ang anito na naroon sa mga alikabok, sa mga alaala ng mga nahimlay, sa paglusaw ng nakaraang panahon upang muling makalikha ng bagong panahon na dudulo sa hinaharap upang ang hinaharap ay magiging luma sa isang siklo na hindi nagwawakas.
Saan patutungo, halimbawa, ang katawan ng ano mang nilalang na naging abo na, naging lupa, naging alikabok, naging buhangin kundi sa sirkulo pa rin ng buhay, ng kosmos, ng uniberso, ng paghinga ng tao, ng dagat, ng mundo, ng mahabang buhanginan na ito ng Redondo na nagbibigay ng darang sa aking talampakang hubad?
Kaya imposible ang lohika ng puntod: dapat ay sa alikabok magbabalik ang lahat, lahat-lahat, at walang sasagabal sa ganitong batas.
Walang semento.
Walang marmol.
Walang ano man na papagitna sa proseso ng pagrupok ng katawan upang mapalaya ang kaluluwa, ang espiritu, ang isip.
Pero sa ibang istorya na ito.
Samantala, tetestigo ako sa isang leksyon sa buhay, ngayon at dito sa Redondo Beach: magkakuntsaba ang aking talampakan at ang buhanginan sa pagkamit ng iisang kaligayahan.
Kaya sigehan ko ang paglalakad.
Sisimulan ko sa dulo ng pier, doon sa ang kape na ang presyo ay di ko kaya kahit sabihin pang kanina pa natitigang ang aking lalamunan.
Wawakasan ko ang paglalakad na nakapaa doon sa mga batuhan, doon sa paanan ng mga burol na kinatitirikan ng mga bahay ng mga mayayaman na tila hindi nakakikilala ng katapusan ng lahat ng mga kalabisan, sa buhay man o sa kayamanan.
A. S. Agcaoili
Redondo Beach, CA
Hunyo 4, 2006
No comments:
Post a Comment