1.
Sa downtown ng Los Angeles
mo makikilala ang mukha ng bayang
kapalit ng iniwan. Nandito ang mga eksenang
iginuguhit ng paningin at pagmumuni-muning
huwag nawang sapitin ang ganitong
pananagad ng nananahang damdamin.
Sa lugar na ito isinisilang
ang paulit-ulit na pagkakasala.
Sa lugar na ito mo rin matatagpuan
ang walang wawang kapatawaran
sa lahat ng mga luhang inutang sa lansangan.
Pag-akyat mo sa subway,
sa bungad ng parke ng mga bagabundong
hinablutan na ng ngiti sa labi, masisilayan mo
ang mga kulay ng sinag ng kagigising na araw.
Tatama ang sinag
sa mga nagpapangkat-pangkat na tubig
at magsasayaw ang mga dahon ng Aspen,
kukumpas sa tugtog ng mga tindero
ng mga ibinabaratilyong katuparan
ng lahat na gustong maangkin
pagkatapos ng araw ng pasasalamat
pagkatapos ng pasko
pagkatapos ng bagong taon
pagkatapos ng lahat ng mga araw
na nahahapo ang mga kaha ng mga tindahan.
Nauubos ang lakas ng mga kapwa exilo
sa paghahanap ng pamalit
sa pagluluksa ng mga gabi at araw
ng pag-iisa. Kahit ano, kahit alin, makalimutan
lamang ang kahungkagan ng mga sansaglit.
Sa downtown mo matatagpuan
ang exilong numero uno.
Siya ang nandarayuhang
kababayang dala-dala ang bigat
ng pagliban sa seremonia ng pagsasaya
sa tahanan o
sa bayang tinalikdan.
Kahit sa malayuan, alam mo
ang ingay ng kanyang katahimikan.
Isinisigaw ang paghahanap ng kaligtasan
sa mga regalong kumakaway
sa mga iskaparate
ng mga eleganteng gintong pantutuli
ng mga pilak na kadena para sa aso o pusang de makina
ng mga imitasyon na pabango para sa paring laging
nagrorosaryo para sa pananagumpay
nagdarasal para sa kaligayahan
na di kasama ang mga mahal sa buhay.
Sa malamyong hagod ng pakikipagtawaran
sa money tree na sinasapo ng buddha
sa mapalad na baston ni san joseng
may mga pekeng perlas o puwit ng basong
kristal na di nagpapahuli
sa pagpapangako ng mamahaling pagmamahal,
makikilala mo ang kababayang
ibig nang umuwi pero wala nang tahanang uuwian.
2.
Kayraming kababayang ganito
sa downtown. Sa mga panulukan
ng mga kalsadang nalulungkot,
makikita mo ang mga beterano
sa pangalawang digmaan,
sabit-sabit ang mga medalyon sa dibdib
tangan-tangan ang mga tupi-tuping sertipiko
ng taglamig na pakikipagsapalaran.
Andiyan yung pinalayas ng anak.
Andiyan yung ibig nang magpatiwakal.
Andiyan yung di na marunong bumigkas
ng salita ng bayan.
Sari-saring mga exilo numero uno
ang isinisilang ng downtown.
Sari-saring estorya ng kawalan.
Sari-saring kabayaran
sa pandarayuhan.
Aurelio S. Agcaoili
Los Angeles, CA
Dis. 5, 2005
No comments:
Post a Comment