Konsepto sa Kuaderno

Laging ganito
ang gawain ng makata.

Manghuhuli ng mga salita,
sagrado sa kanilang kalungkutan
sa ibayo ng lahat ng gusto

sa layo man o sa lapit
ng mga isip na naglalakbay
kahit ang katawan ay sa karsel

ng mga alalahaning nakakulong
sa araw-araw. Tulad ng pagsusulat
ng mga pamagat ng tula

sa gitna ng pag-ihi
sa gitna ng pagbahing
sa gitna ng pagpigil ng pag-utot

dahil nakakahiyang sa salita
matutuklasan na ang alagad
ng mga saknong ay

may panghi ang ihi
may kulangot na sumasama sa pagbahing
may pamatay na bomba sa pag-utot.

Kami sa exilo, may kung anong pagpapanggap
ang ibinubunga ng dolyar sa bulsa
o ng ideya na ang dating makatang

singhirap ng daga
ay Ingles na ang dila
at kasabay ang gobernadora

ng kapos na isip
sa pila ng mga nagpapabuntat
walang pusi-pusisyon, sabi niya,

pantay-pantay pati pag-alipusta
sa kapwa manlilikha ng mga parilala
sa mga nanghahabi ng mahika

mula sa mga panaginip kung ano ang dapat
na tunog ang sa katahimikan ng isip
na nakakaalam kung ang mali ay itinatama

na nakakaalam kung ang tami ay minamali
tulad ng marami sa atin
mga halakhak ang puhunan upang magapi

ang iba, maisahan man lang,
masabi lamang na ang angking galing
sa hungkag na bukanegan ng pagsisinungaling

ay siya ring totoo sa panahon ng pagbaha
ng mga dugo sa papel
at doon ipupunla ang bagong tula
ng mapagkunwaring salita.


A Solver Agcaoili
UH Manoa, Feb 27/08

No comments: